Martes, Hulyo 25, 2023

State of Donation - Reaksyon sa SONA 2023 ni BBM

Reaksyon sa SONA 2023 ni BBM:

STATE OF DONATION - ANG PATRONAGE POLITICS SA PAGHAHARI SA MASANG PILIPINO NG MGA DINASTIYA'T BILYONARYO

Sabi ni Marcos Junior sa kanyang ikalawang SONA, "The state of the nation is sound and improving - dumating na ang bagong Pilipinas". Umasa muli sa mga pasakalyeng one-liner - gaya ng hilig ngayon ng administrasyon na mga papalit-palit na mga logo at islogan. Subalit, sige, patulan pa rin natin. Kung dumating na ang bago, ano nga ba ang luma? 

Kung ang luma ay ang paghahari ng mga angkang naghahari sa kanya-kanyang mga probinsya't distrito, natibag ba ito sa loob ng mahigit isang taon? Hindi. Kung ang luma ay ang monopolyo sa ekonomya ng iilang bilyonaryo gaya nina Villar, Sy, Gokongwei, Tan, Aboitiz, Razon, atbp., may nagbago ba? Wala rin. 

Kung ang kalagayan ng bansa ay "sound and improving" o maayos at umaayos, umayos ba ang buhay ng masang Pilipino? Hindi. Hingalo pa rin ang buong ekonomya matapos ang sunod-sunod na lockdown na ipinataw ng nakaraang rehimen. Kulang ang trabaho. Talamak ang underemployment. Sumisirit pa ang mga presyo. Mababa at bumababa ang sahod. Kontraktwal karamihan ng manggagawa. Sino lang ba ang umayos ang kalagayan - bago mag-pandemya, sa kasagsagan nito, at sa ngayong itinaas na ang public emergency sa Covid19 - ang mga bilyonaryo! Naampat ba ang paglobo ng utang - hindi lamang ang minana niya kay Duterte kundi pati ang agresibong pangungutang na naging pang-ekonomyang patakaran na mula 2016? Hindi rin!

Subalit, ipagpalagay na inaayos na nga ito ng gobyerno, at nagawa lamang magsinungaling ni Marcos Junior dahil nahihiya itong umamin sa mga kahinaan sa isang SONA. Tingnan natin ang plano ng rehimen sa darating na taon, na kanyang binanggit sa kanyang talumpati. Silipin natin ang ilan sa mga "priority bills" ng administrasyon para itulak ng mga alyado nito Senado't Batasan. 

Karamihan ay may kaugnayan sa pondo ng gobyerno. 

EXCISE TAX ON SINGLE-USE PLASTICS. Mapagpasyang hakbang para labanan ang polusyong likha ng plastik? Hindi. Kung ganito, ang patakaran dapat ay probisyon - agaran o staggered. Pero hindi. Ang layon ay lumikha ng pondo. 

VAT ON DIGITAL SERVICES. Muli, buwis - na papasanin ng mga kumokonsumo. Hindi lang mga negosyo kundi ng taumbayan. Ang muling layunin, palaparin ang koleksyon sa buwis. 

RATIONALIZATION OF MINING FISCAL REGIME. Kulang pa sa detalye. Itataas ba ang mga buwis sa mga kompanya sa pagmimina? Papatawan ba sila ng danyos at oobligahing ayusin ang kanilang sinira sa kalikasan? Malamang na hindi. Dahil ang mga Romualdez ay namumuhunan din sa mga minahan. 

MOTOR VEHICLE USER'S CHARGE O ROAD USER'S TAX. Muli ay buwis. Ang dumaming may-ari ng sasakyan (mula kotse hanggang motor) dahil sa pagluluwag ng mga bangko at financing companies sa auto loan at motorcycle loan - na siyang dahilan ng trapik sa mga sentrong urban, ang siyang tiningnang malaking pagkukunan ng buwis ng gobyerno. 

MILITARY AND UNIFROMED PERSONNEL PENSION. Muli, ang paksa ay pondo ng gobyerno. Magbabawas? Malamang hindi. Dahil ang pensyon ng mga retirado at magreretirong opisyal ng pulis at militar ay paraan ng incumbent na commander-in-chief para maging tapat sa kanya ang kapulisan at sandatahan ng estado. 

May ilang paksa ukol sa agrikultura. AMENDMENT OF THE FISHERIES CODE, ANTI-AGRICULTURAL SMUGGLING ACT, BLUE ECONOMY LAW. Kailangan daw ng syensya para proteksyunan ang kalikasan habang inaangat sa kahirapan ang mga mangingisda. Ayusin din daw ang post-harvest facilities. Kalikasan? Hindi pa nga inaaksyunan ang oil spill sa Mindoro na kinasasangkutan ng mga malalaking korporasyon! Gayong ang oil spill ay patuloy na sumisira sa isa sa pinakamayaman at biodiverse ng karagatan sa buong mundo. Post-harvest? Para sa merkado? Sino ang target na mamimili? Ang mga Pilipino o ang pandaigdigang merkado? Ang mga dayuhan! Dahil ganito ang direksyon ng agri-business na tinutulak ng gobyerno, hindi lamang sa pangingisda kundi sa mismong pagtatanim. Blue (o maritime) economy para sa mga dayuhan! Ibig sabihin, higanteng kaSONAngalingan ang sinasabing "food security" na namumutawi sa mga dokumento ng gobyerno. Agricultural smuggling? Iyan ay karugtong lang ng patakaran sa liberalisasyon sa imported na produktong agrikultural na patuloy na isinusulong ng gobyerno. 

AMENDMENT OF THE COOPERATIVE CODE. Muli, may kaugnayan sa agrikultura. May target na halos 900 cluster na may saklaw na 200,000 ektarya ng lupaing agrikultural. Pabibilisin ang pagbubuo ng mga kooperatiba na susuhayan ng rekurso at tulong ng gobyerno. Agri-business para sa dayuhan! Hindi rin binanggit ang paggamit ng mga malalaking panginoong may-lupa sa mga kooperatiba, na isinasali ang mga dating tenant-farmers o benepisyaryo ng agrarian reform, para makonsentra ang lupa para sa kanilang mga agri-business. Sa huli, nananatili ang monopolyo sa lupa ng mga dating pyudal ngunit ngayo'y kapitalistang landlord, na taliwas sa nilalayon ng mga programa sa reporma sa lupa. 

Mayroong mga amyenda ukol sa paggamit sa pondo ng gobyerno. NEW GOVERMENT PROCUREMENT LAW at NEW GOVERNMENT AUDITING CODE. Bagong batas para sa paghihigpit sa maling paggamit sa kaban ng bayan. At sino ang gagawa ng batas? Ang siya ring mga mambabatas na dati nang nakinabang sa iba't ibang ligal na anyo ng "pork barrel" at pagwawaldas sa pondo na diumano'y serbisyo sa tao ngunit ginagamit para manatili sa poder ang kanilang mga angkan! 

ANTI-FINANCIAL ACCOUNTS SCAMMING. Binanggit lamang ang isa sa pinakamadalas na reklamo ng taumbayan. Gayong hindi naman ito maayos ng batas kundi ng mga sistema't teknikal na kasanayan para mapigilan ang mga scammer. TATAK-PINOY (Proudly Filipino) law (muli ay "packaging", gaya ng "city of man" ng Ministry of Human Settlements noon ni Imelda). EASE OF PAYING TAXES (muli ay ukol sa pondo ng gobyerno). LGU INCOME CLASSIFICATION, na panibagong sistema kung paano paghahatian ng mga dinastiya sa mga LGU ang pambansang kaban ng bayan. 

Panghuli ay ang PHILIPPINE IMMIGRATION ACT, mga amyenda dahil lipas na daw ang kasalukuyang bersyon nito na ginawa noong pang 1940. Ang mas target ay ang modernisasyon ng Bureau of Immigration, hindi ang pag-aayos sa buhay ng mga migranteng manggagawang Pilipino. 

Ano ang mababakas na balangkas o framework sa mga "priority bills" ni Marcos Junior sa 2023? Dalawa. Pondo ng gobyerno at agri-business. Badyet at pondo ang pinagtuunan dahil sa ating lumolobong utang. Ang debt servicing ngayon taon ay nasa P819 bilyon! Sa pondo nakatutok, hindi sa direksyon ng mga pang-ekonomyang patakaran para sa redistribusyon - hindi lang produksyon - ng yaman o sa pagbaliktad sa mga neoliberal na patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon, kontraktwalisasyon (pleksibilisasyon sa paggawa) at pinansyalisasyon na sumira sa ating lokal na ekonomya. Dahil para sa mga mambabatas na mula sa mga dinastiya (na siyang odyens ng SONA sa bulwagan) ang solusyon sa kahirapan ay simpleng mamahagi ng baryang serbisyo sa kanilang mga botante. Pinaksa ang agribusiness (partikular ang maritime) at ang imigrasyon ng OFW dahil narito ang potensyal at aktwal na kalakasan ng bansa sa pandaigdigang ekonomya. 

Walang "bagong Pilipinas". Pilipinas pa rin para sa mga elitista! State of donation - sa hirap at desperadong mamamayang aanggihan lamang ng pondo ng mga dinastiya habang patuloy ang konsentrasyon ng yaman ng bansa sa kamay ng iilang mga bilyonaryong negosyante. Ito ang kalagayan ng bansa sa klase ng bulok na demokrasyang nanumbalik matapos ang Edsa1986 na siya ring dahilan ng panunumbalik sa Malakanyang ng pamilya Marcos. 

###

BMP - PLM - Sanlakas
Hulyo 25, 2023

Lunes, Hulyo 24, 2023

Polyeto para sa SONA 2023

(Inilathala natin sa ating pahayagang Taliba ng Maralita ang lumabas na polyeto noong SONA 2023 upang ating mapagnilayan at bilang bahagi ng ating dokumento at paninindigan. - Ang Patnugutan)

BBM, WALANG PINAG-IBA, INUTIL SA MASA, GOBYERNONG ELITISTA!
Trabaho, Pagkain, Kalikasan, Karapatan at Kasarinlan!
Hindi Pandarambong, Gyera, at Karahasan!

Ramdam natin ang matinding kahirapan. Kahit labindalawang buwan nang nakaupo sa Malakanyang si Marcos Jr. Ang pangako niyang "ang pangarap ko ay pangarap ko" ay maihahambing sa panaginip ng bayan sa pagkakahimbing na biglang nawala nang magising makalipas ang isang taon!

Hindi tayo naghahanap ng milagro sa isang taon. Ang hinihingi natin ay malinaw na tinatahak na direksyon. Direksyong makikita sa mga naging hakbang nito mula Hunyo 2023. At kung ang mga ginawa nito ang huhusgahan, ang gobyernong ito ay inutil o walang silbi sa mamamayan. Mas pa, ang mga patakaran nito ay nagsisilbi lamang sa mga bilyonaryong kapitalista - laluna sa mga negosyanteng dikit sa administrasyon. Subalit mas masahol, ang kanyang mga plano;t patakaran ay kontra-mamamayan.

BAGONG PILIPINAS?

Kamakailan lamang ay inansunsyo ni Marcos Junior ang logo ng "Bagong Pilipinas" na nagpapakita diumano ng kanyang tatak sa pamumuno. Walang nagbago! Ang namumuno sa bansa ay dinastiya pa rin, mga angkan sa pulitika, na tumatagos mula sa LGU hanggang sa pambansang gobyerno. Ang pagkahumaling ng kasalukuyang administrasyon sa pagpapalit ng mga "logo", "islogan", atbp. ay maihahalintulad sa dating bisyo ni Imelda Marcos na "packaging" pati pabanguhin ang imahe ng administrasyon ng kanyang asawang si Marcos Senior.

Nagwawaldas ng milyon-milyon sa kung ano-anong pagpapalit ng pakete imbes na paglaanan ang taumbayan at ang lokal na ekonomya ng kinakailangang pondo. Pinanghihinayangan nilang gastusin ang anumang magpapaunlad sa kabuhayan at uri ng buhay ng taumbayan.

Wala silang paki sa kahirapan ng taumbayan. Pula man o dilaw o kahit anong kulay ng dinastiyang nagmamando sa gobyerno, iisa ang laging laman ng isip at gawa - patagalin at palakihin ang kanilang kapangyarihan habang ninanakaw ang kaban ng bayan. Balagoong ang Pilipinas at taumbayan sa lagi nang pag-upo sa gobyerno ng mga dinastya at elitistang pulitiko.

SALA-SALABAT NA KRISIS NG TAUMBAYAN

Ano ba ang kalagayan ng taumbayan? Tumitindi ang kahirapan. Walang trabaho ang karamihan. Ipagmalaki man ng gobyerno ang mataas na employment rate subalit malaking bahagi sa may-trabaho ay kulang sa trabaho. Mga nasa "gawa paraan" na klase ng hanapbuhay na hindi tiyak ang kikitain sa bawat araw.

Kung makapaghanapbuhay man sa mga establisimyento ay kontraktwal ang katayuan. Sa parehong kaso, palagiang nasa bingit ng gutom at kawalan ng hanapbuhay. Ang masakit, kulang na nga sa trabaho, mabilis pa sa alas-kwatro ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Lalo ang presyo ng pagkain at langis na siyang dahilan ng pagtaas sa sinusukat na inflation rate. Walang ginawa ang gobyerno para kontrolin ang mga presyo. Di sinuspindi ang VAT sa langis. Di na pinarusahan ang mga trader na promotor ng importasyon ng pagkain at nagsasamantala sa mga magbubukid sa mababang farm gate prices. Habang sumisirit pataas ang presyo ng bilihin, ganun din kabilis ang pagbulusok pababa ng halaga ng sweldo o lalong lumiliit ang kayang bilhin ng sweldo ng mga manggagawa. Sobrang walang malasakit ang mga wage boards kahit lunod na sa taas ng presyo ang mga selduhan gaya ng NCR na nagdagdag nga ng P40 kada araw na minimum wage lang pero di pa kayang ibili ng isang kilong bigas.

Nariyan din ang krisis sa klima. Ang patuloy na pag-iinit ng mundo na pinangangambahang hihigit na sa 1.5 degree Celsius na magdudulot hindi lamang ng mga malalakas na bagyo sa mga tropikal na bansa gaya ng Pilipinas kundi matitinding El Niño at La Niña na pipinsala sa pananim at pangisdaan sa buong mundo. Pumorma ang gobyerno ng paniningil noon sa malalaking bansa para sa climate reparations subalit wala namang sustansya ang kanilang tindig. Nagtuloy-tuloy lang ang paggamit ng bansa ng mga fossil fuel para pagmulan ng enerhiya na nagpapainit sa mundo. Agresibo ngayon ang mga negosyante sa pagtatayo ng mga terminal ng fossil gas habang nananatili ang paggamit ng karbon o coal na pinakamaruming panggatong sa paggawa ng kuryente at numero unong sinisisi sa walang tigil na pag-init ng daigdig. Isa sa tatayuan ng fossil gas terminal ay ang Verde Island Passage sa Batangas na kung tatamaan ng polusyon ay tiyak na makakaapekto sa suplay ng isda sa buong mundo.

Isa pa ang krisis sa pagsikil sa mga karapatang pantao at karapatang sibil. Target ang mga unyonista't aktibista na titindig laban sa pang-aabuso ng mga mayayaman at may-kapangyarihan. Walang pagbabago sa "War on Drugs" na ang nabibiktima ay ang mga mahihirap. Tuloy ang "red tagging" ng NTF-ELCAC.

Nasa krisis din ang kasarinlan ng bansa. Naiipit ang bansa sa girian ng Estados Unidos at Tsina. Gaya ng nakaraang administrasyon, animo'y namamangka sa dalawang ilog ang kasalukuyang rehimen. Subalit pinalawig pa ang mga "joint military exercises" ng mga dayuhang hukbo sa bansa sa bisa ng EDCA at VFA. Habang hindi pinipigil ang pagpasok sa bansa ng mga imported na produkto, laluna mula sa Tsina na siyang pumapatay sa ating lokal na industriya, laluna sa agrikultura. Ang kawalan ng "food sovereignty" ay naglalagay sa bansa sa bingit ng sukdulang kagutuman laluna kapag umigting ang hidwaan o umabot sa gyera ang alitan ng mga makapangyarihang mga estado sa buong mundo.

PANDARAMBONG, GYERA AT KARAHASAN

Sasabihin ng gobyerno na mayroon naman itong ginagawa para iahon ang ekonomya at iahon ang kabuhayan ng mga Pilipino.

Nais ng gobyerno na magpalago ng pondo. Sa paanong paraan? Sa Maharlika Sovereign Wealth Fund? Iipunin ang pondo ng gobyerno - mula sa mga GOCC / GFI - para isugal sa "high risk, high gain" na merkado. Malayong-malayo ang disenyo sa ibang bansa, kung saan ang sovereign wealth fund ay sobra o di nagagamit na kapital kaya maaaring ilagak sa "high risk" na pamumuhunan dahil kayang hintayin ang pag-ahon ng merkado kung nalugi. Sino-sino ang promotor? Liban kay Ben Diokno ng DoF ay si BBM, si Cong. Martin Romualdez, at si Sandro Marcos!

Nais daw kontrolin ang mga presyo. Sa paanong paraan? Sa pagtaas ng interest rates upang makontrol ang mga mangungutang sa bangko at ang suplay ng pera sa sirkulasyon. Subalit hindi naman para isalba ang taumbayan na nasasakal sa taas ng presyo ng bilihin. Sino ang maaapektuhan? Ang mga negosyanteng nangangailangan ng kredito, laluna ang mga maliliit na pinilay ng mga lockdown noong 2020! Na mangangahulugan din ng tanggalan sa trabaho sa maliliit na kumpanya dahil sa kakapusan ng kapital. Sino ang makikinabang sa paggalaw ng interest rate? Ang mga sugarol sa bond market, na papasok sa merkado kapag bumaba ang presyo ng bonds kapag tumaas ang interest rate! Ang nagaganap ay sugapang pandarambong sa kaban ng bayan, na tatak ng pamilya ng pinatalsik na diktador. Nakakatiyak tayong sa darating na panahon ay sisiklab pa ang mga paglalantad ng talamak na korapsyon sa pondo ng gobyerno at sa paggamit sa kapangyarihan para yumaman ang pamilya at mga kroni ng pamilya Marcos-Romualdez.

Lilikha daw ng trabaho kaya inaakit ang mga dayuhang imbestor (na siyang idinadahilan sa walang tigil na paglipad ni Marcos Junior sa ibang bansa, kasama ang kanyang pamilya at mga alipores). Kalokohan! Hindi nilultas ang numero unong mga reklamo ng mga dayuhan sa mga survey ng "ease of doing business sa bansa", na walang iba kundi kurapsyon at mataas na presyo ng kuryente! At gaya ng kaninang nabanggit, tuloy pa rin ang mga patakaran ng gyera't karahasan, sa gitna ng matinding kahirapan at mga krisis na bumabayo sa sambayanan, at sa pandarambong ng mga opisyal sa kaban ng bayan.

NASA ATIN ANG PAG-ASA, WALA SA ANUMANG KAMPO NG MGA ELITISTA

Mga kamanggagawa at kababayan! Walang bago sa darating na SONA. Magmamalaki muli ng pag-unlad ang gobyerno. Pero para kaninong pag-unlad? Para sa bilyonaryo! Para sa dinastiyang may monopolyo sa kapangyarihang pampulitika! Ipagmamalaki muli ang GNP growth, ang gross national product na sumusukat sa yamang likha ng mga Pilipino sa loob at labas ng bansa. Lumago ang yaman pero sino ang lumikha at sino ang nakinabang? Likha ito ng mga manggagawang Pilipino, lokal at mogrante? Sino ang nakinabang: ang mga negosyanteng tulad nina Villar, Sy, Tan, Gokongwei, atbp., atbp.

Sa darating na SONA, tayo ay mangalsada hindi lamang para ihatid ang tunay na kalagayan ng taumbayan. Alam na natin ang ating sitwasyon. Ang dapat magrehistro ay ang independyanteng kilusan ng mamamayan. Laluna ng manggagawa. Independyente dahil may bitbit na mga kahilingan para ipagtanggol ang sariling interes, at dahil dito ay hindi magpapagamit sa sinumang kampo ng mga paksyon ng mga elitista. Umasa tayo sa ating sarili dahil walang ibang magtataguyod sa ating kahilingan kundi tayong apektado ng paghahari ng mga elitista sa ekonomya't pulitika. Ang ating paglaya ay nasa sarili nating kamay, nasa ating pagkakaisa, at higit sa lahat, nasa ating sama-samang pagkilos, hindi lamang ngayong SONA kundi sa araw-araw na pagsulong natin sa ating mga kahilingan na humakbang tungo sa tunay na demokrasya ng nakararami - ang gobyerno ng manggagawa't mamamayan, tungo sa lipunang ang yamang likha ng kalikasan at paggawa ay pinakikinabangan ng taumbayan at ang pangangailangan ng tao para mabuhay ng masagana at mapayapa ay mangibabaw at maging prayoridad kaysa sa karapatan sa pribadong yaman ng iilang pamilya sa lipunan.

BMP - PLM - SANLAKAS
Hulyo 22, 2023