Linggo, Enero 30, 2011

Modyul - Karapatan sa Pabahay

KARAPATAN SA PABAHAY
Inihanda ni Greg Bituin Jr., ng KPML-BMP-Sanlakas

Napakahalaga para sa bawat tao o bawat pamilya na magkaroon ng sapat na paninirahan. Paninirahang hindi siya maiirita, kundi tahanang siya o sila'y masaya. Ngunit sa maralita, lalo na sa mga lugar ng iskwater, maraming demolisyon ang nagaganap; maraming maralita ang nawawalan ng tahanan. Ngunit kasalanan ba ng mga maralita na tumira sila sa barung-barong, gayong dahil sa kahirapan ay yaon lamang ang kanilang kaya?

Marami sa maralitang dinemolis at dinala sa relokasyon ang hindi naman talaga nabibigyan ng sapat na pabahay, ayon sa negosasyon sa kanila bago sila idemolis, bagamat marami talaga sa kanila ang sapilitang tinanggalan ng bahay. Bahala na ang maralita sa erya ng relokasyon pagdating sa pabahay. Ang matindi pa ay ang pagiging negosyo ng pabahay, imbes na serbisyo. Patunay dito ang tinatawag na escalating scheme of payment na kasunduan para sa pabahay, na hindi naman kaya ng mga maralita. Ngunit ano ba ang batayan natin para masabi nating sapat na ang pabahay at ito'y ating karapatan? May mga pandaigdigang kasunduan na nagsasabing karapatan natin ang pabahay.

Nahahati sa dalawa ang talakayang ito – ang pandaigdigang pagkilala sa karapatan sa pabahay at ang pambansa.

International Year of Shelter for the Homeless (1987) - pagpapaangat ng pampublikong kamalayan hinggil sa pabahay at mga kaugnay pang problema nito na nararanasan sa iba't ibang panig ng mundo. Sinundan ito ng:

Global Strategy for Shelter to the Year 2000, kung saan, ayon dito:
"Ang karapatan para sa sapat na pabahay ay daigdigang kinikilala ng pamayanan ng mga bansa... Ang lahat ng bansa, ng walang eksempsyon, ay may iba't ibang anyo ng obligasyon sa sektor ng pabahay, na inihahalimbawa nito ay ang paglikha nila ng mga ministry o ahensya sa pabahay, sa paglalaan nila ng pondo sa sektor ng pabahay, at sa kanilang mga polisiya, programa at proyekto... Lahat ng mamamayan ng lahat ng Estado, gaano man sila kahirap, ay may karapatang asahan ang kanilang pamahalaan na may pakialam sa kanilang pangangailangan sa pabahay, at tanggapin ang batayang tungkuling protektahan at paunlarin ang mga kabahayan at pagkkapitbahayan, imbes na pagsira o pagwasak dito."

May 12 batayang pandaigdigang kasunduan na nababanggit ang ating karapatan sa pabahay

1. Universal Declaration of Human Rights (1948) - Artikulo 25.1
- Sinuman ay may karapatan sa isang pamantayan ng pamumuhay na sapat para sa kalusugan at kagalingan ng tao at ng kanyang pamilya, kasama ang pagkain, pananamit, tirahan at pangangalagang medikal at kinakailangang serbisyong panlipunan, at ng karapatan sa seguridad kung mangyari ang pagkawala ng trabaho, pagkakasakit, kawalang-kakayahan, pagkabalo, pagtanda o iba pang kakulangan sa kabuhayan sa isang pagkakataong di niya matanganan.

2. Convention Relating to the Status of Refugees (1951) - Artikulo 21
- Hinggil sa pabahay, ang Magkakontratang Partido, hangga't ang mga bagay-bagay ay nareregulahan ng mga batas o regulasyon o nasasaklaw ng kontrol ng awtoridad ng bayan, ay dapat maglaan sa mga nanganganlong (refugee) ng naaayon sa batas na naninirahan sa kanilang teritoryo ng mabuting pagtrato hangga't posible, at sa anumang pangyayaring di naman gaanong paborable kaysa inilalaan sa mga taga-ibang bansa (alien) na nasa kaparehong kalagayan sa pangkalahatan.

3. Declaration of the Rights of the Child (1959) - Prinsipyo 4
- Ang bawat bata ay dapat magtamasa ng benepisyo ng panlipunang seguridad. Dapat bigyan siya ng karapatang lumago at umunlad ang kalusugan; dahil dito'y dapat ilaan sa kanya ang isang espesyal na pangangalaga at mabigyan siya at ang kanyang ina ng proteksyon, tulad ng sapat na pangangalaga bago at pagkatapos ng pagbubuntis. Ang bata ay may karapatan sa sapat na nutrisyon, pabahay, paglalaro at serbisyong medikal.

4. International Labor Organization (ILO) Recommendation No. 115 on Worker's Housing (1961) - Prinsipyo 2
- Dapat na maging layunin ng isang pambansang patakaran sa pabahay na isulong, sa loob ng balangkas ng pangkalahatang patakaran sa pabahay, ang pagtatayo ng pabahay at kaugnay na pasilidad ng komunidad na may pananaw na matiyak na ang sapat at disenteng pabahay at magandang kapaligiran ng pamumuhay ay mailaan sa mga manggagawa at sa kanilang pamilya. Ang antas ng prayoridad ay dapat ilaan sa mga mas nangangailangan.

5. International Convention on the Elimination of All Forms of Racial Discrimination (1965) - Artikulo 5
- Bilang pagtalima sa mga batayang tungkuling nakasaad sa artikulo 2 ng Kapulungang ito, dapat isagawa ng mga Kapartidong Estado na ipagbawal at tanggalin ang diskriminasyon sa kulay ng balat sa lahat ng anyo nito at tiyakin ang karapatan ng sinuman, nang walang pagtatangi sa balat, kulay, o pambansa o etnikong pinagmulan, na may pagkakapantay sa batas, lalo na sa kaligayahang malasap ang mga sumusunod na karapatan:... (e) sa partikular ay karapatan sa Pangkabuhayan, Panlipunan at Pangkalinangan (ESCR):... (iii) Ang karapatan sa pabahay.

6. International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (1966) - Artikulo 11.1
- Kinikilala ng mga Kapartidong Estado sa kasalukuyang Kasunduan ang karapatan ng sinuman para sa sapat na pamantayan ng pamumuhay para sa kanya at sa kanyang pamilya, kasama ang sapat na pagkain, pananamit at tirahan, at sa patuloy na pag-unlad ng kalagayan ng pamumuhay. Magsasagawa ng kaukulang hakbang ang mga Kapartidong Estado upang tiyakin ang pagkilala sa karapatang ito, sa bisa nito'y pagkilala sa kahalagahan ng pandaigdigang kooperasyon batay sa malayang pagsang-ayon.

7. Declaration on Social Progress and Development (1969) - Bahagi II, Artikulo 10, f
- Ang probisyon para sa lahat, partikular sa mga taong mababa ang kinikita at sa mga malalaking pamilya, hinggil sa sapat na pabahay at serbisyo sa komunidad.

8. Vancouver Declaration on Human Settlements (1976) - Seksyon III (8) at Kabanata II (A.3)
- Ang sapat na pabahay at serbisyo ay batayang karapatang pantao na nagpapataw ng tungkulin sa mga gobyerno na tiyakin na makamit ito ng lahat ng mamamayan, umpisa sa direktang tulong sa pinakamahihirap sa pamamagitan ng mga gabay na programa ng pansariling-tulong (self-help) at aksyon ng komunidad. Dapat magpursigi ang mga gobyerno na tanggalin ang lahat ng sasagka sa pagkakamit ng layuning ito. Espesyal na pagpapahalaga ang pagpawi sa pagkakahati sa lipunan at kulay ng balat, kasama ang iba pa, sa pamamagitan ng paglikha ng mas mabuting balansyadong pamayanan, na sama-sama na ang iba't ibang grupo, trabaho, pabahay at kaginhawahan.

- Ang ideyolohiya ng Estado ay sumasalamin sa kanilang patakaran sa pananahanan ng tao (human settlement). Ang mga ito bilang makapangyarihang instrumento ng pagbabago, ay di dapat magamit upang tanggalin ang mga tao sa kanilang tirahan o lupa o manghimasok sa pribilehiyo at magsamantala. Ang mga patakaran sa pananahanan ng tao ay dapat naaayons sa mga deklarasyon ng prinsipyo at sa Pandaigdigang Pahayag ng Karapatang Pantao (UDHR).

9. Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women (1979) - Artikulo 14.2
- Dapat isagawa ng mga Kapartidong Estado ang lahat ng nararapat na batas upang mapawi ang diskriminasyon sa kababaihan sa mga kanayunan upang matiyak, sa batayan ng pagkakapantay ng lalaki at babae, na sila'y lumahok at makinabang sa pag-unlad ng kanayunan, at sa partikular, ay matiyak sa kababaihan ang karapatan:... (h) Ang masiyahan sa sapat na kalagayan ng pamumuhay, lalo na kaugnay ng pabahay, sanitasyon, suplay ng elektrisidad at tubig, transportasyon at komunikasyon.

10. Declaration on the Right to Development (1986) - Artikulo 8.1
- Dapat isagawa ng mga Estado, sa pambansang antas, ang lahat ng kinakailangang panuntunan para maisakatuparan ang karapatan sa pag-unlad at pagtiyak, kasama ang iba pa, ng pagkakapantay ng oportunidad para sa lahat sa kanilang pagkakamit ng batayang rekurso, edukasyon, serbisyong pangkalusugan, pagkain, pabahay, trabaho at pantay na pamamahagi ng kita. Dapat isagawa ang mga epektibong panuntunan upang matiyak na ang mga kababaihan ay may aktibong papel sa proseso ng kaunlaran. Dapat maisagawa ang mga karampatang repormang pang-ekonomya at panlipunan na may pananaw ng pagpawi sa lahat ng panlipunang inhustisya.

11. Convention on the Rights of the Child (1989) - Artikulo 27.3
- Ang mga Kapartidong Estado, alinsunod sa pambansang kalagayan at sa kanilang kakayanan, ay dapat magsagawa ng kaukulang batas na tutulong sa mga magulang at iba pang responsable sa bata na maisakatuparan ang karapatang ito at kung sakaling kailanganin ay magbigay ng materyal na tulong at suportang programa, lalo na kaugnay sa nutrisyon, pananamit at pabahay.

12. International Convention on the Protection of the Rights of All Migrant Workers and Members of their Families (1990) - Artikulo 43.1
- Ang mga migranteng manggagawa ay dapat magtamasa ng pagkakapantay sa pagtrato kasama ng mamamayan ng Estadong kanilang pinagtatrabahuhan kaugnay ng:... (d) access sa pabahay, kasama ang iskema ng panlipunang pabahay, at proteksyon laban sa pagsasamantala kaugnay sa renta.

* Sa ilalim ng ICESCR, may APAT NA OBLIGASYON ang bawat gobyerno hinggil sa karapatan para sa sapat na pabahay:
1. To recognize - PAGKILALA - obligasyon ng Estado na kilalanin ang karapatan sa pabahay ng sinuman at tiyaking walang anumang batas o patakarang sasagka sa karapatang ito
2. To respect - PAGGALANG - tungkulin ng Estado na igalang ang karapatan sa sapat na pabahay, kaya dapat nitong iwasan ang pagsasagawa o pananawagan ng sapilitang pagpapaalis o pagtanggal ng mga tao sa kanilang mga tinitirhan
3. To protect - PAGPROTEKTA - tungkulin ng Estado na protektahan ang karapatan sa pabahay ng buong populasyon, kaya dapat nitong tiyakin na anumang posibleng paglabag sa mga karapatang ito na gagawin ng ikatlong partido (third party) tulad ng mga landlord at developer ay maiiwasan
4. To fulfill - PAGGAMPAN - ang obligasyon ng Estado na magampanan ang tungkulin sa karapatan sa pabahay ay positibo at may pakikialam, kaya pumapasok dito ang tungkulin ng Estado hinggil sa isyu ng pampublikong gastusin (public expenditure), regulasyon ng gobyerno sa ekonomya at pamilihan sa lupa (land market), mga probisyon sa pampublikong serbisyo at kaugnay na imprastruktura, paggamit ng lahat ng available resources, at iba pang positibong obligasyong lilitaw para positibong magampanan ang tungkulin sa karapatan sa pabahay ng lahat

ANG PITONG SANGKAP SA SAPAT NA PABAHAY

May batayan para sa maayos at sapat na pabahay na binabanggit sa dokumento mismo ng UN Committee on Economic, Social and Cultural Rights (ESCR). Ito'y nakasaad mismo sa General Comment No. 4 (1991) at General Comment No. 7 (1997) ng nasabing komite. Tinalakay din ito sa Fact Sheet 21 na may pamagat na "The Human Right to Adequate Housing" bilang bahagi ng World Campaign for Human Rights. Unahin muna natin ang GC4, na tumatalakay sa pitong sangkap upang tiyakin ang karapatan sa sapat na pabahay.

1. Ligal na Seguridad sa Paninirahan (legal security of tenure) - isa itong legal na anyo ng proteksyon na magtitiyak sa paninirahan ng mamamayan sa kanilang tahanan at komunidad;

2. Matatamong serbisyo, materyales at imprastraktura (availability of services, materials and infrastructure) - madaling maabot ang likas-yaman, ligtas na inuming tubig, gas sa pagluluto, kuryente, sanitasyon at labahan, tinggalan ng pagkain, tapunan ng dumi at mga serbisyong agarang kailangan (emergency services);

3. Kayang-kayang matamong paninirahan (affordable housing) - hindi dapat magamit sa gastusin sa pagpapagawa at pagpapayos ng bahay ang salaping nakalaan na para sa pagkain, edukasyon at pananamit;

4. Bahay na matitirahan (habitable housing) - ang bahay ay may sapat na espasyo. maluwag para sa titira, may bentilasyon, at yari sa matitibay na materyales na magtitiyak na ang mga titira sa bahay na iyon ay madedepensahan laban sa lamig, init, hamog, ulan, hangin, o anumang banta sa kalusugan, mapanganib na istruktura at sakit;

5. Kayang puntahang pabahay (accessible housing) - madaling puntahan ang lugar at unahin sa mga proyektong pabahay ang mga biktima ng kalamidad, mga may kapansanan, at iba pa;

6. Lokasyon (location) - ang pabahay ay dapat malapit sa lugar ng trabaho at mga serbisyong panlipunan tulad ng eskwelahan, palengke, ospital, libangan, libingan, at iba pa;

7. Sapat na pangkulturang pabahay (culturally adequate housing) - ang disenyo ng pabahay ay dapat na may paggalang sa identidad o kultura ng mga naninirahan, halimbawa'y tribung lumad, muslim o kristyano.

Ayon naman sa Seksyon 10 ng General Comment No. 7, hinggil sa forced eviction: "Ang mga kababaihan, kabataan, matatanda, lumad, at iba pang indibidwal o grupo ay nagdurusa sa mga gawaing pwersahang ebiksyon. Pangunahing tinatamaan ang kababaihan sa lahat ng grupo at nakakaranas sila ng iba't ibang uri ng diskriminasyon, at sila'y bulnerable sa karahasan at abusong sekswal kung sila'y nawawalan ng tahanan."

Sa Seksyon 15 ng GC7 ay binabanggit ang ilang gabay para matiyak na hindi nasasagkaan ang karapatang pantao sakaling may forced eviction:

1. Oportunidad na magkaroon ng tunay na konsultasyon sa mga apektado;
2. Sapat at makatwirang abiso sa lahat ng mga tao hinggil sa petsa ng ebiksyon;
3. Impormasyon hinggil sa ebiksyon, at kung saan gagamitin ang lupa o bahay na tatanggalin, na dapat na malaman ng mga apektado sa sapat na panahon;
4. Dapat na may opisyal o kinatawan ng gobyerno na naroroon mismo sa panahon ng ebiksyon;
5. Lahat ng mga taong magsasagawa ng ebiksyon ay dapat na sapat ang pagkakakilanlan;
6. Hindi dapat isagawa ang ebiksyon kapag masama ang lagay ng panahon o sa gabi, maliban na lamang kung umaayon ang mga apektado;
7. Pagkakaroon ng mga legal na remedyo;
8. Kung posible, pagbibigay ng tulong legal sa mga taong nangangailangan nito at naghahanap ng tulong mula sa korte.

Dapat na makatao ang mga nagdedemolis o mismong oryentasyon ng gobyerno hinggil sa demolisyon at ebiksyon. Dahil ang mga maralita ay tao din, at hindi hayop na basta na lamang tatanggalan ng tirahan.

Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas [1987]
Artikulo XIII - Reporma sa Lupang Urban at sa Pabahay

SEKSYON 9. Dapat magsagawa ang Estado, sa pamamagitan ng batas at para sa kabutihan ng lahat, sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor, ng patuluyang programa sa reporma sa lupang urban at sa pabahay na magbibigay ng makakayanang disenteng pabahay at mga pangunahing paglilingkod sa mga mamamayang dukha at walang tahanan sa mga sentrong urban at mga panahanang pook. Dapat ding itaguyod nito ang sapat na mga pagkakataon sa hanapbuhay sa mga mamamayang iyon. Dapat igalang ng Estado ang mga karapatan ng mga may-ari ng maliliit na ari-arian sa implementasyon ng programang iyon.

SEKSYON 10. Hindi dapat paalisin ni gibain ang kanilang mga tirahan ng nagsisipanirahan na mga dukhang urban or rural maliban kung naaayon sa batas at sa paraang makatarungan at makatao. Hindi dapat ilipat ng tirahan ang nagsisipanirahan na mga dukhang urban o rural nang walang sapat na pakikipagsanggunian sa kanila at sa mga pamayanang paglilipatan sa kanila.

Urban Development Housing Act of 1992
(Ang UDHA, Republic Act 7279 at Lina Law ay iisa lang)
Ang Batas na ito na pinagsanib na HB 34310 at SB 234 ay pinal na pinagtibay ng Kapulungan ng mga Kinatawan at ng Senado ngayong ika-3 ng Pebrero, 1992. Ito'y nilagdaan ni dating Pangulong Corazon Aquino noong Marso 24, 1992.

* Mga artikulo sa UDHA na pwedeng magamit sa pagkakamit ng karapatan sa pabahay:

Sec. 2, b - b) Magkakaloob ng makatwirang paggamit at pagpapaunlad ng mga lupaing lunsod upang malikha ang mga sumusunod... (5) (5) Paglalaan ng lupain at pabahay para sa mga kapuspalad at walang tahanang mamamayan.

ARTIKULO IV: Public Domain:
Seksyon 7 : Paggamit, inbentaryo, pagkakamit at pamimigay ng lupa.
Seksyon 9 : Mga prioridad sa pagkakamit ng lupa.

CMP:
Seksyon 10 : Paraan sa pagkakamit ng lupa.
Seksyon 18 : Balanseng pagpapaunlad ng programang pabahay.

Seksyon 15. Patakaran. - Ang pampamayanang pabahay, ayon sa kahulugan sa Seksiyon 3 nito, ay magiging pangunahing pamamaraan sa pagkakaloob ng tirahan sa mga kapuspalad at walang tahanan.

Seksyon 21 : Mga serbisyo.
Seksyon 23 : Pakikilahok ng mga benipisyaryo.
Seksyon 28 : Ebiksyon at Demolisyon.

ANG MARALITA SA PILIPINAS
NCR - 4.2 Milyong Maralita, mula sa QC, Manila, Malabon, Navotas, Caloocan, Valenzuela, Mandaluyong,, Marikina, Pateros, San Juan, Parañaque, Pasig, Pasay, Las Piñas, Muntinlupa
Pambansa – 22 Milyong Maralita sa lalawigan ng Rizal, Cavite, Laguna, Pampanga, Bulacan, Bacolod, Cebu, Iloilo, Davao, atbp.

MGA ISYU
- Marahas na demolisyon
- Kanselasyon ng Rights
- Ebiksyon
- Kakulangan ng panlipunang serbisyo (tubig, kuryente, kalusugan, atbp.)
- RA 9507 - condonation and restructuring
- Kakulangan ng kabuhayan
- Irregular / pabagu-bagong pagkukunan ng kita
- Mababang kita
- Isyu ng kababaihan
- Mataas na halaga ng pangunahing bilihin

PAMBANSANG PANUKAT SA PABAHAY (National Housing Indicators)
- Bilang ng tao sa bawat silid-tulugan
- Kakayahang makakuha agad ng ligtas na tubig (assess to safe water)
- Maayos na sanitasyon
- Ginamit na bubong at dingding na materyales
- Istatus sa tagal ng bahay / pag-aari
- Pagkakaroon ng kuryente
- Pagtambad sa polusyon sa hangin at tubig dala ng industriya
- Porsyento ng pamamahay na meron o walang akses sa sanitary toilet at ligtas na inuming tubig

MGA PILING PANUKAT (Selected Indicators)

A. AFFORDABILITY (Kakayahang Matamo)
- Ang gastusin sa pabahay ay di dapat lumampas sa 20% ng makabubuhay na sahod (living wage) o ng aktwal na kita ng pamilya
- Pagkakaroon ng iskema sa pinansya sa pabahay (home financing scheme) kasama ang subsidy
- Kakayahang makabili at madaling puntahang pasilidad sa pabahay hinggil sa nakalaang gugulin (housing credit facility)
- Pagkakaroon ng iskemang paupa tungo sa pag-angkin (rent-to-own schemes)
- Pagkakaroon ng epektibong mekanismo sa pamamahala ng upa (rent control mechanism)

B. ACCESSIBILITY (Kakayahang Maabot)
- Direktang paglalaan ng gobyerno ng mga yunit ng pabahay nang may partisipasyon ang mga tao sa paglalaan nito
- Mas inuuna ng pamahalaan sa programa sa pabahay ang mga bulnerableng grupo tulad ng mga walang tirahan (homelss), may kapansanan (disabled), at mga nanganganlong mula sa ibang bansa (refugee)
- Sapat na mga nakahandang pabahay o silungan para sa mga internal refugees at mga biktima ng kalamidad
- Patakaran ng pamahalaan sa abot-kayang pabahay at presyo
- Priyoridad sa pabahay na on-site

C. SECURITY OF TENURE (Seguridad sa Paninirahan)
- Kawalan ng marahas na ebiksyon
- Mekanismo sa bayad-pinsala at kumpensasyon para sa lahat ng biktima ng mararahas na demolisyon

D. HABITABILITY (Maayos na Natitirahan)
- Floor area (laki at lawak ng sahig) – 60-72 metro kwadrado
- Sapat na bilang ng bintana para sa pagpasok ng sariwang hangin (bentilasyon)
- Pagtakas sa sunog (fire escape) para sa mga gusaling residensyal
- Kahit papaano’y may 3 silid (isa sa magulang at 2 sa mga bata)
- May palikuran at kusina
- Sapat na kapal ng dingding para sa duplex, hilera ng mga bahay (row houses) at mga gusaling residensyal
- Sapat na layo sa mga kapitbahay (para sa mga single-detach na yunit)
- May sapat na ilaw, ligtas na kuryente
- Itinayo ng malayo sa mga tambakan ng basura (dump sites)
- Malayo sa mga mapanganib na lugar (danger zones)
- Dapat na matibay ang bahay para maprotektahan ang mga nakatira mula sa panganib tulad ng lindol, baha, atbp.

E. AVAILABILITY OF SERVICES, MATERIALS, FACILITIES AND INFRASTRUCTURE (May serbisyo, materyales, pasilidad at imprastruktura)
- Pagkakaroon ng plano sa paggamit ng lupa (land use plan) na inuuna ang kinakailangang pabahay ng maralita
- Pagkakaroon ng abot-kaya at episyenteng sistema sa transportasyon
- May pasilidad ng umaagos na tubig (running water facility) na halagang P50-100 kada buwan o malalim na balon na may maksimum na distansyang 10 metro
- Abot-kaya at madaling makuhang koneksyon sa kuryente sa halagang P50-100 kada buwan
- Madaling makuha at mapuntahang daanan at malawak na eskinita, at mga daanang mula sa bukid tungo sa pamilihan (farm-to-market roads) sa mga kanayunan
- Regular na koleksyon ng basura at pagpapatupad ng programa sa pamamahala ng basura (waste management)
- Epektibo at abot-kayang paraan sa komunikasyon tulad ng linya ng telepono, hand held radios at mga cellphone
- Agaran at episyenteng tugon ng mga yunit emerhensya tulad ng fire trucks, ambulansya, atbp

F. LOCATION PROVIDING ACCESS TO ECONOMIC AND SOCIAL OPPORTUNITIES (Lokasyon na nagkakaloob ng oportunidad na pang-ekonomya at panlipunan)
- Pagkakaroon ng eskwelahan, alternatibong pagkukunan ng ikabubuhay, ospital, at mga lugar ng libangan
- Ang mga proyektong pabahay ay dapat nasa lokasyon ng may minimum na layo ng sakay (minimum commuting distance) na 5 km o malapit na paglalakbay tungo sa pamilihan
- May pinagsanayang programang pangkabuhayan (skills-based livelihood program) kasama ang mga pagsasanay, kagamitan, at pangunang puhunan sa pamamagitan ng pasilidad sa laang gugulin (credit facility)

G. ACCESS TO CLEAN, HEALTHY, SAFE AND SUSTAINABLE ENVIRONMENT (Pagkakaroon ng malinis, malusog, ligtas at sustenableng kapaligiran)
- Ang 20% ng subdibisyon o lugar ng tirahan (residential areas) ay dapat ilaan sa mga liwasan, isports at lugar ng libangan, at ang mga lokal na pamahalaan ay maglaan ng pondo para sa pagtatayo ng mga ito
- Nararapat na plano sa sona (zoning plan) na naghihiwalay sa mga pabrika at mga istrukturang nakakaapekto sa kalusugan mula sa mga lugar ng tirahan, at magtalaga ng lugar para sa mga alagaing hayop
- Pagtalaga ng espasyo para sa pagbabaunan at pagtatapunan ng basura na malayo sa tirahan ng tao
- Malinis at maayos na palikuran sa mga pampublikong lugar
- Pagpapatupad ng plano sa pamamahala ng basura tulad ng pagreresiklo, segregasyon at pagbabaunan ng basura
- Epektibo at komprehensibong pagbibigay ng impormasyon hinggil sa pamamahala ng basura
- Dapat turuan ang mga nasa kanayunan hinggil sa ligtas, maayos at minimal na paggamit ng kemikal sa agrikultura o mas mabuti ay ang organikong pagsasaka (organic farming)
- Maayos na pamamahala ng paghahayupan lalo na sa mga kanayunan

H. PEOPLE’S PARTICIPATION IN MAKING HOUSING POLICIES AND DECISIONS (Paglahok ng mamamayan sa paggawa ng mga polisiya at desisyon sa pabahay)
- Kalinawan ng pamahalaan (government transparency) hinggil sa mga patakaran sa pabahay, mga programa, proyekto at pwedeng kuning rekurso
- Epektibong representasyon sa mga organisasyon mula sa pamayanan (community-based organizations) sa mga lokal na konseho ng pagsulong (local development councils) mula sa barangay hanggang pambansang antas
- Aktibong paglahok ng mamamayan sa pagpaplano ng paggamit ng lupa (land use plan), sona (zoning) at pagsasagawa ng plano ng pag-unlad ng komunidad
- Pagsuporta ng gobyerno sa mga organisasyon sa komunidad
- Palagiang paglulunsad ng konsultasyon sa mga organisasyong bayan (people’s organization), NGOs at mga samahang magkakapitbahay

MGA AHENSYA SA PABAHAY

- Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) - nilikha sa pamamagitan ng EO 82 (Dec. 8, 1986, ito ang direktang ugnay ng pamahalaan sa maralita at tagasubaybay hinggil sa mga polisiya at programa ng gobyerno sa pabahay, dating clearing house sa demolisyon (EO 152), at naipasa ang kapangyarihang ito sa LGU (EO 708)

- Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) – pinakamataas na konseho sa pabahay na gumagawa at nagpapasya sa patakan, at nagbibigay ng pangkalahatang direksyon para sa pagsulong ng disente at abot-kayang pabahay sa mga pamilyang mahihirap

Sa ilalim ng HUDCC ay ang mga sumusunod:
1. National Housing Authority (NHA) – ahensyang namamahala sa programa sa pabahay lalo na sa walang-bahay na pamilya na mababa ang kita na may kakayahang makuha ang kinakailangang serbisyong panlipunan at pang-ekonomiyang oportunidad at mag-ambag sa pagtiyak ng pagtaas ng kalidad ng buhay ng mga benepisyaryo
2. Home Guaranty Corporation (HGC) – naggagarantiya ng pagbabayad sa anuman at lahat ng anyo ng pagsasangla, pautang at iba pang anyo ng credit facilities para sa usapin ng pabahay, matulungan ang mga pribadong debeloper na magsagawa ng sosyalisado at mababang halagang proyektong pangmasang pabahay
3. Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) – kambal na ginagampanan nito ang pagpapahusay at pagpapalakas sa rasyunal na pabahay at serbisyong real estate sa pamamagitan ng tatlong estratehiya: patakaran, pagpaplano at regulasyon, tulad ng isinasaad sa mga Dekretong Pampaunguluhan (PD), Presidential Decrees (PD), Letters of Instruction (LOI), Republic Acts (RA), Executive Orders (EO), Office of the President Memorandum Circulars (OP-MC) at Batas Pambansa (BP)
4. National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) – mayor na institusyon ng pamahalaan hinggil sa sanglaan (mortage) ng pabahay, at pamamahala sa pinanggalingan ng pangmatagalang pondo lalung-lalo na mua sa Social Security System, ang Government Service Insurance System, at ang Home Development Mutual Fund
5. Home Development Mutual Fund (HDMF) – popular na tinatawag na PAG-IBIG, ito ang ahensya sa pabahay na ang tungkulin ay magpondo ng pabahay at paunlarin ang kalidad ng buhay ng mga myembro nito
6. Social Housing and Finance Corporation (SHFC) – isang institusyong pinansyal na tungkuling maglaan ng pabahay sa mga kapuspalad na mamamayan sa pamamagitan ng paglalaan ng abot-kayang pinansya sa pabahay, at makipagtulungan sa mga multisektoral na stakeholders para para sa pagbuo at pagpapatupad ng makabago at sustenableng programa sa panlipunang pabahay

MGA DOKUMENTONG MAGAGAMIT SA LEGAL NA PARAAN:
1. Sinumpaang salaysay
2. TRO – Temporary Restraining Order
3. OCT – Original Certificate of Title
4. TCT – Transfer Certificate of Title
5. Certificate of census
6. Barangay Permit

MGA BATAS NA KARANIWANG GINAGAMIT SA DEMOLISYON:
1. Building Permit (City Ordinance)
2. Court Order
3. E.O. – Executive Order (sa lupang gobyerno na may proyekto)

MGA DAPAT GAWIN NG MARALITA
1. Pagsusuri sa kalagayan
2. Pagkakaisa
3. Pagtutulungan
4. Pag-oorganisa
5. Negosasyon

MGA REMEDYO SA USAPIN NG PAGTATANGGOL SA KARAPATANG PANTAO:

1. LEGAL – Umaasa sa nakasaad lamang sa batas at ang tanging remedyong alam ay nakukuha lamang sa korte.

2. METALEGAL – Di masyadong umaasa sa sinasaad ng batas, pero di rin ipinagbabawal ng batas.
(Hal. Welga, rally, petisyon signing, dialogue, piket at iba pa)

3. EXTRA LEGAL – Labag sa sinasaad ng batas at marahas (Hal. Armadong pakikibaka)

*Dapat kabisado ng maralita ang kanyang mga karapatan sa pabahay upang maipagtanggol niya ang kanyang sarili, pamilya, organisasyon ng maralita, at kanilang komunidad laban sa anumang suliraning dumating, tulad ng ebiksyon at demolisyon. Dapat ding mapag-aralan ng maralita kung anong klase ng sistema ng lipunan ngayon kaya di malubos-lubos ang karapatang pantao, at kung bakit marami ang naghihirap at kakarampot ang yumayaman.

Huwebes, Nobyembre 18, 2010

Kondonasyon ng Pabahay, Negosyong Salot sa Maralita

KONDONASYON NG PABAHAY
NEGOSYONG SALOT SA MARALITA

Balitang-balita ngayon sa ating komunidad ang banta ng padlocking at ejectment sa lahat ng mga kabahayang hindi nakapagbabayad ng kanilang buwanang obligasyon sa National Housing Authority (NHA). Pagsapit daw ng Setyembre, lahat ng mga hindi makakapagbayad ng kanilang mga obligasyon ay palalayasin sa kani-kanilang tinitirhan.

Iisa lang daw ang solusyon kung ayaw ng bawat maralitang pamilya na mawalan ng tahanan sa relokasyon o resettlement. Ito ay ang pumaloob at lumagda sa Kondonasyon at Reistraktura ng kanilang mga obligasyon sa NHA alinsunod sa Socialized and Low Cost Housing Condonation and Restructuring Act of 2008.

ANO ba itong SOCIALIZED and LOW COST HOUSING CONDONATION at RESTRUCTURING ACT of 2008?

Noong Oktubre 23, 2008, ipinasa sa Kongreso ang Batas Pambansa 9507 (Republic Act 9507) na pinamagatang Socialized and Low Cost Housing Condonation and Restructuring Act of 2008. Sa ilalim ng batas na ito, inaatasan lahat ng ahensya ng pamahalaan na may kaugnayan sa paglikha ng pabahay (SSS, GSIS, PAG-IBIG, NHA, SHFC, etc.) na magsagawa ng kondonasyon at pagrereistraktura ng mga pautang nitong pabahay.

Layunin ng batas na solusyunan ang lumalaking problema ng hindi pagbabayad sa mga proyektong pabahay ng pamahalaan at maging mekanismo ng paglalapat ng disiplina sa lahat ng mga may pagkakautang sa pabahay.

Ayon sa batas, binibigyan ng 18 buwan ang lahat ng may obligasyon sa pabahay na pumaloob sa programa ng kondonasyon at pagrereistraktura ng mga bayarin. Ayon din sa batas, lahat ng mga hindi papaloob sa nasabing programa makalipas ang 18 buwang palugit ay maaaring patawan ng parusang foreclosure o pagpapadlock ng kanilang mga tirahan at muling pagbebenta nito sa mga interesadong mamimili.

Ano ba ang kondonasyon at pagrereistraktura?

ANG KONDONASYON AY PUMAPATUNGKOL SA PAGBABAWAS SA OBLIGASYON NG MGA MAY PAGKAKAUTANG SA PABAHAY. Ito ay maaaring pagbabawas o pagkakaltas sa lahat ng mga multa, bayarin at/o mga pinataw na bayarin bunga ng hindi pagbabayad ng tama sa panahon, at iba pang pwedeng ibawas upang mapaliit ang obligasyon ng mga may pagkakautang.

Sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA 9507, ang kondonasyon ay pumapatungkol sa pag-aalis sa lahat ng tipo ng penalty at multa na dapat singilin sa mga may pagkakautang. Kasama na dito ang pagbabawas ng 50% sa babayarang interes ng bawat pamilyang may pagkakautang sa NHA.

ANG RESTRUCTURING O PAGREREISTRAKTURA NAMAN AY PUMAPATUNGKOL SA PAG-AAYOS NG MGA DAPAT BAYARAN NG MGA MAY PAGKAKAUTANG MATAPOS KALTASIN ANG MGA IBINAWAS (MULTA AT INTERES) SA KONDONASYON AT MULING PAG-AAYOS NG PANAHON NG PAGBABAYAD BATAY SA BAGONG KASUNDUAN AT REGULASYON.

Sa RA 9507, ang pagreistraktura ay pumapatungkol sa bagong halagang babayaran at panahon ng pagbabayad ng mga may pagkakautang sa pabahay. Binubuo ito ng obligasyong walang interes at obligasyong may interes matapos awasin ang mga bahaging kinondona ng batas.

Sa ilalim ng RA 9507, lahat ng mga bayaring natira matapos ang kondonasyon ay hindi na papatawan ng interes. Tanging ang natitirang prinsipal na pagkakautang lamang ang papatawan ng interes na hindi bababa sa 6% at hindi tataas ng 12%. Habang ang panahon ng pagbabayad ay hindi lalagpas ng 30 taon sa ilalim ng pormulang aktwal na edad ng may pagkakautang minus 70 taon.

Ayon sa RA 9507, ang lahat ng mga papaloob sa programa ng pagrereistraktura ay bibigyan din lamang ng 3 buwang palugit sa kanilang bagong obligasyon. At kapag hindi nakapagbayad sa loob ng tatlong buwan ay ipapaloob na ang may pagkakautang sa proseso ng foreclosure at padlocking.

PABOR BA SA MARALITANG NASA RELOKASYON AT RESETTLEMENT ANG RA 9507?

Sa unang tingin, tila pabor ang programang condonation at restructuring sa mga maralita dahil aalisin daw ang anumang mga dagdag bayarin na ipinataw sa mga hindi nakababayad ng tama sa panahon. Mekanismo din daw ito upang makaiwas sa foreclosure o pagkapadlock ng mga bahay. Kaya para sa NHA, isa itong "mabuting balita" para sa mga maralita.

Ngunit kapag pinag-aralang mabuti ang laman ng programa, hindi ito pabor sa ating mga maralita. Bagkus ang programa ng Kondonasyon at Reistraktura ay patibong sa maralita at dagdag na pahirap sa ating pamilya.

Tatlong mayor na dahilan kung bakit hindi pabor sa atin ang RA 9507:

Una, nakasaad sa programa na yaong mga maralitang hindi nakabayad ng kahit isang buwan simula nang ito'y dalhin sa relokasyon ay HINDI BAHAGI NG PROGRAMA. Lahat ng mga hindi nakakabayad ay EXCLUDED o HINDI PWEDENG MAGING KABAHAGI ng PROGRAMA.

Malinaw ito sa Sec. 5 ng RA 9507 at Rule IV Sec 1 ng Implementing Rules and Regulation (IRR) nito, at sa NHA Memorandum Circular 2218, Guidelines for the Implementation of the Socialized and lowcost Housing Loan Restructuring and Condonation Program under RA 9507.

At dahil sa 80%-90% ng mga maralitang dinala sa mga relokasyon at resettlement ay hindi pa nakapagbabayad ng kahit isang buwan sa kanilang bayarin, nangangahulugang ang CONDONATION and RESTRUCTURING PROGRAM ng gobyerno ng muling pagtataboy sa libu-libong maralitang pamilya palabas sa mga relokasyon at/o resettlement.

Ikalawa, ang netong epekto ng programa ay hindi pagpapagaan sa bayarin ng mga maralitang pamilya kundi pagpapataas ng singilin habang pinaiikli ang pagbabayad.

Taliwas sa mga ipinaliliwanag ng mga kinatawan ng gobyerno, hindi ito pagpapagaan sa mga bayarin ng mga maralitang pamilya sa relokasyon kundi lalong pagpapalaki sa dapat bayaran kada buwan. Totoo ngang aalisin ang mga idinagdag na bayarin tulad ng delingquency fees at penalties sa mga hindi nakakabayad, at kahit isama pa ang sinasabing 50% diskwento sa kanilang bayarin sa interes, sa huling kwenta ay mas lalaki pa rin ang babayaran ng bawat pamilya dahil sa restructuring meron pa ring ipinapataw na interes sa natitirang prinsipal.

Kung hindi nga makapagbayad ang mga maralita sa orihinal na halagang P250 bayarin, paano pa kaya mababayaran ang buwanang bayarin kung ito'y papalo sa P600 - P1,000 kada buwan?

Masaklap pa, hindi lamang bayarin ang nadagdagan kundi maging ang panahon ng pagbabayad ay umiiksi rin. Malinaw ito sa nakasaad sa IRR ng RA 9507 at maging sa Memorandum Circular 2218 ng NHA.

Ikatlo, ang programa ng condonation and restructuring ng RA 9507 ay malawakang ebiksyon at padlocking ng mga maralitang pamilya sa mga relokasyon at resettlement.

Ipinamamalita ng mga kinatawan ng NHA na ang solusyon upang hindi mapatalsik ang mga maralita sa relokasyon ay ang pumaloob sa programa. Kaya nga ang pakiusap ng NHA sa bawat maralitang pamilya na magbayad ng kahit isang buwan para daw maging bahagi ng programa at maiwasan ang pagpapatalsik sa kanilang tahanan. Isa itong malaking panloloko at kasinungalingan.

Pumaloob man o hindi sa programa ang maralita, walang ibang idudulot ito kundi malawakang ebiksyon. Ang patakarang exclusion ng batas ay malinaw na kautusan upang pwersahang paalisin ang mga maralita.

Ang masaklap kahit yaong mga papaloob sa programa ay hindi rin ligtas sa pagpapaalis sa relokasyon. Malinaw ito sa mismong probisyon ng RA 9507 Sec. 6, IRR Rule V ng RA 9507 at maging sa NHA Memorandum Circular 2218, Rule V.

Ang lahat ng mga papaloob sa programa ay binibigyan lamang ng tatlong buwang palugit sa hindi pagbabayad ng nareistrukturang bayarin. Kapag pumalya dito ang sinumang pumaloob sa programa paniyak din na mapapatalsik sa relokasyon. Labas pa dito ang ipapataw na delinquiency fee na 0.05% kada buwan sa mga restrukturadong bayarin.

At dahil sa mas malaki na ang bayarin sa restrukturadong utang sa pabahay paniyak na hindi rin makakabayad ang mga maralitang mapapaikot ng NHA at sa dulo ay mangangahulugan pa rin ng pagpapatalsik sa kanila.

Sa madaling salita, isang malaking SWINDLE o PANGGOGOYO ang programang CONDONATION and RESTRUCTURING at HINDI TOTOONG PANTULONG sa MARALITA.

Nilalabag ba ng pagpapatupad ng RA 9507 ang ating mga karapatan?

Ang ating gobyerno ay nakalagda sa maraming pandaigdigang kasunduan na kumikilala sa karapatan sa disenteng paninirahan.

Isa na rito ang United Nations Universal Declaration of Human Rights (Art. 25), General Comment No. 12 on Right to Housing ng United Nations General Assembly. At huli, sa kasunduang International Covenant on Economic, Social, and Cultural Rights sa UN (Art. 11).

Maging sa ating Konstitusyon ay malinaw na nakasaad sa Artikulo 13, Sec. 9 ng probisyon sa Social Justice and Human Rights na:

"Ang Estado, sa pamamagitan ng batas, at para sa kabutihan ng nakararami, ay magsasagawa, sa pakikipagtulungan sa pampublikong sektor, ng isang tuluy-tuloy na programa para sa panlupang reporma sa kalunsuran at pabahay na magtitiyak sa pagkakaroon ng abot-kaya't disenteng pabahay ang batayang serbisyo sa mga mahihirap at mga mamamayang walang tahanan sa mga sentrong urban at mga resettlement. Sa pagpapatupad ng nasabing programa, igagalang ng estado ang karapatan ng mga maliliit na nagmamay-ari."

Sa mga pandaigdigang kasunduan at probisyon sa Konstitusyon, malinaw na responsibilidad ng gobyernong tiyaking may abot-kaya at disenteng paninirahan ang bawat mamamayang Pilipino laluna yaong mga maralita at mga walang tahanan.

Ngunit sa RA 9507, tila nilalabag nito mismo ang mga probisyon ng kasunduan sa United Nations at maging ang ating Konstitusyon. Sa RA 9507, tinatalikuran ng gobyerno ang kanyang responsibilidad na gawing abot-kaya at may disenteng paninirahan ang ating mamamayan. Bagkus, pinagkakaitan nito ang mga maralita ng kanyang karapatan, dahil sa probisyon ng pag-padlock at pagbebenta ng kanilang mga tirahan sa relokasyon laluna yaong hindi papaloob at hindi saklaw nito.

Sa ilalim ng programang CONDONATION and RESTRUCTURING, pinagkakaitan ang mga maralitang nasa relokasyon, mga nasa on-site development, mga nasa ilalim ng Community Mortgage Program (CMP) at maging nasa lowcost housing na magkaroon ng katiyakan sa paninirahan.

Sa RA 9507, ginigipit ang mga maralita na magbayad ng napakataas na bayarin at tinatakot ng foreclosure o padlocking ang tahanan ng mga maralita.

Ang masaklap pa, hindi nito nireresolba ang puno't dulo ng kawalan ng kakayahang magbayad ng mga maralita - ANG KAWALAN NG KABUHAYAN!

Sa mga relokasyon at resettlement site ng gobyerno, ang lahat ng mga pangako para sa disenteng pamumuhay ng mga maralita ay napapako. Wala ang pangakong trabaho at alternatibong kabuhayan, ni walang mga pasilidad para sa edukasyon at pangkalusugan. Pinalayas ang mga maralita sa mga sentrong lungsod upang bigyang daan ang "PAG-UNLAD" pero ang dapat na benepisyaryo ng mga proyektong pangkaunlaran ay nanatiling lugmok sa kahirapan at kagutuman. Sa mga relokasyon, mas matinding kahirapan ang dinanas ng mga maralita sa halip na kaginhawaan.

At sa halip na tugunan ito, ang tugon ng gobyerno ay ang taasan ang bayarin at pahigpitin ang kasunduan sa pagbabayad. Magbayad ng mahal o mapalayas sa tahanan!

Napako na ang mga pangako sa mga maralita, gusto pa ngayong palayasin ang mga maralita ng gobyernong siyang dapat kumalinga sa kanila.

Hindi rin lang maralita ang nais lokohin ng RA 9507. Pati manggagawa ay nais nitong goyoin.

Sa RA 9507 hindi rin lang ang karapatan sa paninirahan ng mga maralita ang niyuyurakan kundi nais din nitong agawin ang kinabukasan ng mga manggagawa. Isinasa sa nasabing batas, Sec 3d na pinahihintulutan nito ang paggamit ng kabuuang konstribusyon ng mga manggagawa sa SSS, PAG-IBIG at GSIS upang mabayaran ang kanilang mga bayarin sa pabahay.

Sa madaling salita, ang inimpok ng mga manggagawa para sa kanilang kinabukasan ay gagalawin upang mabayaran lamang ang kanilang pagkakautang sa pabahay. Kapag ginawa ito, mas paniyak na wala ng aasahang benepisyo o kaya'y ibayong liliit ang inaasahang benepisyo ng sinumang manggagawa na gagamit ng probisyong ito.

Dobleng swindle ang daranasin ng mga manggagawang Pilipino. Pondo ng PAG-IBIG, SSS at GSIS ang kadalasang inuutang ng mga developer para magsagawa ng proyektong pabahay. Mga manggagawa rin ang kanilang inaalok upang magbayad at pagtubuan sa kanilang ginawang pabahay na pawang nagmula rin sa inutang ng mga nasabing ahensya. Ngayon, hindi na nakuntentong igisa sa sariling mantika ang manggagawa. Gusto pa nilang i-swindle at agawin sa kanila ang kanilang mahabang panahong pinag-ipunan?

Sino ang makikinabang sa pagpapatupad ng RA 9507?

Hindi ito pantulong kundi panggigipit sa mga maralita. Sa halip na ibigay ang mga napakong pangako, kinakastigo ng gobyerno ang mga maralitang pamilya habang patuloy na tinalikuran ang kanyang obligasyon at responsibilidad para sa disenteng paninirahan at pamumuhay.

Ang RA 9507 o Socialized and Low Cost Housing Loan Restructuring and Condonation Act of 2008 ay instrumento upang tiyaking kumita ang gobyerno at mga pribadong korporasyon at bangko sa programang pabahay. Nilalarawan nito ang programa sa pabahay ng gobyerno hindi bilang SERBISYO kundi isang NEGOSYO.

Interes ng tubo ang nais tiyakin ng RA 9507 at hindi ang kabuhayan ng mga maralita na patuloy na naghihirap sa mga relokasyon.

Lumolobo na raw ang utang sa pabahay. Dumarami ang mga delingkwenteng may pagkakautang. Kailangan daw itong lutasin at bigyang disiplina ang mga mamamayang may pagkakautang sa pabahay. Didisiplinahin ang mga maralita upang matiyak na may makokolekta ang mga developer at bangko sa programang pabahay.

Hindi na nakontento sa mga ibinigay na garantiya at insentibo ang mga developer sa programang pabahay. Gusto pa nilang makatiyak na tutubo ang kanilang puhunan sa kabila ng kulang-kulang at substandard nitong pagtatayo ng mga pabahay. Gusto rin nilang palakihin ang kanilang kita sa kabila ng katotohanang marami sa mga puhunan na ginamit nila sa pagtatayo ng mga pabahay ay galing din sa pondo ng mga manggagawa sa SSS, GSIS PAG-IBIG at iba pang institusyon pampinansya ng gobyerno.

Walang ibang dapat sisihin dito kundi ang baluktot na patakaran nito ng financialization at marketization ng pabahay at pagbibigay ng obligasyong ito sa pribadong sektor.

Katulad ng ibang negosyo, ang dating serbisyong pabahay ay isinama rin sa sugal ng stock market na tinawag nilang secondary mortgage market. Ang mga sertipikasyon sa mga itinayong pabahay ay ibinebenta sa pamilihang ito para ibayong pagtubuan. Sa diwa ng ispekulasyon, ang mga pabahay na isinagawa galing sa pondong inutang din naman sa mga pampinansyang institusyon ng gobyerno at mga bangko ay pinagugulong (ibibenta o kaya'y muling ipinangungutang0 sa pag-asang ito ay tutubong muli.

Noong una ay mga proyektong lowcost housing o yaon lamang mga pabahay sa subdibisyon na ipinauutang sa mga empleyado, kawani ng gobyerno at OFWs ang inilalagay sa secondary mortgage market. Pero ngayon, maging ang mga relokasyon sa bisa ng financialization ay ibinenta na rin sa secondary mortgage market. Walang ibang tumitiba dito kundi mga korporasyon sa pabahay at mga kasosyo nitong bangko.

Ngunit dahil sa lumalalang krisis pang-ekonomya hindi lamang sa bansa kundi sa buong daigdig. Ang inaasahang pagtabo ng tubo mula sa secondary mortgage market ay namimiligro. Dahil sa krisis sa ekonomya, maraming mga manggagawa ang nawalan ng trabaho bunga ng pagtumal ng negosyo't produksyon. Bunga nito, maraming pautang sa pabahay ang hindi mabayaran. Nagpatung-patong ang bayarin, multa at singilin kasabay ng paglaki ng bulto ng mga hindi nakakapagbayad sa mga pagkakautang sa pabahay.

Ang inaasahang limpak-limpak na tubo mula sa mekanismo ng secondary mortgage market ay namimiligrong mawalang parang bula. Ito ang nais isalba ng socialized and lowcost housing loan condonation and restructuring program.

Masaklap, pati ang mga relokasyon, CMP project at on-site development na dapat ay isang serbisyo sa mga maralitang pamilya laluna yaong mga tinamaan ng proyektong "pangkaunlaran" ng gobyerno ay ipinailalim sa buktot na patakaran ng financialization. Ang obligasyon ng gobyerno para sa abot-kaya at makataong paninirahan ay nahalinhan ng pagiging tubo at negosyo sa pabahay.

Ang mga kapitalista sa pabahay at mga kasosyo nitong bangko ang nais isalba ng programang condonation and restructuring. Ang kanilang mawawalang tubo ang nais nitong solusyunan sa pagpapatupad ng programa.

Ang ganitong sistema sa pabahay ang nagpabagsak sa ekonomya ng Estados Unidos. Ang ganitong iskema rin ang nagpatalsik sa milyun-milyong maralitang Amerikano sa kani-kanilang tahanan. Ito rin ang nais gamitin ng ating gobyerno para isalba ang mga kapitalista sa ating bansa.

May magagawa ba tayo para ipagtanggol ang ating karapatan?

Meron tayong magagawa! Hindi pa huli ang lahat!

Hindi solusyon ang pagpaloob sa programa ng condonation ang restructuring, bagkus ang pagpasok sa programang ito ay patibong na lalong magtitiyak sa pagpapatalsik sa mga maralitang pamilya palabas sa kanilang tahanan.

Ang programa ay isang panggogoyo sa mga maralita. Hindi mababawasan ang pasaning utang sa pabahay sa ilalim ng programa. Sa loob ng tatlong buwang hindi pagbabayad ng sinumang pumaloob sa programa ay tiyak din ang pagpapatalsik sa kanyang tahanan.

Bahagi ka man o hindi ng programa, iisa ang ating kinabukasan - binabawi ng gobyerno ang kanyang obligasyong pabahay sa mga maralita.

Hindi rin sapat ang simpleng panawagang moratorium sa condonation and restructuring. Sa panawagang ito para lamang tayong humihingi ng ekstensyon sa ating buhay na malapit nang ibigti ng gobyerno.

Ang totoong solusyon ay nasa ating pagkakaisa at solidong pagkilos upang mapawalang bisa ang anti-maralitang RA 9507. Dapat ibasura ang batas dahil ito ang ugat ng bantang foreclosure, padlocking at pagpapatalsik sa ating mga tahanan. Dapat din itong ibasura dahil dagdag pahirap ito sa maralita at hindi pagpapaalwan ng kalagayan ng mga maralita.

Tayo ang dapat maningil sa gobyerno sa kanilang mga pangakong napako. Singilin natin sila sa programa sa kabuhayan at trabaho, mga pasilidad at serbisyong panlipunan sa mga relokasyon at resettlement. Ang tunay na solusyon sa problema ng lumalaking pagkakautang sa pabahay ay kabuhayan at trabaho sa maralita. Kung tinupad ng gobyerno ang kanyang obligasyon, hindi mababaon sa utang ang mga maralitang pamilya sa mga relokasyon, CMP at on-site areas at maging sa mga lowcost housing.

Gayundin, dapat munang isagawa ng gobyerno ang maayos at malinis na kwentas claras. I-audit ang mga ginastos sa mga relokasyon bago ang anumang pagpapatupad sa paniningil sa mga maralita.

Ibasura ang RA 9507!

Tutulan ang malawakang foreclosure at padlocking ng mga relokasyon!

Trabaho at kabuhayan, hindi condonation and restructuring ang solusyon!

I-audit ang lahat ng gastos sa relokasyon bago ang bayaran!

Martes, Nobyembre 2, 2010

polyeto - rali sa Navotas City Hall

MARALITANG NASUNUGAN, IPAGLABAN
ANG ATING KARAPATAN SA PANINIRAHAN!

Matagal na sa Navotas Complex kaming mga nasunugang residente noong Agosto 26, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa kami nakakabalik sa aming tahanan. Kaya duda kami kung ang mga kabahayan nga ba naming ay aksidenteng nasunog o sadyang sinunog upang kami'y pwersahang mapaalis para bigyang daan ang proyektong dike ng lokal na pamahalaan. Walang relokasyong ibinibigay sa amin, tila hindi kami inaasikaso kung saan na kami hahantong. Hanggang magbigay ng palugit ang pamahalaan ng Navotas na dapat na kaming umalis sa Navotas Complex. Saan na kami pupunta?

Kaya noong Nobyembre 1, 2010 ng madaling araw, nagpasya kaming nasa may 100 pamilyang magtirik ng tahanan sa dati nating lugar sa Brgy. Sipac-Almacen, Navotas. Ika-8 ng umaga, dumating na ang mga pulis at 15 taga-city engineering (pawang nakapula ang suot), 3 SWAT. Nakipag-negotiate kami, tinanong kami kung bakit kami nagtayo doon gayong wala pang permit mula sa munisipyo, umalis ang mga pulis. Bakit naman kami hihingi ng permit? Nasunugan kami, di dinemolis. Bumalik lang kami sa nasunugan naming lugar. Hanggang sa umalis ang mga pulis. Biktima na kami ng sunog, ayaw pa kaming pabalikin sa dating kinatitirikan ng aming tahanan. Kami ang mga biktima. Kami na ang nasunugan, kami pa ngayon ang idedemolis sa dating kinatitirikan ng aming mga nasunog na bahay!

Maya-maya, dumating ang panibagong grupo, kasama ang hepe at 15 pulis, at 40 kasapi ng demolition team. Dito’y nagbanta ang hepeng si Col. Tambaoan na pararatratan ang mga tao pag di lumabas at hahagisan pa ng teargas. Gawain ba ito ng matinong pulis? Dinemolis kami, hindi mga kriminal! Bandang 2:30 pm, pwersahan nang pumasok ang mga demolition team. Nagpaputok ng baril, warning shot, ang mga pulis. Pati na ang apo ng nagke-claim ng lupa na si Jonathan Degala ay nang-agaw ng baril ng gwardya, itinututok sa mga bata, at ipinutok. Mabuti't walang tinamaan. Nagkapitbisig ang mga babae. Sobrang paninindak ang ginawa sa mga residente. Kasunod pa nito'y may dinampot na dalawang kabataan, pinosasan, na ayon sa mga saksi, ay planong i-hostage para matakot ang mga tao. Sobra na sa oras, 3pm na, pero tuloy pa rin ang pagdemolis hanggang 4 pm, dodoblehin daw ang bayad sa demolition team, sigaw ni Degala.

Ayaw kaming bigyan ng relokasyon kaya bumalik kaming mga maralita sa lugar. Pinipilit na kaming paalisin sa complex. Kaya nagpasya kaming bumalik kahit may mga bantang idedemolis kami. Saan kami pupunta kung walang relokasyong inilaan sa amin? Bumalik kami sa lugar dahil tagaroon kami. Bumalik kami doon upang ayusing muli ang kinabukasan namin. Nasunugan kami, hindi dinemolis kaya karapatan naming bumalik sa sariling lugar. Hindi na kailangan ng permit o anumang pagpapaalam kaninuman dahil tagaroon kami. Ngunit sa ngayon, maraming paglabag sa karapatang pantao ang amin pang natanggap.

Sa ngayon, marami na ang dinapuan ng mga karamdaman gaya ng ubo, sipon, pagtatae, sore eyes at iba pa resultang mga pagsisiksikan ng mga tao sa mga evacuation centers sa Navotas Sports Complex, at kung saan-saan pang pinaglagakan sa mga biktima ng sunog. May namatay na rin sa mga ebakwasyon. May nagawa ba para sa pabahay naming ang pamahalaang lokal? Wala. Kaya kinailangan naming umuwi. UMUWI sa sariling lugar. Bakit pa kami dinarahas gayong nasunugan kami, hindi dinemolis kaya karapatan naming bumalik sa lugar namin. O ito'y sadyang sinunog para tuluyan kaming mapaalis sa lugar? Ano ang totoo?

Mga maralitang nasunugan, halina't magkaisa upang muli nating iayos ang ating kinabukasan! Wala tayong mapapala kung tayo'y matatakot at magsasawalang-kibo! Di panahon ngayon ng pagkalito at pagwawalang-bahala. Panahon na ngayon ng pagkilos at pagpapasya! Kung di tayo kikilos at magkakaisa, maitataboy tayong parang hayop sa lansangan. Nasunugan tayo, hindi dinemolis, kaya karapatan nating bumalik sa ating lugar!

NEGOSASYON, HINDI DEMOLISYON!
LABANAN ANG TERORISTANG DEMOLISYON!
KARAPATAN SA PANINIRAHAN, IPAGLABAN!

BUKLURAN NG MAGKAKAPITBAHAY SA PITONG GATANG, INC.
KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD

BMSI - KPML
Nobyembre 2, 2010

Sabado, Oktubre 16, 2010

4Ps ni P-Noy: Pasakit sa maralita, hindi pakinabang!

4Ps ni P-Noy:
Pasakit sa maralita, hindi pakinabang!

Usap-usapan ngayon sa balita ang namumuong pagkwestyon at pagtutol ng ilang kongresista kabilang and kinasusukalaman nating dating pangulo na si GMA sa sentral na programa ng gobyerno ni P-Noy para iahon ang sambayanang Pilipino sa patuloy na lumalalang kahirapan sa ating bansa.

Ito ang P21.9 bilyong pisong panibagong utang ng Pilipinas sa dambuhalang bangkong Asian Development Bank o ADB na kontrolado ng mga bansang gaya ng Japan at South Korea para sa paglago ng kanilang mga negosyo sa buong Asya. Ang halagang ito ay gagamitin ng gobyerno para pondohan ang kanilang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Ang 4Ps ay sinimulan noong 2008 nung si GMA pa ang pangulo, ngunit ipagpapatuloy ito ni P-Noy matapos aprubahan ng ADB ang panibagong pondo para sa programang nabanggit. Ang halagang P21.9 bilyong piso ay gagamitin para ipamigay sa piling-piling mga pamilyang maralita na may kaakibat na mga kundisyones na itatakda ng DSWD.

Ngunit gaya ng lahat ng utang, mataas ang interes nito. Ang pambayad ng utang ng gobyerno natin ay magmumula rin naman sa buwis na kinakaltas sa atin ng gobyerno gaya ng E-VAT, atbp. Bagkus, nangangahulugan ito na pinagtutubuan pa ng ADB ang kahirapan ng sambayanang Pilipino. Kung ang buong sambayanang Pilipino ang magbabayad ng pagkakautang na ito, makikinabang rin nga ba talaga ang lahat ng maralitang Pilipino dito? Hindi. Mula 2008 nang sinimulan ang programa sa panahon ni GMA, anim na libong pamilya pa lang ang nakinabang dito habang hindi bababa sa 35 milyong mga kababayan natin ang nabubuhay ng mababa pa sa P50 kada araw ang kinikita. Halatang-halatang inutil at walang saysay ang mga programang kontra kahirapan ng mga gobyernong nagdaan at ng kasalukuyan. Mas malamang sa hindi ang malaking bulto pa ng mga pondong nagmumula sa mga bangkong gaya ng ADB ay binubulsa lamang ng mga walang kakupas-kupas na korap na opisyales ng ating gobyerno.

Gaya ng inaasahan, hindi nalalayo ang mga patakaran sa ekonomya at pulitika ni P-Noy sa nauna sa kanyang si GMA. Kung minana lang ni P-Noy ang mga problemang iniwan ni GMA, kinopya niya rin ang mapagsamantala’t mapanupil sa balangkas ng paggugubyerno na dinikta ng malalaking korporasyon at mayayamang bansa. Pangunahin na dito ang pagsisiguro na tuloy-tuloy na makapagbabayad ang Pilipinas ng utang sa mga internasyunal at lokal na bangkong pinagkakautangan nito. Tapat na sinusunod ng Pilipinas ang lahat ng kasunduan nito sa mga pinagkakautangan nito sukdulang tipirin o tanggalan ng badyet ang mga panlipunang serbisyo gaya ng edukasyon, pabahay at kalusugan. Ngayong 2010, umaabot sa P357.09 bilyong piso (interes pa lang) o 21% ng buong badyet ang inilaan ni P-Noy para sa pambayad-utang. Habang ang panlipunang serbisyo ay patuloy na inaasa sa mga pribadong kumpanya para kanilang pagtubuan ang mga batayang pangangailangan natin gaya ng tubig, kuryente, edukasyon atbp.

Hinding-hindi tayo dapat magpalinlang sa programa at sa mismong gobyerno na aabutan lang ng barya ang iilan sa atin habang patuloy na ipagmamalaki na tayo pa rin ang kanyang boss. Nanatiling walang disente at kongkretong programa’t solusyon si P-Noy na tugon sa krisis sa pabahay, pagkain, edukasyon at kabuhayan. Ang puro papoging administrasyong P-Noy ay malinaw na kumikilala lamang sa mga kapitalista’t asenderong tumulong sa kanya nuong kampanya at hindi na nilingon ang mas malawak na masang bumoto sa kanya noong eleksyon.

Badyet pambayad-utang, ilaan sa serbisyong panlipunan!

Singilin ang mapagpanggap na P-Noy!

Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralita ng mga Lunsod
Zone One Tondo Organization
PIGLAS-Kabataan


Miyerkules, Oktubre 13, 2010

polyeto - PMCJ urban poor sector

Kasapi ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) Urban Poor Sector ang KPML. Nagsagawa ng pagkilos ang PMCJ sa Mendiola, Oktubre 12, 2010 ng umaga, kaugnay ng Global Day of Action for Climate Justice, na may 150 kataong dumalo. Ang sumusunod ang ipinamahaging polyeto sa nasabing rali:

HUSTISYA SA KLIMA, NGAYON NA!

KALAMIDAD, HUWAG ISISI SA MARALITA!
PAGBAYARIN ANG MAYAYAMANG BANSA!


Nagbabago na ang panahon. Ang dating tag-araw, nagiging maulan. Habang ang panahon ng tag-ulan ay napakaalinsangan. Global warming daw ito, dahil nag-iinit na ang mundo. Climate Change naman ang isa pang pangalan nito. Naging kapansin-pansin ang pagbabagong ito mula ng Rebolusyong Industriyal sa mga kanluraning bansa.

Dahil sa pagsusunog ng mga fossil fuels ng mayayamang bansa, pagtayo ng maraming gusali at pabrika, na ang dumi ay itinatapon sa hangin, na nakapagdulot ng pagkawasak ng ozone layer ng kalikasan, mas tumindi ang radyason ng araw na nagdulot ng pagkalusaw ng mga iceberg, polar caps at mga ice shelves sa ilang bahagi ng daigdig. Dapat pagbayaran ng mga mayayamang bansa (Annex 1 countries, tulad ng US at mga bansa sa Europa) sa mahihirap na bansa ang kanilang ginawang pagwasak sa kalikasan.

Dito sa ating bansa, mas pinag-usapan ang climate change matapos ang nangyaring kalamidad ng Ondoy noong 2009. Maralita daw ang dahilan ng Ondoy, kaya dapat idemolis ang kanilang mga bahay at tanggalin sila para ilipat sa malalayong lugar na malayo sa kanilang pinagkukunan ng ikabubuhay, gutom ang inaabot sa pinagtapunan sa kanila. Malaki daw ang kontribusyon ng maralita sa pagbabago ng klima, tulad ng nangyari sa Ondoy, kung saan mayor na tinamaan ay ang mga komunidad ng maralita, lalo na sa tabing ilog, tulad ng kaso ng mga maralita sa Santolan, Pasig, sa Lupang Arenda, Taytay, Rizal, sa San Mateo, sa Marikina, at marami pang lugar.

Maraming maralita mula sa Pasig, Marikina at Rizal ang ipinatapon sa relokasyon sa Calauan, Laguna, gayong dito rin ay nagbabaha sa kaunting patak ng ulan. Tinanggal na ang proteksyon ng batas sa Lupang Arenda nang ni-repeal ang PP 704 na nagsasaad na ang Lupang Arenda ay relokasyon ng mga maralita. Sa maraming problema, laging maralita ang nasisisi.

Nakakita ng butas ang gobyerno para matanggal nila ang mga itinuturing nilang eyesore sa mga kalunsuran para itapon sa mga relocation site na gutom naman ang inaabot ng maralita. Dukha na nga, lalo pang kinakawawa dahil sa mga maling desisyon ng pamahalaan.

Dahil ang mga maralita ay karaniwang nakatira sa mga lugar na mapanganib tulad ng tabing ilog at ilalim ng tulay, sila ang sinisisi sa pagdumi ng ilog dahil sa pagtatapon ng basura, atbp. Pero tila di nakikita ang mga pabrikang nagtatapon ng kanilang waste material sa mga ilog, tulad ng pagdumi ng ilog Pasig. Bagamat may kaunting ambag ang maralita sa pagdumi ng kalikasan, hindi dapat isisi sa maralita ang climate change dahil ang sigarilyo ng maralita ay di katumbas ng usok ng pabrika ng kapitalista.

ANG AMING PANAWAGAN:

1. Tiyakin ang ligtas at permanenteng tirahan sa maralitang mamamayan, sa pamamagitan ng:

a. Mga adaptation measures, tulad ng pagpapataas ng bahay, paggawa ng dike sa tagiliran ng ilog, onsite at in-city relocation

b. Ilabas ang datos ukol sa 'hazard' ng komunidad

c. Paggawa ng Disaster Disk Reduction (DRR) program sa komunidad

d. Isaayos ang land use

2. Siguraduhin ang partisipasyon ng mga maralita sa paggawa ng polisiya, desisyon, at implementasyon para sa programang pabahay ng pamahalaan

3. Maglaan ng pondo para sa pabahay na hindi utang bilang reparation (danyos perwisyos) para sa climate debt ng mayayamang bansa

4. Pagbibigay prayoridad at pagpapagaan ng kalagayan ng kababaihan, bata, differently abled, at senior citizen sa panahon ng kalamidad

5. Hilingin kay Pangulong Aquino na ipanawagan sa mga kinatawan ng iba't ibang bansa ang ating panawagang CLIMATE JUSTICE sa darating na pulong ng Conference of Parties (COP) 16

6. Singilin at pagbayarin ang mga mayayamang bansa sa kanilang climate debt sa mahihirap na bansa

PHILIPPINE MOVEMENT FOR CLIMATE JUSTICE (PMCJ)
URBAN POOR SECTOR
Oktubre 12, 2010

Miyerkules, Oktubre 6, 2010

polyeto - KPML-ZOTO-PK, 100 days ni P-Noy

P-NOY, KUNG KAMI ANG IYONG BOSS,
BAKIT NYO KAMI INUUBOS?

Demolisyon sa Brgy. Mariana, New Manila. Demolisyon sa Sitio San Roque, North Triangle. Demolisyon sa Santolan, Pasig. Sinunog ang Navotas, at ayaw pabalikin sa erya ang mga maralita dahil daw sa proyektong dike. Pulos maralita ang tinamaan. Pulos maralita ang binira. Inuubos na ang maralita sa kalunsuran. Sino pa ang susunod?

Mga kapwa maralita, tayo man ay dukha, salat sa yaman, at patuloy na nabubuhay sa kahirapan, hindi dapat tayo ituring na parang hayop na basta na lamang pinalalayas sa ating mga tirahan at lupang kinagisnan, para manirahan sa bundok na malayo sa ating mga trabaho. Bakit ba ang laging tingin ng gobyerno sa maralita ay bahay ang problema, at ang lagi nilang solusyon ay bahay na hindi kasama ang trabaho. Ang pangunahing problema nating mga maralita ay ang ilalaman sa tiyan, at hindi bahay. Dahil kung may sapat tayong trabaho na makabubuhay sa pamilya, tulad ng isang maayos na social wage para sa lahat ng nagtatrabaho, tiyak na kaya nating magtayo ng ating bahay na malapit sa ating mga trabaho.

Ang problema sa gobyerno, ang solusyon nilang pabahay ay pawang displacement sa ating kabuhayan. Tinatanggal nga tayo sa "danger zone" para ilipat naman sa "death zone". Death zone na mga relokasyon dahil inilayo tayo sa ating pinagkukunan ng ikinabubuhay. Inilalayo tayo sa pinagkukunan natin ng ating ilalaman sa tiyan ng ating pamilya.

Inilalayo tayo dahil tayo raw ay mga eyesore, mga basura sa kanilang paningin, mga taong walang karapatang mabuhay sa mundong ito, mga hampaslupang pataygutom. Ganito tayo tinatrato ng kapitalistang sistemang ito. Ganito tayo tinatrato ng gobyernong ito na pinamumugaran ng mga ganid na kapitalista't elitista sa ating bayan.

Matagal na tayong lumalaban para sa ating karapatang mabuhay! Matagal na tayong lumalaban ngunit di nagkakaisa ang ating tinig, dahil karamihan sa atin, para sa kakarampot na barya, ay nagpapagamit sa mga pulitikong mayayaman. Gayong sila ang isa sa dahilan ng ating karalitaan.

Mga kapwa maralita, di dapat iskwater sa sariling bayan tayong mga mahihirap. Halina't salubungin natin ang ika-100 araw ni P-Noy ng malawakang rally upang ipamalas sa kanya na hindi tayo bulag, pipi at bingi sa mga problema ng bansa. Hindi tayo hanggang reklamo lang. Hindi tayo busabos na dapat nilang api-apihin at yurakan ng dangal.

Tandaan nating hinimok ni P-Noy ang taumbayan sa kanyang SONA na tutukan ang mga halal na opisyal ng gobyerno at humakbang mula sa pakikialam tungo sa pakikilahok at pakikibahagi sa solusyon. Kaya’t sa Oktubre 8, makilahok tayong lahat. Ihahatid natin sa pintuan ng Malacañang ang mga kongretong panukala para sa ating kapwa maralita:

1. Makataong Pabahay bilang Batayang Karapatan. Itigil ang Demolisyon hangga’t Walang Makatao at Ligtas na Relokasyon! (Magpatayo ng Medium at High Rise Condo bilang Permanenteng Relokasyon). Serbisyong Pabahay, Hindi Negosyo!

2. Trabahong Regular, hindi kontraktwal at tanggalan! Isabatas ang kriminalisasyon laban sa Labor-Only Contracting!

3. Subsidyo ng gobyerno sa pagkain, pabahay, kuryente, tubig, pangkalusugan at edukasyon!

4. Maglaan ng pondo para sa pabahay na hindi utang bilang reparation (danyos perwisyos) para sa climate debt ng mayayamang bansa!

5. Isama sa project cost ang social cost!

Maralita, magkaisa! Ipaglaban natin ang hustisya at ang ating dangal! Panahon na upang magkaisa tayong durugin ang mga mapagsamantala!

TULOY ANG LABAN NG MARALITA! MAAYOS, SAPAT, LIGTAS AT ABOT-KAYANG PABAHAY SA LAHAT NG MARALITA!

LABANAN ANG ANTI-MARALITA, MAKAKAPITALISTANG PATAKARAN SA PABAHAY NG PAMAHALAAN!

KPML – ZOTO – PIGLAS-KABATAAN
Oktubre 8, 2010

Lunes, Oktubre 4, 2010

polyeto hinggil sa 100 days ni P-Noy

MAY KINABUKASAN BA KAY P-NOY
ANG MANGGAGAWA AT MASANG PILIPINO?

“Puwede na muling mangarap. Tayo nang tumungo sa katuparan ng ating mga pinangarap.” Ito ang pangwakas na pangungusap ni P-Noy sa kanyang kauna-unahang SONA, kung saa’y inilahad niya ang ilang suliraning minana sa nakaraang administrasyon at ang mga hakbang na kaniyang gagawin upang lutasin ang mga ito.

Tinawag niyang kasuklam-suklam at krimen ang maluhong kalakaran at pagwawaldas ng bilyun-bilyong pondo ng gobyerno sa mga proyektong may kulay pulitika at hindi ukol sa kapakanan ng taumbayan. Gaya ng pag-angkat ng sobra-sobrang bigas na hinayaang mabulok sa bodega ng NFA, sa kabila ng apat na milyong Pilipino ang hindi kumakain ng tatlong beses sa isang araw.

Magtatapos sa ika-8 ng Oktubre ang kabanata ng unang 100-araw ni P-Noy sa Malacañang, may nasisilip ba tayong pag-asa patungo sa ating mga pinapangarap na pagbabago?

Ipinaalala pa ni P-Noy na ang una sa kaniyang plataporma ay ang paglikha ng mga trabaho at ang pagtugon sa mga serbisyong panlipunan gaya ng edukasyon, imprastraktura, pangkalusugan, pabahay, kaayusan at kapayapaan at iba pang usapin.

Ano ang kanyang solusyon o programa para dito? Public-Private Partnerships (PPP)!

Sa pamamagitan diumano ng PPP ay lalago ang ekonomya. Aakitin ang mga mamumuhunan sa “maginhawang” pagnenegosyo sa bansa upang lumago ang mga industriya na magluluwal ng trabaho. Sa gayun, makakalikom ang gobyerno ng pondo upang matustusan ang mga serbisyong panlipunan.

Ipinabatid din niya na ngayon ay panahon ng sakripisyo. Sakripisyong puhunan para sa ating kinabukasan. Subalit bakit ang mga batayang konstitusyunal (karapatan sa seguridad sa trabaho at karapatang mag-unyon) ang isasakripisyo para lamang bigyang daan ang pagkakamal ng limpak-limpak na TUBO ng mga kapitalista?

Ang kasagutan ba dito ay makikita natin sa likod ng mga tampok na isyu’t pangyayari kamakailan at ilang kondisyong umiiral, gaya ng mga sumusunod:

Una, ang pahayag ni P-Noy na babala laban sa mga manggagawa ng PAL na nagbabantang mag-aklas upang tutulan ang plano ng management na magtanggal ng 2,600 na empleyado, magbawas ng benepisyo at diskriminasyon sa mga flight attendants.

Ikalawa, ang demolisyon ng komunidad sa New Manila at North Triangle upang ipagamit ang lupa sa mga negosyante, nang walang pagsasaalang-alang sa dislokasyon ng kabuhayan ng libu-libong naninirahan.

Ikatlo, ang pahayag ni Senador Santiago na ibayong paglaganap ng jueteng sa bansa at pagkakasangkot ng pangalan ni DILG U-Sec. Puno at Tony Boy Cojuangco sa operasyon; kamag-anak na nag-ambag ng P100 milyon sa kampanya ni P-Noy sa eleksyon. Wika nga ni Bishop Cruz, dumarami ang mga “Anak ng Jueteng”!

Ikaapat, ang pagbabawas ng budget sa edukasyon at iba pang serbisyo at sa kabilang banda, ang pagpapalaki ng budget sa military at pork barrel ng Malacañang.

Ikalima, ang napaulat na pagtataas ng toll fees sa NLEX at SLEX at pagtaas nang pasahe sa LRT/MRT na ang higit na tatamaan ay ang mga manggagawa at estudyante.

Ikaanim, ang pananahimik ni P-Noy sa isyu ng laganap na kontraktwalisasyon ng trabaho, reporma sa agrikultura, pribatisasyon ng mga naka-mortgage na pabahay at bayarin sa foreign debt.

Kung nanghihinayang si P-Noy sa bilyong pisong winaldas ng administrasyong Arroyo sa halip na pinakinabangan ng taumbayan; ika nga niya’y pera na naging bato pa, uunahin ba niya ang pagbabayad ng mga maanomalyang utang panlabas keysa tustusan ang serbisyong panlipunan?

Kung kukunsintihin ni P-Noy ang mga nabanggit na isyu, saan patungo ang sinasabi niyang matuwid na landas?

Mga kababayan, salubungin natin ang ika-100 araw ni P-Noy ng malawakang rally upang ipamalas sa kanya na hindi tayo bulag, pipi at bingi sa mga problema ng bansa. Hindi tayo hanggang reklamo lang. Ihahatid natin sa pintuan ng Malacañang ang mga kongretong panukala para sa kaunlaran ng mga maliliit na sektor; manggagawa, magsasaka, maralita, informal sectors, pampublikong transportasyon, vendors, guro, estudyante, maliliit na negosyante at iba pa.

Hinimok niya ang taumbayan sa kanyang SONA na tutukan ang mga halal na opisyal ng gobyerno at humakbang mula sa pakikialam tungo sa pakikilahok at pakikibahagi sa solusyon. Kung kaya’t sa Oktubre 8, makilahok tayong lahat. Ihahapag natin kay P-Noy ang mga sumusuod na kahilingan:

1. Makataong Pabahay bilang Batayang Karapatan. Itigil ang Demolisyon hangga’t Walang Makatao at Ligtas na Relokasyon! (Magpatayo ng Medium at High Rise Condo bilang Permanenteng Relokasyon). Serbisyong Pabahay, Hindi Negosyo!

2. Trabahong Regular, hindi kontraktwal at tanggalan! Isabatas ang kriminalisasyon laban sa Labor-Only Contracting!

3. P91.40 wage recovery! Nationwide, across-the-board Wage Increase at no exemptions!

4. Tax Relief (Exemption) sa lahat ng manggagawang sumasahod ng P800.00 pababa bawat araw!

5. Isabatas ang unemployment insurance at mandatory trust fund sa retirement/gratuity at separation pay benefits!

6. Subsidyo ng gobyerno sa pagkain, pabahay, kuryente, tubig, pangkalusugan at edukasyon!

7. Alisin ang Oil Deregulation Law at EPIRA Law!

8. Isabatas ang Magna Carta for Transport Workers!

9. I-repeal ang Automatic Appropriation Law sa debt service!

10. Ipwesto sa sentro ng programa ng pamahalaan ang Decent Work Agenda ng ILO!

Kung hindi pakikinggan ni P-Noy ang mga kahilingang ito, kung tulad ni GMA na haharangan tayo ng mga anti-riot sa Mendiola, sino kung gayun ang tinutukoy niyang “Boss” sa kaniyang inaugural speech? At kung magkagayun, bistado na ang nasa likod ng kanyang panawagan na magsakripisyo para sa kinabukasan ay ang isuko at ihandog ang mga konstitusyunal na karapatan at kalayaan para sa kaginhawaan ng mga pribadong ka-partner ng gobyerno. Kung gayun, nararapat lamang na singilin si P-Noy sa kanayng mga pangako!

Lumalabas, mga Kapitalista, Asendero’t Elitista ang Boss ni P-Noy! Hindi ang Masang Pilipino!

Dumalo at magpadalo sa ika-100 Araw ni P-Noy sa October 8, 2010, 9:00A.M. Martsa mula FEU, Morayta patungong Mendiola.

BMP-SUPER-MELF-ADFW-KPML-PMT
Ika-3 ng Oktubre, 2010

Miyerkules, Setyembre 29, 2010

workshop result, PMCJ Urban Poor sector

Resulta ng workshop
Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) Urban Poor sector
2nd meeting, Setyembre 28, 2010, 9am-3pm, FDC office

Mga Dumalo: Khevin (FDC), Ka Danny Afante (KPML), Greg (KPML), 5 participants from ALMA-Santolan (Pasig), 2 from Marikina, 2 from San Mateo

1. Tiyakin ang ligtas at permanenteng tirahan sa maralitang mamamayan

a. Implement Local Housing Board
- Representatives from NGOs, POs
- Amend composition of local housing board (LHC) to include CSOs, POs, (50%+1)

b. Implement and amend land use plan

c. Itigil ang demolisyon hangga't walang:
- Housing, improved livelihood, social services, facilities, sufficient drainage system, hazard friendly, environmental preservation (comprehensive tree planting, protection of biodiversity, etc.), water and energy must be accessible

d. Makataong paraan ng pakikipag-usap at paglipat sa komunidad

e. Make adaptation measures for comunities to preserve livelihood of communities
- Pataasin ang mga bahay
- Gumawa ng dike sa tagiliran ng komunidad
- Onsite at in-city relocation

f. Wag ipataw sa komunidad ang paggawa o pagpapaayos ng infrastraktura
- Ang pabahay ay serbisyo, hindi negosyo

g. Ilabas ang datos ukol sa 'hazard' ng komunidad
- Tiyaking hindi magamit ang climate change na dahilan para sa demolisyon at relokasyon ng maralitang mamamayan

h. Itigil ang panlilinlang sa maralita para maialis sa mga komunidad

i. Repeal RA 9507 (Condonation and Restructuring Act)

j. Paggawa ng Disaster Disk Reduction (DRR) program sa community level
- Community early warning device
- Rubber boats and other disaster response equipment
- Disaster response team
- Training of rescue strategies among community leaders

2. Siguraduhin ang partisipasyon ng mga maralita sa paggawa ng polisiya, desisyon, at implmentasyon para sa programang pabahay ng pamahalaan

a. Ang maralita ay dapat merong representasyon sa Climate Change Commission (CCC), Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), Local Housing Board (LHC)

b. Pagbuo ng komite sa Barangay o LGU level kaugnay sa climate change na may representasyon ang urban poor

c. Representasyon ng urban poor sa MTPDP at budget deliberation ng gobyerno na makakaapekto sa maralita, tulad ng housing budget, poverty alleviation, atbp.

3. Maglaan ng pondo para sa pabahay na hindi utang bilang reparation (danyos perwisyos) para sa climate debt ng mayayamang bansa

a. Representasyon ng urban poor sa MTPDP at budget deliberation ng gobyerno

b. Hindi dapat gamitin ang calamity fundng LGU para sa ibang rason

4. Pagbibigay prayoridad at pagpapagaan ng kalagayan ng kababaihan, bata, differently abled, at senior citizen sa panahon ng kalamidad

a. Dapat walang diskriminasyon sa pagbibigay ng relief goods

b. Paglaan ng maayos na comfort room (CR) na may sapat na water supply ayon sa pangangailangan ng kababaihan, bata, differently abled, at senior citizen

c. Malinis na tubig inumin na sapat sa lahat ng evacuees

d. Sapat na precautionary health care para sanasalanta na ang prayoridad ay mga buntis, bata, matanda, differently abled

e. Dapat lahat ng relief goods aybinibigay kaagad sa mga nasalanta, hindi tinatago at iniipon para ibigay sa iilang indibidwal

f. Magpagawa ng ligtas na permanenteng evacuation centers sa matataas na lugar
- Malapit sa flood prone area
- Para di na magamit ang mga eskwelahan bilang pansamantalang evacuation center nang di maantala ang pag-aaral ng mga estudyante

Martes, Setyembre 28, 2010

polyeto - hinggil sa mga nasunugan sa Navotas

SERYOSONG NEGOSASYON
PARA SA SERYOSONG SOLUSYON

Higit sa isang buwan na buhat ng tupukin ng apoy ang ating mga tirahan sa naganap na sunog noong Agosto sa Barangay Sipac-Almacen at Navotas West. Mahigit isang buwan na rin ng kawalan ng katiyakan kung kailan babalik ang normal na pamumuhay ng mga maralitang biktima ng malagim na trahedyang nabanggit.

Siksikan pa rin ang mga evacuation centers resulta ng napakarami nating mga kapwa biktima ng sunog ang walang kakayahang maihanap ng masisilungan ang kanilang mga pamilya at mga anak. Marami na ang dinapuan ng kung anu-anong karamdaman resulta ng masikip, di sapat na bentilasyon at masamang sanitasyon sa mga lugar na pinaglagakan sa atin. Kamakailan lang ay dalawang bagong panganak na sanggol ang namatay resulta ng kalagayang nabanggit sa Navotas Sports Complex.

Malaki na rin ang problema ng kakapusan ng pagkain, tubig, gamot at mga relief goods na dati ay lagi't laging laman ng mga pahayagan, radyo at telebisyon na regular na ipinamumudmod ng mga pulitiko, mga NGO at kung anu-ano pang mga institusyon.

Dalawang bagay ang dahilan kung bakit tayo nagtitiis sa malakulungang kalagayan sa mga evacuation centers. Una ay ang kawalan ng pera upang mangupahan ng kwarto kung saan makakapamuhay tayo ng normal, may privacy, naaalagaan at nakakapag-aral ang ating mga anak, nakakapaghanapbuhay ang mga magulang, at iba pang mga bagay na karaniwang ginagawa ng isang karaniwang mag-anak.

Ikalawa, dahil sa pangako sa atin na tiis-tiis muna at pababalikin naman tayo diumano sa lugar na dating kinatitirikan ng ating mga tahanan. May kasunduan daw ang Pamahalaan at ang diumano'y may-ari ng lupa't dagat na paupahan sa atin ang "kanilang" ari-arian hanggang sa tuluyang maging atin sa ilalim ng programang CMP.

May sinasabi rin na iri-relocate ang mga taong nakatira sa dagat sa mga relocation areas sa Towerville habang ang mga nais magsiuwi sa kani-kanilang probinsya ay bibigyan ng pamasahe pauwi.

Tatlong opsyon ang iwinawagayway sa atin ng gobyerno na hindi malinaw kung paano ito ipapatupad. Sa programang CMP halimbawa, ano ang tunay na estado ng pag-aari ng mga sinasabing lupaing ito? Ano ang magiging epekto sakaling maipatupad ang CMP sa gitna ng planong ang lugar ay magiging bahagi ng proyektong reclamation? Kung dati ay itinaboy tayo dahil sa sunog, malamang ay itaboy din tayo sakaling makapagtayo tayo ng tirahan sa kaparaanang ebiksyon o demolisyon sa panahong ipatupad na ang proyektong reklamasyon.

Hindi rin klaro kung saan at paano ang planong relokasyon sa atin. Hindi natin maintindihan kung pinipili ba ng gobyerno ang mabibigyan nito dahil sa kawalan ng sistema kung paano otp mapapakinggan ng mga biktima ng sunog. Totoong karapatan ng gobyerno na uriin kung sino ang mga lehitimong dapat mabigyan ng relokasyon pero dapat ihayag nila ang mga polisiya para sa implementasyon nito at hindi parang mga patagong transaksyon ang ginagawa ng ilang mga kinatawan o ahente nito. Kung sinsero ang gobyerno sa sinasabing relokasyon, matagal na ang isang buwan para ilagay sa ayos ang mga kaukulang hakbang para maipatupad ito.

Maging ang programang balik-probinsya ay alam nating isang malaking kabalbalan. Hindi nito nilulutas, kundi iniiwasan ng programang ito ang obligasyong tumugon sa problema ng mga maralitang nakipagsapalaran sa lungsod upang takasan ang kahirapan sa kanayunan. Ang pagbibigay pamasahe para pauwiin sa kani-kanilang probinsya ang mga maralita ay katulad ng pagbibigay ng separation pay ng isang kapitalista sa sinibak na trabahador. Kasing kahulugan ito ang pagtalikod sa obligasyong dapat harapin ng isang dapat na may pananagutan.

Mga kasama, hangga't ang trato sa atin ng pamahalaan ay mga pulubing dapat magpasalamat kapag binigyan at dapat magtiis kung wala ay isang paraan ng pag-iwas sa kanilang obligasyon sa kanyang mamamayan. Klarong umiiwas ang gobyerno na seryosong harapin at hanapan ng lunas ang paghihirap ng mga biktima ng sunog. Ito ang nakita natin ng sumulat tayo sa kanila at humingi ng diyalog upang ilahad natin ang ating kalagayan, suliranin at kahilingan. Ano ang ginawa nila? May nagsasabing para tayong nasermunan at may nagsasabi ring nabola tayo nang hindi sa negotiating table hinarap ang ating mga kinatawan kundi sa pamamagitan ng talumpati sa Sports Complex.

Gusto natin ng seryosong negosasyon para humanap ng seryosong solusyon. Ngunit kung ang nais ng gobyerno ay usapang kanto, maghanda tayo kung ganun sa kanto-kantong usapan.

KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD (KPML)
Setyembre 28, 2010

DUMALO SA GAGANAPING GENERAL ASSEMBLY NG LAHAT NG BIKTIMA NG SUNOG SA SETYEMBRE 29, 2010, IKA-4 NG HAPON SA C4 BAYWALK

Lunes, Setyembre 27, 2010

4 Puntos Bakit On-Site Development sa North Triangle

HUWAG MAGING KAMPANTE!
TULOY ANG LABAN NG MARALITA PARA SA KARAPATAN SA PANINIRAHAN!

Ang tagumpay ng North Triangle na mapatigil ang demolisyon noong nakaraang ika-24 ng Setyembre ay pansamantala lamang. Sa malao’t madali ay muli nating kakaharapin ang puwersahang pagpapaalis sa maralita ng North Triangle at iba pang lugar.

Tandaan natin na ang pagpapatigil ni Pangulong Aquino sa demolisyon sa North Triangle ay dahil sa BARIKADA, pagkakaisa at pagtatanggol ng mga mamamayan dito. Walang ginawa ang mayor ng lokal na pamahalaan sa kabila ng pakiusap ng mga lider ng tatlong alyansa (San Roque Community Council-SRCC, Nagkakaisang Naninirahan sa North Triangle-N3T at United Muslim Associations-UMA) na huwag ituloy ang demolisyon at sa halip ay magbukas sa tuloy tuloy na pag-uusap o negosasyon.

Napanood na lang natin kinabukasan sa telebisyon ang pahayag ni Mayor Bistik na ang mga maralita sa North Triangle ay mga sindikato. Ang National Housing Authority (NHA) ay nagsabi na pansamantala lang ang pagpapatigil sa demolisyon at itutuloy din kaagad ito. Ang Speaker of the House na si Congressman Sonny Belmonte ay mas kakampi ng mga negosyante. Wala tayong narinig na kahit anong pahayag mula kay Vice President Binay na ngayon ay Chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC).

Kung ating babalikan ang SONA ni P-NOY, wala tayong narinig na plano tungkol sa pabahay ang meron ay Public Private Partnership o (PPP). Ang ibig sabihin nito ay hindi na “serbisyo sa pabahay” para sa maralita kundi gagawin na itong negosyo, isang malinaw na halimbawa na dito ang North Triangle. Sa kutsabahan ng NHA, LGU at Ayala ay binuo nila ang Tri-development (TRI-DEV) na bahagi ng Quezon City Central Business District (QC-CBD) at hindi isinama ang kinatawan ng maralita na aabot sa Siyam na Libong (9,000) pamilya. Ang plano nila ay alisin ang mga tao at paunlarin ang North Triangle tulad ng Ayala sa Makati.

Hindi tutol sa pag-unlad ang mga maralita bagkus ito pa nga ang matagal na nating hinahanap. Ang QC-CBD ay hindi pag-unlad para sa lahat ito ay para sa negosyanteng Ayala lamang. Sino ba ang makikinabang o nakinabang na sa sinasabing 22 Bilyong Piso na pondo para sa QC-CBD? Siguradong hindi ang mga apektadong maralita dahil sila ayon sa kagustuhan ng NHA ay dadalhin sa malayong relokasyong mapanganib, walang trabaho, walang maayos na serbisyong panlipunan at ang halaga ng lupa doon sa Montalban ay babayaran sa loob ng 30 taon kasama ang tubo.

Bakit ON SITE DEVELOPMENT ang pusisyon at kahilingan ng mga naninirahan sa North Triangle at hindi ang relokasyon sa Montalban Rizal?

1. Sa mahigit tatlumpong (30+) taong paninirahan sa lugar, nandito na ang mga hanapbuhay o trabaho ng mga tao. Samantala walang maayos na tirahan, walang malinis na tubig na inumin, kuryente, ospital at iba pang mga kinakailangan ng tao para mabuhay sa relokasyon.

2. Ang lupaing relokasyon sa Montalban ayon sa mga pag-aaral ay isang malambot na lugar na maaari lamang gamitin bilang taniman hindi para gawing tirahan at pagtayuan ng mga building. Ito ay kasama sa mga pook na nasa “fault line”.

3. May karapatan din ang maralita ng North Triangle sa pag-unlad na plano ng LGU at NHA hindi lamang para sa mga negosyante kasama dapat ang mga apektadong mamamayan.

4. Ayon sa ating Konstitusyon may karapatan ang bawat Pilipino sa isang maayos na tirahan at pamumuhay. Ito rin ang sinasabi ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR) at International Covenant on Economic Social Cultural Rights (ICESCR) at iba pang mga kasunduan kung saan ang ating bansa ay bahagi at nakalagda. Ang ating pamahalaan ayon sa mga karapatang nabanggit ay may responsibilidad o obligasyong ibigay sa maksimum na kakayahan.

Sa ngayon ay wala sa isip ng pamahalaang lokal at nasyonal ang kanyang mga obligasyon, ang plano nila ay makaisang-panig na pag-unlad para sa mga negosyante at kapitalista at hindi kasama ang maralitang mamamayan dito.

Mga kapitbahay, kasamang maralita sa North Triangle, hindi tayo dapat maging kampante. Higit nating palakasin ang ating pagkakaisa, kailangang ipaunawa at patagusin sa lahat ng kasapian ang kawastuhan ng ating mga kahilingan at ipinaglalaban. Kailangan planuhing mabuti ang ating depensa at susunod na mga hakbang kung kinakailangan ay itatayo nating muli ang BARIKADA. Buklurin at itayo ang pinakamalapad nagkakaisang alyansa ng mga iba’t ibang samahan ng maralita. Itutuloy natin ang laban para sa karapatan sa maayos, sapat, ligtas at abot-kayang paninirahan!!!

LUBUSIN ANG TAGUMPAY NG NORTH TRIANGLE!

TULOY ANG LABAN NG MARALITA!

LABANAN ANG ANTI-MARALITA, MAKA-NEGOSYANTE AT KAPITALISTANG PATAKARAN SA PAG-UNLAD AT PABAHAY NG PAMAHALAAN!

Linggo, Setyembre 26, 2010

Lubusin ang Tagumpay ng North Triangle

Press Statement
25 September 2010

LUBUSIN ANG TAGUMPAY NG NORTH TRIANGLE!

Nagmarka sa buong bansa ang ating BARIKADA, ang paglaban nating mga maralita noong isang araw, Setyembre 23, 2010 nang isagawa ng pamahalaan sa pangunguna ng National Housing Authority (NHA) ang puwersahang demolisyon. Tinutulan natin ang demolisyon dahil sa kawalan ng tunay na konsultasyon sa ating mga apektado kaugnay ng kanilang programang “Quezon City Central Business District” (QC-CBD) at kawalang pansin sa ating inihapag na kahilingan, ang “on site development” o pagsama sa atin sa plano nilang pagpapaunlad sa North Triangle. Ganun din ang kawalang aksiyon sa paghahabol natin at pakikipag-usap sa NHA at kay Mayor Bautista na huwag ituloy ang puwersahang demolisyon at sa halip ay magbukas ng tuloy-tuloy na pag-uusap o negosasyon upang maging maayos ang lahat. Ipinagtanggol lamang namin ang aming mga karapatan upang hindi mawala sa amin ang aming mga tirahan. Hindi kami tutol sa kaunlaran kung ito ay tunay na pag-unlad para sa lahat kasama ang mga apektado hindi katulad nito na kami ay itatapon sa malayong lugar ng Montalban kung saan napakalayo sa aming mga trabaho at walang maayos na panlipunang serbisyo.

Kinukondena namin ang pahayag ni Mayor Herbert Bautista na kami raw ay mga sindikato at dapat hulihin at parusahan. Ang inaasahan namin sa kanya ay pagkalinga o pagresolba sa suliranin namin sa paninirahan hindi ang kami ay kanyang alipustain at pagbintangang mga kriminal. Ang Speaker ng House of Representative na si Congressman Sonny Belmonte ay nagpahayag na ang proyektong QC-CBD ay maghihikayat ng maraming negosyante at walang siyang pakialam kung anuman ang mangyari sa amin kahit mawalan ng tirahan at itatapon sa malayong lugar. Hindi ba’t dapat lahat ng plano at programa ng pamahalaan nasyunal man at lokal ay para sa kaunlaran kapakanan ng nakararaming mamamayan?

Ang pahayag ni Pangulong Aquino sa pagpapatigil sa demolisyon ng North Triangle ay tagumpay nating mga maralita. Dahil sa ating barikada at pagkakaisang ipaglaban ang ating paninirahan ay napatigil natin ang puwersahan at marahas na demolisyon. Subalit hindi pa tapos ang laban nating mga maralita, kailangan nating lubusin ang ating tagumpay. Ang sinimulan natin sa North Triangle ay dapat magsilbing inspirasyon ng iba pang maralitang komunidad. Ang sinimulan nating BARIKADA, kapatiran, pagtutulungan at pagkakaisa ng ay dapat nating ipagpatuloy!

LUBUSIN ANG TAGUMPAY NG NORTH TRIANGLE!

TULOY ANG LABAN NG MARALITA!

MAAYOS, SAPAT, LIGTAS AT ABOT-KAYANG PABAHAY SA LAHAT NG MARALITA!

LABANAN ANG ANTI-MARALITA, MAKA-NEGOSYANTE AT KAPITALISTANG
PATAKARAN SA PABAHAY NG PAMAHALAAN!

Pahayag mula sa: -SRCC – N3T – UMA - FRIENDS OF NORTH TRIANGLE-

Sabado, Setyembre 25, 2010

polyeto - Huwag Maging Kampante! - North Triangle

HUWAG MAGING KAMPANTE!

Ang desisyon ni P-Noy na ipatigil ang demolisyon sa Sitio San Roque, North Triangle, at pag-aralan uli ang usapin ay isa lang pansamantalang tagumpay para sa mga residente ng lugar.

Dapat malinaw sa lahat na ang tagumpay na ito ay hindi nakamit sa paggamit ng mga trapong pulitiko sa kongreso o city hall, impluwensyal na tao sa gabinete ni P-Noy o sa moro-morong konsultasyon sa kontra-maralitang ahensya gaya ng National Housing Authority (NHA). Nakamit ito dahil sa militanteng sama-samang pagkilos ng mamamayan para ipagtanggol ang kanilang mga tirahan at igiit sa mga may kapangyarihan ang karapatan sa pabahay at ang dignidad ng maralita. Ang militanteng sama-samang pagkilos na ginawa noong Hwebes ang siyang susi para ipamulat sa malawak na publiko na ang mga patakaran ng gobyerno ni P-Noy gaya ng nauna sa kanyang si PGMA ay walang pinagkaiba. Napaghahalatang pogi-points lang ang habol ni P-Noy ng magpanggap siyang tayong mga maralita ang kanyang boss.

Kung dati rati'y panlipunang serbisyo ang programang pabahay ng gobyerno, ngayo'y pinagtutubuan na ito ng mga negosyante. Malinaw na ginawang pambayad-utang sa pamilyang Ayala, ang pangunahing sumuporta kay P-Noy noong nagdaang eleksyon, ang lupain ng North Triangle. Ang kutsabahan ng gobyerno ni P-Noy at ng elitista at kapitalistang Ayala ay halimbawa lamang ng Public-Private Partnership (PPP) na ipinangangalandakan ni P-Noy na estratehiya niya ng pagunlad ng Pilipinas sa kanyang talumpati sa SONA.

Kung ang PPP ang kanyang konsepto ng "tuwid na landas", pwes, dapat nang mangamba ang lahat ng mahihirap sa susunod na anim na taon. Matatandaan na naghugas ng kamay si P-Noy sa isyu ng mga magsasaka sa isyu ng repormang agraryo sa Hacienda Luisita. Ganun din ang kanyang postura sa hinaing ng mga manggagawa ng Philippine Airlines (PAL) na matapos magsalita na kailangan pag-aralan mabuti ang isyu ay iniwanan niya rin ang kapalaran ng mga manggagawa sa kamay ng ganid na kapitalista ng PAL.

Kahit ang mga dati nating mga kapitbahay na ngayo'y nasa Montalban na ay hindi pa rin ligtas sa sabwatan ni P-Noy at ng mga kapitalistang mapagsamantala. Kamakailan lamang ay sinimulan na ang implementasyon ng kontra-maralitang Republic Act 9507 o ang kondonasyon at restructuring ng mga utang ng mga naninirahan sa relocation sites. Ang suma-total nito ay ang malawakang pagtataboy sa mga naninirahan na sa relocation sites dahil sa hindi pagkakabayad ng utang sa programang pabahay ng gobyerno.

Huwag tayong maging kampante, ngayon higit kailan man dapat natin patindihin ang intensidad ng ating pagkilos. Kailangan ng mas malawak na partisipasyon ng mga residente sa barikada at mga mobilisasyon. Kailangan natin maging masinop sa ating plano ng depensa dahil magiging mas malupit ang demolition team sa kanilang pagbabalik. Kailangan din nating makuha ang mas malawak na suporta ng mga kapwa nating maralita para itambol ang ating paninindigan. Kaya't tanging sa militanteng pagkilos pa rin natin malulubos at makakamit ang tagumpay sa katiyakan sa paninirahan na matagal na nating ipinaglalaban.

LUBUSIN ANG TAGUMPAY SA ISYU NG PANINIRAHAN SA NORTH TRIANGLE!
LABANAN ANG KONTRA-MAHIRAP NA PATAKARAN SA PABAHAY NI P-NOY!

PARTIDO LAKAS NG MASA-QC (PLM-QC)
KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MARALITANG LUNSOD-QC (KPML-QC)
ALYANSA NG MARALITA-QC (ALMA-QC)