Martes, Mayo 3, 2011

Ika-6 na Kongreso ng KPML-NCRR, Matagumpay na Idinaos

BALITA MARALITA

IKA-6 NA KONGRESO NG KPML-NCRR, MATAGUMPAY NA INILUNSAD

Sa temang "Pahigpitin ang Pagkakaisa, Ipagtanggol at Kamtin ang Karapatan sa Paninirahan, Trabaho at Serbisyo Tungo sa Sosyalismo", matagumpay na inilunsad ng KPML-NCRR (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal) ang ika-6 na Pangrehiyong Kongreso nito noong ika-30 ng Abril, 2011 sa basketball court ng KKFI (Kapatiran Kaunlaran Foundation, Inc.), 937 P. Paredes St., Sampaloc, Manila.

Nagbigay naman ng sigla sa kongreso ang pagtatanghal ng Fraction Band, ZOTO Band at Zone One Movers, samahan ng mga kabataan ng KPML at ZOTO na nagko-compose ng sarili nilang awitin hinggil sa mga isyu ng child labor, child's rights, gender equality, karapatan, at pagbabago ng sistema ng lipunan. Umuusok naman ang mga talumpati nina Ka Lito Manalili ng KKFI, Ka Leody De Guzman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Ka Pedring Fadrigon ng KPML-Nasyunal, Ka Sonny Melencio ng Partido Lakas ng Masa (PLM), at Ka Ric Reyes ng Freedom from Debt Coalition (FDC) na karamihan ay nakapokus sa iba't ibang isyung kinakaharap ng maralita, Mayo Uno, at sa temang sosyalismo ng kongreso.

Sa Kongreso, tinalakay ang anim-na-taong ulat, paglalatag ng tatlong taong programa, at pag-apruba ng mga resolusyong inihain, tulad ng pagbubuo ng komiteng pangkultura at sining, social protection, gender equality, pagpapalaya sa mga political detainees, child's rights and women empowerment, paglahok ng KPML-NCRR sa Partido Lakas ng Masa (PLM) bilang electoral socialist party, at iba pa. Tinalakay naman ni Ka Roger Borromeo ang Urban Poor Alternative Agenda.

Nagbigay ng sertipiko (gawad ng pagkilala) ang KPML-NCRR sa iba't ibang mga kasapian nitong malaki ang naiambag sa ikasusulong ng bisyon, misyon at hangarin ng samahan tungo sa pagbabago. Ginawaran din ng pagkilala ang mga yumaong lider ng maralita bilang pagpupugay sa kanilang ambag para sa pagsusulong ng isyu at karapatan ng maralita mula sa kabataan, kababaihan at lider ng masa.

Ang mga bagong nahalal sa pamunuan ng KPML-NCRR para sa taong 2011-2014 ay ang mga sumusunod: Pangulo - Allan Dela Cruz; Ikalawang Pangulo (Panloob) - Orly Gallano; Ikalawang Pangulo (Panlabas) - Ka Roger Borromeo; Pangkalahatang Kalihim - Ka Rey Baltazar; Ikalawang Pangkalahatang Kalihim - Anthony Barnedo; Ingat-Yaman - Lydia Medici; Ikalawang Ingat-Yaman - Lilia Nacario; Tagasuri - Celia Asis; at PRO - Gloria Alcoroque.

Matapos ang halalang isinagawa sa pamamagitan ng viva voce, sila'y pinasumpa ni Ka Lito Manalili, propesor ng Unibersidad ng Pilipinas at kasapi ng Board of Directors ng KKFI. Ang tumayong Comelec ay sina Teody Navea ng BMP at Michael Orcullo ng KKFI.

Bukod sa KKFI, BMP, KPML-Nasyunal, PLM, at FDC, nagbigay din ng mensahe ng pakikiisa para sa Kongreso ng KPML-NCRR ang iba't ibang grupo, tulad ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), Philippine Human Rights Information Center (PhilRights), Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), SANLAKAS, Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Pinagkaisang Lakas ng Kabataan Laban sa Kahirapan (PIGLAS-KABATAAN), at Pagkakaisa ng Kabataang Manggagawa para sa Karapatan (PKMK).

Walang komento: