Sabado, Abril 30, 2011

PMCJ Solidarity Message sa 6th KPML-NCRR Congress

PHILIPPINE MOVEMENT FOR CLIMATE JUSTICE

April 30, 2011

Ang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ay nagbibigay ng isang mapagpalayang pagbati para sa isang matagumpay na kongreso ng KPML!

Una sa lahat, nagbibigay pagpupugay ang mga miyembro ng PMCJ sa KPML para sa masigasig na partisipasyon at pakikibaka sa laban ng mga iba't ibang sektor para sa hustiya lalo na sa krisis sa Klima. Mula sa mga unang araw ng PMCJ, kasama na ang KPML sa pagsagawa ng kampanya at kilos protesta para kamtin ang hustisya sa krisis sa klima. At mula dito taos-pusong nagpupugay ang PMCJ sa ambag na ibinigay ng KPML at mga maralita upang isulong ang ating kilusan at patanyagin ang ating panawagang hustisya sa gitna ng krisis sa klima.

Importanteng mabanggit na ang maralita ay isa sa mga pinaka-bulnerableng sector ng lipunan pagdating sa pagbabago ng klima. Mula sa tag-init, hagupit ng bagyong tulad ng Ondoy at iba pang sakuna, ang maralita parati ang pinaka-unang napipinsala. Higit pa dito, ang gobyerno natin ay itinuturing ang maralita na pangunahing sanhi ng mga baha sa ating ciudad. Isang halimbawa nito ang patakaran ni GMA na paalisin lahat ng maralita sa mga kanal at danger zone pagkatapos ng pinsalang ibinigay ng bagyong Ondoy. Ito ay isang kawalan ng katarungan bulag sa hirap na nadama ng mga napinsalang maralita sa Ondoy.

Mula sa ganitong pagdurusa at kawalan ng hustisya, nakikisama ang PMCJ sa pagtupad ng mga alituntunin sa pag-angat ng kabuhayan, pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan, at pagkakaroon ng pang-ekonomiyang kaunlaran na may pagsasaalang-alang, at pagkapantay-pantay ng kasarian. Dito namin nakikita ang natural nating pagsasama sa pagtutulak ng hustisya sa gitna ng krisis sa klima.

Isang interpretasyon ng hustisya sa gitna ng krisis sa klima ay ang pagkamit ng mga panawagan at pangangailangan ng mga bulnerableng sector tulad ng katutubo, manggagawa, kababaihan, mangingisda, magsasaka at maralita. Ito ang nawawala sa usaping pagbabago sa klima at kailangan natin maipahiwatig na ang hustisya sa gitna ng krisis sa klima ang paraan upang mabigyan lunas sa kalamidad ang ating bayan na angkop sa panawagan at pangangailangan ng mga bulnerableng sector lalong-lalo na ang mga maralita.

Ituloy natin ang laban para sa kaligtasan, kabuhayan at para sa hustisya!

Hustisya! Ngayon Na!


Khevin Yu
Tagapag-ugnay
Philippine Movement for Climate Justice

Walang komento: