Linggo, Pebrero 19, 2012

Babae - ni Cynthia Kuan, ZOTO

BABAE
ni Cynthia Kuan

I

Babae, ikaw daw ay hinugot sa tadyang ni Adan
Kaya dapat lang na ikaw ay andyan lang
Tama lang ba na ikaw ay simple lang
Kung ikaw naman ay may alam?

Iyong karapatan ay dapat ipaglaban
Marapat lamang iyo itong ipaalam
Ipabatid, ibahagi ng buong paham
Nang sa gayon ay malaman
ang iyong kahalagahan

II

Babaeng feminista, babaeng aktibista
Ikaw ay simbulo ng katatagan
Katapangan, di matawaran
Ng maging sino ka man...

Ikaw ba ay sadyang ganyan
O hinubog ng karanasan
Nililok, hinulma, pinanday ng kaalaman
Anuman ang iyong pinagdaanan
Imahe ka ng iyong kasarian..

Martes, Pebrero 7, 2012

Martsa ng Maralita mula sa Evacuation Centers hanggang Navotas City Hall

KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD
NATIONAL CAPITAL REGION-RIZAL (KPML-NCRR)

MEDIA ADVISORY
Pebrero 7, 2012

MARALITANG BIKTIMA NG BAGYONG PEDRING,
MAGPIPIKET BUKAS SA NAVOTAS CITY HALL

Kitaan: harap ng Barangay Hall, Brgy. NBBS, Lapu-lapu St., Navotas, 7am
Kailan: Pebrero 8, 2012, 7am, martsa hanggang Navotas City Hall, 8am
Programa sa harap ng City Hall, 8am-11am

Magmamartsa mula sa harapan ng Barangay Hall, Brgy. NBBS, Lapu-lapu St., Navotas hanggang sa Navotas City Hall ang mga maralita mula sa iba't ibang evacuation centers sa Navotas upang ipanawagan sa pamahalaang lokal ng Navotas na asikasuhin sila sa kanilang karapatan sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Sila'y pawang mga biktima ng bagyong Pedring na nawalan ng bahay sa dalampasigan ng Navotas. Limang (5) buwan na sila sa mga evacuation centers ngunit wala pa ring malinaw na programa sa kanila sa katiyakan ng kanilang karapatan sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Ang mga evacuation centers ay sa Phase 1A, Phase 1B, Phase 1C, Kapitbahayan, Phase 2 Area 1, Tumana, NBBN, Piscador, kasama ang mga maralita sa komunidad ng Daanghari site, R-10 Samana ZOTO, at Bangkulasi.

Ayon kay Ka Allan Dela Cruz, pangulo ng KPML-NCRR (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod-National Capital Region-Rizal) Chapter, "Ang mga maralita sa mga evacuation centers ay mga tao ring katulad natin. Ngunit dahil sa bagyong Pedring, marami ang nawalan ng tahanan, di na nakapag-aral ang mga anak, nawalan ng trabaho, di kumakain ng sapat sa araw-araw, marami nang nagkakasakit na bata at matanda, at malaking usapin ng seguridad ng mga evacuees. Di maaring nakatunganga na lang ang maralita kaya sila'y nakikibaka sa araw-araw upang tiyaking matamasa ng kani-kanilang pamilya ang kanilang karapatan sa maayos at sapat na pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan."

Tanong nga ng mga maralita, “Mayor, Nasaan na ang programa mo para sa pabahay at serbisyo? Hirap na hirap na kami sa evacuation center”.

· PABAHAY, TRABAHO, SERBISYO, OBLIGASYON NG GOBYERNO!
· IN-CITY RELOCATION, IPATUPAD!
· ITIGIL ANG PAGHIHIGPIT SA MGA BIKTIMA NG PEDRING!
· I-PRAYORIDAD ANG EDUKASYON AT KALUSUGAN NG MGA BATA AT KABATAAN SA EVACUATION CENTER

Biyernes, Pebrero 3, 2012

Pahayag ng KPML-NCRR sa nangyaring rali sa DOE

KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD
NATIONAL CAPITAL REGION-RIZAL (KPML-NCRR)

Press Statement
Mula kay Ka Allan Dela Cruz, pangulo ng KPML-NCRR
Pebrero 3, 2012

PAGKONDENA SA GINAWANG HARASSMENT NG MGA GWARDYA SA GLOBAL CITY

Nagrali kaninang umaga ang may dalawampung myembro ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML)-NCRR sa harap ng Department of Energy (DOE) upang iprotesta ang patuloy na pagtaas ng presyo ng LPG at langis. Mula sa P500 nuong nakaraang taon, malaki na ang itinaas ng presyo ng LPG, tulad ng Gasul - P736.00, Shellane - P787.00, Total Gas - P770.00, M Gas - P721.00 at Liquigaz - P750.00.

Sa kabila ng matagumpay na protesta sa harapan ng DOE, naramdaman ng maralitang parang martial law sa Global City sa Taguig. Pagdating sa Taguig sa loob ng Global City bandang ika-10:15 ng umaga, nagtanong ang isa naming kasamahan sa isang gwardya ng Global City kung nasaang banda ang opisina ng Department of Energy. Ang ginawa ng gwardya ay hiningi ang lisensya ng drayber ng dyip. Sabi, bawal daw kaming pumasok dahil private daw ang Global City. Pribado pero walang gate, pribado pero walang toll fee. Mali na pala ang magtanong. Huhulihin ka! Sabi nga ng mga maralita, masama na pala magtanong sa mga gwardya. Ang gwardyang napagtanungan ay nakilalang si Andy Capoquian, habang ang kasama naman nitong gwardya rin ay si Al Vallejo. Hindi nila ibinalik sa drayber ang lisensya. Ang mga gwardya ay kasapi ng Aglipay Guard at BGC State Enforcer.

Hinarangan ang mga maralita sa bandang STI. Kaya bumaba na sila ng dyip upang tumungo sa DOE. Bago nakarating sa opisinang iyon, nakipaghabulan muna ang mga maralita sa mga gwardyang humarang na parang kriminal na tinutugis sa loob ng pribadong pag-aari ng kapitalistang ganid. Nakarating ang mga maralita sa harapan ng gate ng DOE kung saan doon na sila nakapagprograma. Mga 10:30 hanggang 11:30 ng umaga iyon.

Tinanong din ng gwardya kung merong bang permit ang mga maralita. May police power na ba ang mga gwardya? Sa Artikulo 3, Seksyon 4 ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, ginagarantyahan ang kalayaang magpahayag, kasama na sa pagpapahayag na ito ang pagrarali. Dahil ang pagrarali ay sama-samang pagpapahayag. At ang Department of Energy ay departamento ng gobyerno, at hindi ng pribado. Parang hindi kasama ang mga gwardyang ito sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Halos lahat ng maralita ay nagsalita lalo na ang mga kababaihang nahihiya dating magsalita upang ilabas ang kanilang galit sa mga gwardyang humarang. "Mataas na ang presyo ng LPG, pahirap na ng pahirap ang buhay, bakit kaming mga maralita ay lalo pang pinahihirapan ng gobyernong ito. Ang mga gwardyang ito'y makikinabang din naman kung bumaba ang presyo ng LPG.”

Pagkatapos naming magprograma, bumalik silang nagmamartsa papunta sa dyip. Ngunit hindi kaagad sila nakaalis dahil ayaw ibigay ng gwardyang nakakuha ng lisensya ng driver ang lisensya nito, kaya sa harapan ng STI ay muling nagprograma ang mga maralita upang ibalik ng gwardya ang lisensya ng drayber. Nang nasa DOE pa ang mga maralita, sinabihan umano ng isang gwardya ang drayber na babarilin.

Bandang ala-una na nakaalis ang mga maralita. Nakabalik ang mga maralita sa kanilang lugar bandang alas-3 na ng hapon.

Oil Deregulation Law, Ibasura!
Pagtaas ng presyo ng LPG, pahirap sa masa!
Tutulan, Labanan ang Pagtaas ng Presyo ng LPG!
Mga Gwardya, Maging Makatao Sana!

Huwebes, Pebrero 2, 2012

Press Statement - Rali ng Maralita sa DOE

KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD-NATIONAL CAPITAL REGION-RIZAL (KPML-NCRR)

Press Statement
February 3, 2012
Allan Dela Cruz (President, KPML-NCRR)

PROTESTA NG MARALITA LABAN SA
PAGTAAS NG PRESYO NG LPG AT LANGIS

Nagsagawa ng kilos-protesta kaninang umaga ang mga maralita mula sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal chapter (KPML-NCRR) sa harapan ng Department of Energy (DOE) dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng LPG at langis. Pag tumaas ang presyo ng langis ay agarang magtataasan din ang presyo ng mga batayang bilihin, tulad ng bigas, isda at mga gulay.

Ayon kay Ka Allan Dela Cruz, pangulo ng KPML-NCRR, "Nung nakaraang taon lamang, ang LPG ay nasa P500.00, ngunit ngayon, higit P700.00 na ang 11-kg na LPG. Nariyan ang Gasul - P736.00, Shellane - P787.00, Total Gas - P 770.00, M Gas - P721.00, Liquigaz - P750.00."

Dagdag pa ni Dela Cruz, “Nagtaas ngayong taon ang diesel ng halagang P2.70 bawat litro habang nagtaas naman ng halagang P3.20 ang gasolina bawat litro. Ngunit nag-rollback lamang ito ng halagang 80 sentimos sa diesel at 20 sentimos naman sa gasolina. Matutuwa na ba tayo sa kakarampot na rollback na iyon? Gayong kaytaas pa rin ng patong na P1.90 sa diesel at P3.00 sa gasolina sa orihinal na presyo nito. Dito pa lang ay kita na natin kung gaano katuso ang mga kapitalista. Ito ang totoong larawan ng “corporate greed” o kasakiman ng mga korporasyon ng mga kapitalista. Kunwari’y nag-rollback gayong napakataas pa rin ng patong nila sa presyo.”

“Kaya panawagan namin sa KPML-NCRR, tigilan na ang sobrang pagtaas ng presyo ng LPG at ng langis!”


Oil Deregulation Law, Ibasura!
Tutulan, labanan ang pagtaas ng presyo ng LPG!
Pagtaas ng presyo ng LPG, pahirap sa masa!




KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD-NATIONAL CAPITAL REGION-RIZAL (KPML-NCRR)

Press Statement
February 3, 2012
Allan Dela Cruz (President, KPML-NCRR)


URBAN POOR PROTEST AGAINST
LPG PRICE INCREASE AND OIL PRICE HIKE

The urban poor group, Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal chapter (KPML-NCRR) rallied in front of the office of the Department of Energy (DOE) this morning to protest the continued rise of prices of oil and LPG. They said the oil price hike directly affects the prices of basic commodities, such as rice, fish and vegetables.

Allan Dela Cruz, KPML-NCRR president, said, "Last year, the 11-kg of LPG has price of P500.00, but today, it increased by more than P200.00, such as Gasul - P736.00, Shellane - P787.00, Total Gas – P770.00, M Gas - P721.00, Liquigaz - P750.00."

Dela Crus added, “The price of diesel has increased this year. Diesel has increased by P2.70 per liter, while gasoline has increased by P3.20 per liter. But these prices have been roll backed, not in its original price, but by few centavos; P0.80 centavos for diesel and P0.20 centavos for gasoline. This rollback reflects how clever the capitalists are. This is corporate greed. They will announce a rollback to appease the consumers, but the prices did not go back to the original price.”

“That’s why we at the KPML-NCRR call on DOE, the government, and the oil companies, Stop Oil Price Hike! Stop the increase of LPG prices!”


Oil Deregulation Law, Ibasura!
Tutulan, labanan ang pagtaas ng presyo ng LPG!
Pagtaas ng presyo ng LPG, pahirap sa masa!