Biyernes, Pebrero 3, 2012

Pahayag ng KPML-NCRR sa nangyaring rali sa DOE

KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD
NATIONAL CAPITAL REGION-RIZAL (KPML-NCRR)

Press Statement
Mula kay Ka Allan Dela Cruz, pangulo ng KPML-NCRR
Pebrero 3, 2012

PAGKONDENA SA GINAWANG HARASSMENT NG MGA GWARDYA SA GLOBAL CITY

Nagrali kaninang umaga ang may dalawampung myembro ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML)-NCRR sa harap ng Department of Energy (DOE) upang iprotesta ang patuloy na pagtaas ng presyo ng LPG at langis. Mula sa P500 nuong nakaraang taon, malaki na ang itinaas ng presyo ng LPG, tulad ng Gasul - P736.00, Shellane - P787.00, Total Gas - P770.00, M Gas - P721.00 at Liquigaz - P750.00.

Sa kabila ng matagumpay na protesta sa harapan ng DOE, naramdaman ng maralitang parang martial law sa Global City sa Taguig. Pagdating sa Taguig sa loob ng Global City bandang ika-10:15 ng umaga, nagtanong ang isa naming kasamahan sa isang gwardya ng Global City kung nasaang banda ang opisina ng Department of Energy. Ang ginawa ng gwardya ay hiningi ang lisensya ng drayber ng dyip. Sabi, bawal daw kaming pumasok dahil private daw ang Global City. Pribado pero walang gate, pribado pero walang toll fee. Mali na pala ang magtanong. Huhulihin ka! Sabi nga ng mga maralita, masama na pala magtanong sa mga gwardya. Ang gwardyang napagtanungan ay nakilalang si Andy Capoquian, habang ang kasama naman nitong gwardya rin ay si Al Vallejo. Hindi nila ibinalik sa drayber ang lisensya. Ang mga gwardya ay kasapi ng Aglipay Guard at BGC State Enforcer.

Hinarangan ang mga maralita sa bandang STI. Kaya bumaba na sila ng dyip upang tumungo sa DOE. Bago nakarating sa opisinang iyon, nakipaghabulan muna ang mga maralita sa mga gwardyang humarang na parang kriminal na tinutugis sa loob ng pribadong pag-aari ng kapitalistang ganid. Nakarating ang mga maralita sa harapan ng gate ng DOE kung saan doon na sila nakapagprograma. Mga 10:30 hanggang 11:30 ng umaga iyon.

Tinanong din ng gwardya kung merong bang permit ang mga maralita. May police power na ba ang mga gwardya? Sa Artikulo 3, Seksyon 4 ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, ginagarantyahan ang kalayaang magpahayag, kasama na sa pagpapahayag na ito ang pagrarali. Dahil ang pagrarali ay sama-samang pagpapahayag. At ang Department of Energy ay departamento ng gobyerno, at hindi ng pribado. Parang hindi kasama ang mga gwardyang ito sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Halos lahat ng maralita ay nagsalita lalo na ang mga kababaihang nahihiya dating magsalita upang ilabas ang kanilang galit sa mga gwardyang humarang. "Mataas na ang presyo ng LPG, pahirap na ng pahirap ang buhay, bakit kaming mga maralita ay lalo pang pinahihirapan ng gobyernong ito. Ang mga gwardyang ito'y makikinabang din naman kung bumaba ang presyo ng LPG.”

Pagkatapos naming magprograma, bumalik silang nagmamartsa papunta sa dyip. Ngunit hindi kaagad sila nakaalis dahil ayaw ibigay ng gwardyang nakakuha ng lisensya ng driver ang lisensya nito, kaya sa harapan ng STI ay muling nagprograma ang mga maralita upang ibalik ng gwardya ang lisensya ng drayber. Nang nasa DOE pa ang mga maralita, sinabihan umano ng isang gwardya ang drayber na babarilin.

Bandang ala-una na nakaalis ang mga maralita. Nakabalik ang mga maralita sa kanilang lugar bandang alas-3 na ng hapon.

Oil Deregulation Law, Ibasura!
Pagtaas ng presyo ng LPG, pahirap sa masa!
Tutulan, Labanan ang Pagtaas ng Presyo ng LPG!
Mga Gwardya, Maging Makatao Sana!

Walang komento: