Martes, Pebrero 7, 2012

Martsa ng Maralita mula sa Evacuation Centers hanggang Navotas City Hall

KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD
NATIONAL CAPITAL REGION-RIZAL (KPML-NCRR)

MEDIA ADVISORY
Pebrero 7, 2012

MARALITANG BIKTIMA NG BAGYONG PEDRING,
MAGPIPIKET BUKAS SA NAVOTAS CITY HALL

Kitaan: harap ng Barangay Hall, Brgy. NBBS, Lapu-lapu St., Navotas, 7am
Kailan: Pebrero 8, 2012, 7am, martsa hanggang Navotas City Hall, 8am
Programa sa harap ng City Hall, 8am-11am

Magmamartsa mula sa harapan ng Barangay Hall, Brgy. NBBS, Lapu-lapu St., Navotas hanggang sa Navotas City Hall ang mga maralita mula sa iba't ibang evacuation centers sa Navotas upang ipanawagan sa pamahalaang lokal ng Navotas na asikasuhin sila sa kanilang karapatan sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Sila'y pawang mga biktima ng bagyong Pedring na nawalan ng bahay sa dalampasigan ng Navotas. Limang (5) buwan na sila sa mga evacuation centers ngunit wala pa ring malinaw na programa sa kanila sa katiyakan ng kanilang karapatan sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Ang mga evacuation centers ay sa Phase 1A, Phase 1B, Phase 1C, Kapitbahayan, Phase 2 Area 1, Tumana, NBBN, Piscador, kasama ang mga maralita sa komunidad ng Daanghari site, R-10 Samana ZOTO, at Bangkulasi.

Ayon kay Ka Allan Dela Cruz, pangulo ng KPML-NCRR (Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod-National Capital Region-Rizal) Chapter, "Ang mga maralita sa mga evacuation centers ay mga tao ring katulad natin. Ngunit dahil sa bagyong Pedring, marami ang nawalan ng tahanan, di na nakapag-aral ang mga anak, nawalan ng trabaho, di kumakain ng sapat sa araw-araw, marami nang nagkakasakit na bata at matanda, at malaking usapin ng seguridad ng mga evacuees. Di maaring nakatunganga na lang ang maralita kaya sila'y nakikibaka sa araw-araw upang tiyaking matamasa ng kani-kanilang pamilya ang kanilang karapatan sa maayos at sapat na pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan."

Tanong nga ng mga maralita, “Mayor, Nasaan na ang programa mo para sa pabahay at serbisyo? Hirap na hirap na kami sa evacuation center”.

· PABAHAY, TRABAHO, SERBISYO, OBLIGASYON NG GOBYERNO!
· IN-CITY RELOCATION, IPATUPAD!
· ITIGIL ANG PAGHIHIGPIT SA MGA BIKTIMA NG PEDRING!
· I-PRAYORIDAD ANG EDUKASYON AT KALUSUGAN NG MGA BATA AT KABATAAN SA EVACUATION CENTER

Walang komento: