Miyerkules, Abril 25, 2012

Pagkondena sa Demolisyon sa Silverio


Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod
National Capital Region-Rizal (KPML-NCRR)
Blk. 31, Lot 82-83, Maya-maya St., Brgy. NBBS, Navotas, MM Tel. 2859957

Press Statement
Ka Allan Dela Cruz
Pangulo, KPML-NCRR
Abril 24, 2012

KINOKONDENA NG KPML-NCRR ANG NANGYARING KARAHASAN AT PAGPASLANG SA NAGANAP NA DEMOLISYON SA SILVERIO!

Mahigpit naming kinokondena ang marahas na demolisyon sa aming mga kapatid na maralita sa Silverio Compound, sa Sucat, ParaƱaque na ikinamatay ng isang katao at ikinasugat ng humigit-kumulang apatnapung (40) katao. Sadyang kalunus-lunos ang nangyaring ito. Kaya kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML-NCRR) ay taas-kamaong nagpupugay sa ginawang depensa ng mga kapatid naming maralita sa kanilang pakikibaka para sa kanilang karapatan sa pabahay at kinabukasan. Kinokondena namin ang marahas at brutal na demolisyon na naging sanhi ng pagkamatay ng isang maralitang 21 taong gulang at pagkasugat ng marami para depensahan ang kanilang tahanan, kabuhayan, kinabukasan, dangal at pagkatao.

Ilan pa ang dapat mamatay para magkaroon ng kasiguraduhan sa pabahay? Ilan pang demolisyon ang magaganap upang igalang ang karapatan ng bawat tao sa paninirahan? Ilan pang bato ang pauulanin ng maralita upang depensahan ang kanilang mga karapatang mabuhay?

Mahalaga ang negosasyon, bagamat sa negosasyon ay dehado lagi ang maralita kumpara sa mga may perang kayang bilhin kahit ang husgado at gobyerno. At ang gobyernong ito ni Noynoy Aquino ang pangunahing kakampi ng mga kapitalista para sa kanilang public and private partnership, na pag-unlad ng mga negosyo habang pinalalayas na parang mga daga ang mga maralita't itinataboy sa malalayong lugar ang mga dukhang nakapupuwing sa mata ng negosyo't ni Aquino. Walang awa sa mga mahihirap ang mga kapitalista't gobyerno. Patunay ang maraming naganap na demolisyon kung saan nakikipagbatuhan ang mga maralita upang depensahan ang kanilang karapatan sa paninirahan, dangal, pagkatao, buhay at kinabukasan.

Sa maraming mga naganap na demolisyon, sa Laperal sa Makati, sa Mariana at sa North Triangle sa Quezon City, sa 9 de Pebrero sa Mandaluyong, sa Corazon de Jesus sa San Juan, R10 sa Navotas, at ngayon sa Silverio sa ParaƱaque, nakipagbatuhan at nakibaka ang mga maralita upang depensahan ang kanilang karapatan sa paninirahan. Sinuman ang tanggalan ng tirahan ay tiyak na lalaban. Tanggalan kaya ng maralita ng bahay si Pangulong Aquino? Idemolis kaya nating maralita ang bahay ng mga nagdedemolis? Tiyak na maghahalo ang balat sa tinalupan! Dahil mahalaga sa atin ang bahay, ang ating tinitirhan, ang pahingahan ng pagal nating katawan, ang tahanan ng ating mga anak! Kung bato ang ating pandepensa para ipagtanggol ang ating karapatan sa paninirahan, bakit hindi natin ito hahawakan at ibabato sa mga yumuyurak sa ating pagkatao!

Dapat magkaisa ang lahat ng maralita para labanan ang mga demolisyong patakaran ng kapitalista't gobyerno. Hindi mga hayop tayong mga maralita, tayo'y mga taong may dignidad. Taong may karapatang mabuhay, taong may karapatang magkaroon ng magandang kinabukasan, taong masisipag bagamat naghihirap, taong nagsisikap para sa kinabukasan ng ating mga anak. 

Dapat pag-aralan din ng maralita ang lipunang ating ginagalawan. Bakit nga ba kapitalismo ang sistema? At bakit sa ilalim ng kapitalismo, patuloy na naghihirap ang sambayanan? Simpleng kurapsyon lang ba ang problema na tulad ng elitistang pangulo? Bakit dapat mag-alsa ang mga maralita laban sa bulok na sistema ng lipunan? Bakit sa ilalim ng kapitalismo'y binabayaran ang bawat karapatan, tulad ng karapatan sa pabahay at karapatan sa kalusugan? May maaasahan ba tayong maralita sa mga tulad ng polisiya ni Aquino laban sa maralita, polisiyang kiling sa mga kapitalista kaysa mahihirap, patakarang para sa negosyo kaysa karapatang pantao?

Maralita, tapusin na natin ang panahon ng pananahimik at pagsasawalang-kibo. Panahon na upang magpasya tayo, di lang para sa ating sarili, kundi para sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.

Mga kapatid na maralita, magkaisa laban sa karahasan sa ating hanay! Katarungan sa mga nasugatan at namatay sa demolisyon! Ipaglaban ang karapatan sa paninirahan!

Walang komento: