“PAMUMUNO NI PNOY,
KALBARYO SA MGA MARALITA
WAKASAN ANG PAGHAHARI NG MGA KAPITALISTA,
KUMILOS PARA SA TAGUMPAY AT PAGBABAGO”
Patuloy ang paglala ng kahirapan, ni katiting na ginhawa’y walang maaninag, nagpapatuloy ang baku-bakong pamumuhay lalo na sa mga maralita ng lunsod.
“Walang wang-wang” at “tuwid na daan” ay para lamang kina Henry Sy, Ayala-Zobel, Lucio Tan, Gokongwei mga kapitalistang ganid sa tubo at mga kasabwat ni PNoy sa Philippine Development Plan (PDP) at Private Public Partnership (PPP). Tuwid ang daan para sa kontraktualisasyon at pagdami ng walang hanapbuhay. Tuwid na daan para sa malawakan , marahas na demolisyon di makatao at ebiksyon at sapilitang paglipat sa mga malalayong relokasyon.
Tuwid ang tele-nobelang “impeachment court” ni Enrile, na nagpatigil na busisiin o bukasan ang “dollar account” ni Coronang Tinik bago tuluyang mabulilyaso ang itinatagong “dollar account” ng mga ito na ginagastusan ng milyon-milyong piso ang pagdinig araw-araw ng mga naghaharing-uri.
Tuwid o higit pa sa pasang krus ang dinaranas ng mga maralita – tuwid ang pagtaas ng presyo ng langis na siguradong bit-bit sa pagsirit sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo lalo na ang dagdag na singil sa pasahe at presyo ng LPG.
Malinaw at dapat sukatin natin si PNoy na katulad din siya ng iba pang namahala sa gobyerno ay mapang-api sa mahihirap at kailangang nang mawakasan ang paghahari nito. Hamunin natin si PNoy dahil wala siyang pakialam sa problema ng maralita at wala siyang magagawa sa pagtaas ng presyo ng langis at dagdag-sahod ng mga manggagawa. Puro na lamang impeachment ang inaatupag ng gobyernong ito at sa halip na pagtuunan ng pansin ang suliranin ng mga mahihirap.
Mga kasama at kapatid na mga manggagawa, tanging sa pakikibaka ng uri ang landas ng ating tagumpay at makakamit ang pagbabago. Mabuhay ang Maralita!
KPML * Piglas Kabataan (PK) * SM-ZOTO * PLM
April 03, 2012
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento