Huwebes, Hunyo 27, 2013

Pahayag ng KPML hinggil sa P18T bawat pamilya sa estero

PRESS STATEMENT
Ka Pedring Fadrigon
National President, Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod
Hunyo 27, 2013

Nangangamba kami sa banta ng pamahalaang ubusin na ang mga maralita sa estero. Malupit. Ngunit sinasabi ng pamahalaan na ito ay para sa kabutihan ng mga maralita upang mabigyan sila ng mas maayos na paninirahan. Mabait (o nagbabait-baitan).

Bibigyan daw nila ng P18,000 ang bawat pamilyang iskwater upang gamiting pambayad sa pangungupahan sa loob ng isang taon habang itinatayo ang umano'y pabahay ng mga ito. (Inquirer, 062413, Gov’t offers P18K per estero family.)P18,000 divided by 12 buwan equals P1,500 kada buwang pambayad. Saan ka makakakita ng ganito kamura kung paupahanndi sa erya din ng iskwater? At tiyak na mas masikip pa ito kaysa dati nilang tirahanm napakaliit. Very cheap. Napakamura ng buhay, este, pansamantalang pabahay, ng maralita. Nais din ng pamahalaan ang programang balik-probinsya, gayong ito’y pag-iwas sa problema. Kaya nga umalis ang maralita sa probinsya at nakipagsapalaran sa lungsod ay dahil sa kahirapan, at ito ang muli nilang daratnan sa kanilang probinsyang pinanggalingan.

Kailan lamang ay nagkaroon na ng sisihan at turuan na ng mga ahensya ng gobyernong nangangasiwa sa paglilipat ng mga ISF (informal sector families) o urban poor. Sabi ng DPWH, iskwater ang sanhi ng baha. Pero hindi nila masisi ang SM at iba pang mall na nagpalubog sa maraming erya. Sabi ng MMDA, pag trapik, mga vendors ang dahilan, hindi ang dami ng sasakyan at nagkukumpulang gusaling puntahan ng mga tao. Ni hindi nila sabihing climate change ang dahilan kung bakit nagbabaha.

Hindi naman totoong kami lamang ang sanhi ng mga pagbaha sa Metro Manila. Naririyan ang mga subdibisyon at mga malls na nasa waterways, lalong hindi rin matigas ang ulo namin. Alam naming kami ay nasa panganib kaya hindi maaari ang patigasan ng ulo. Ang totoo, kami po ay nagkaisa na gumawa ng people's proposal at isinumite namin sa gobyerno. Magtatatlong taon na subalit hanggang ngayon ay wala pang malinaw na makataong plano. Ayaw namin ng karahasan, ayaw namin ng demolisyon.

Mahigit dalawang taon nang pinag-uusapan ang problema na ito, buhay pa si Sec. Robledo. Wala nang problema sa badyet dahil P10B kada taon ang badyet na inilaan ng Pangulong Aquino para sa pabahay. Sadyang napakabagal ng proseso dahil sa dami ng ahensya nito.

Ngayong nasusukol na ang mga ahensyang ito, lagi't laging sinisisi ang iskwater. Dahil sa walang kongkretong plano, itong P18,000 ang pain nila, este tulong nila, sa bawat pamilya para agarang lumikas. Ang ganitong desisyon at palpak na solusyon ang tinututulan ng KPML. Ano ang katiyakan ng lahat ng ito kung sakaling matatagalan ang pag-aayos ng permanenteng paglalagyan sa kanila? Paano matitiyak na hindi lang pabahay, kundi ang trabaho't serbisyo sa paglilipatan sa kanila? Hindi maaaring magkahiwalay na usapin ang pabahay, trabaho at serbisyo dahil mahigpit na magkaugnay ang mga ito sa usapin ng maralita. Hindi pwedeng ang pabahay ay maglalayo sa trabaho ng maralita. Isa pang tanong, sasapat ba itong P18,000 hanggang sa matapos ang alternatibong paglilipatan?

Dagdag pa rito ang bantang tahasang pagwasak sa mga organisasyon ng maralita, dahil kanyahan na ang nais ng pamahalaan. Sa ganitong sistema, pinaghihiwalay na ang mga pamilyang dati ay iisa sa komunidad. Kaya ang aming posisyon dito ay hindi P18,000 bawat pamilya, kundi kausapin bawat organisasyong maralita at maglagay ng pansamantalang lugar na malapit sa konstruksyon ng medium rise (kung ito ang plano) na malapit sa kanilang trabaho o pinagkukunan ng ikinabubuhay.

Walang komento: