PRESS RELEASE
09 July 2013
Anthony Barnedo 0949-7518792
Gie Relova 0998-3454981
Mga militante sumugod sa MWSS
Hiniling ang Pagbabasura sa Concession Agreements at ang Full-Refund
Mahigit sandaang militanteng kasapi ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralita ng Lungsod (KPML) na nagmula sa iba’t-ibang maralitang komunidad sa Metro Manila ang sumugod sa tanggapan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa Lungsod Quezon kahapon. Iginiit ng grupo na kailangan nang utusan ng ahensya ang Manila Water at Maynilad na kagyat at ibalik ng buo sa mamamayan ang mga iligal na nitong nakolekta nang mga nagdaang taon.
“Hindi lang ito simpleng usapin ng hustisya kundi isa itong buhay at kamatayang usapin para sa aming mga maralita dahil nabubuhay kami sa matinding kahirapan at ang refund ay isang economic relief sa amin,” sabi Anthony Barnedo, ang Secretary-General ng KPML-NCRR.
Tinawag ng mga militante ang MWSS Regulatory Office na palpak dahil hindi nito nasubaybayan ang mga iligal na koleksyon ng dalawang korporasyon at hinayaang ang taumbayan, lalo na ang maralita na maging biktima ng sistematikong pagsasamantala, dagdag pa sa mga naunang mga atraso nito gaya ng palpak na serbisyo at mas mahal na tubig na siyang kabaliktaran ng pangako nito nung 1997. “Ang lahat naman ng kapalpakang ito ng MWSS Regulatory Office ay hindi solong kasalanan ng Administrador nito kundi isang natural na resulta ng isang pabigat at tadtad ng butas na concession agreement na pinirmahan sa ngalan ng taumbayan na sa huli ay isang araw-araw na parusa na pinasan din ng taumbayan,” paglilinaw ni Barnedo.
Samantala, para naman kay Gie Relova, Secretary-General ng militanteng Bukluran ng Manggagawang Pilipino-National Capital Region and Rizal (BMP-NCRR), “Ang pangako ng murang tubig at kalidad na serbisyong patubig ng pribatisasyon ng MWSS ay malinaw na nagdulot lamang ng karalitaan sa mga tao ay isang malinaw na kapalpakan ng mga patakaran ng gobyerno. Walang duda, kinakailangan na itong ibasura, huwag nang ipagpatuloy para naman mabigyan ng mga mas paborableng probisyon ang mga konsumer”. ###
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento