Linggo, Setyembre 15, 2013

Mensahe ng Pakikiisa ng KPML-nasyunal sa ika-20 anibersaryo ng BMP

Mula kay Ka Pedring Padrigon
Pambansang Tagapangulo, KPML-nasyunal
Setyembre 14, 2013

MENSAHE NG PAKIKIISA

Isang maalab na pagbati sa ika-20 anibersaryo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP)!

Kami sa pambansang pamunuan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML-nasyunal) ay lubusan at taos-pusong nakikiisa at mahigpit ninyong kaisa sa laban bilang kapareho naming sosyalistang organisasyon.

Magkaugnay ang buhay ng ninyong mga manggagawa at naming mga maralita, dahil ang mga manggagawa ay umuuwi sa mga komunidad ng maralita, at ang mga maralita naman ay nabubuhay sa pagbebenta ng lakas-paggawa. Napakaraming manggagawang kontraktwal sa ating mga komunidad. Dapat silang maorganisa hindi lamang ang mga manggagawang regular.

Kaisa kami sa tema ng inyong anibersaryo: "Muling pagtibayin ang Kritik sa Kapitalismo, ang Pamumuno ng Manggagawa sa laban ng bayan at ang Sosyalistang Alternatiba" sapagkat ito ay isang maalab at mapagpalayang misyon na dapat tanganan ng mga samahang nakikibaka para sa tunay na pagbabago. Ang tema ay isang paghamon sa atin upang tuluy-tuloy na magmulat ng manggagawa't maralita at malalim na maunawaan ang kaisipang sosyalista, na siya nating gabay sa ating mga pang-araw-araw na pagkilos.

Mula nang bumaklas tayo sa kilusang makabayan at maging magkasama tayo sa kilusang sosyalista, samutsaring karanasan at pakikibaka ang ating pinagsamahan. Mga karanasang nagbigay-aral at nagpatatag sa ating pagsasama sa loob ng dalawang dekada. Ang sosyalistang oryentasyon, prinsipyo, at adhikain ng ating organisasyong KPML at BMP ay magkabigkis na pangarap para sa kinabukasan ng ating mga anak at apo, at sa mga susunod pang henerasyon. Marami pa tayong dapat gawin. Marami pa tayong dapat pagsamahang mga laban.

Ayon nga sa isang awitin: "Hindi tayo titigil hangga't hindi nagwawagi. Ang ating mithiin ay magkapantay-pantay, walang pagsasamantala, walang mang-aapi." Hindi pa tapos ang laban! Ang dalawang dekada ng BMP ay karanasan, aral, at paghamon upang magpatuloy pa tayo sa pag-oorganisa at pagmumulat sa mga maralita at manggagawa tungo sa pagpapatibay nating muli sa kritik sa lipunang kapitalismo, pagkilala sa pamumuno ng uring manggagawa sa laban ng bayan, at ang pagsusulong at pagkakamit ng sosyalistang alternatiba.

Tuloy ang laban ng mga maralita! Organisahin ang mga manggagawang kontraktwal sa mga komunidad! Imulat ang mga maralita at manggagawa sa diwa, prinsipyo, at sosyalistang adhikain ng KPML at ng BMP!

Tuloy ang laban ng uring manggagawa! Mabuhay ang ika-20 anibersaryo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino! Isulong ang kaisipang sosyalismo!

Walang komento: