Huwebes, Setyembre 12, 2013

PR - Progresibong grupo: Ikulong silang lahat!








Joint Press Release
11 Setyembre 2013

Progresibong grupo: Ikulong silang lahat!

NAKIISA sa libong-libong galit na Pilipino ang mga progresibong organisasyong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Sanlakas at ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa tuloy-tuloy na nalalantad na sampung bilyong pisong pork barrel scam na kung saan sangkot si Janet Lim-Napoles at ilang mga Senador at Kongresista. 

Hiniling ng mga progresibo na ipakulong ang lahat ng mga nasasangkot batay sa testimonya ng mga lumutang na whistleblower at ang special audit report ng Commission on Audit. Idinamay na rin nila ang lahat ng mga patuloy na nagtatanggol sa bulok ng sistemang pork barrel. 

Naniniwala ang BMP na bulok hanggang sa kaibuturan ang buong kasalukuyang sistemang pampulitika sa bansa. Ang lahat ng mga senador at kongresistang nakipagkuntsabahan sa mga opisyal sa sangay ng Ehekutibo para mapasakanila ang pondo ng mamamayan ay nagkasala ng sistematikong pandarambong at pagsasakatuparan ng sistemang TRAPO na nagbunga ng patronage politics, pampulitikang dinastiya at naglalako ng impluwensiya sa mga polisiya para sa pansariling interes. 

“Ang pulitikang TRAPO ang siyang dahilan para nagpatuloy at lumala pa ang pandarambong sa kaban ng bayan habang ang malawak na anakpawis ay pinanatiling baon sa kahirapan at kapighatian. Sobra na ang TRAPO, sobra na ang sistema nila! Kailangan nang palaganapin ang mga protesta tungo sa makabuluhang pagbabago ng sistema, sabi ni Leody de Guzman, ang Pambansang Tagapangulo ng BMP. 

“Ang pagkakadawit ng ilang opisyal ng mga Kagawaran ng Agrikulura at Budget at Management at mga ahensyang nagpapatupad ng mga proyektong nagmula sa Priority Development Assistance Fund gaya ng National Agribusiness Corporation sa ilalim ng Ehekutibo ay nagpapakita lamang na nangaanak ang sistemang ito ng isang gobyernong nagkaka-anyo ng isang “ligal” at organisadong sindikato na ang modus operandi ay pagnakawan ang mamamayan ng kanilang karapatan sa isang desenteng buhay. Kailangan mabulok silang lahat sa bilangguan,” dagdag ni De Guzman. 

Justice delayed is justice denied

“Ngayon na nakapiit si Napoles at naghihintay ng kanyang paglilitis sa mga kasong sibil at kriminal, sana’y bumilis ang gulong ng hustisya at mapahirapan siya ng husto sa bawat sentimong ninakaw niya,” sabi naman ni Anthony Barnedo, Pangkalahatang Kalihim ng KPML sa National Capital Region at Rizal. 

Dinagdag din agad ni Barnedo na, “Bagamat nalulungkot kami na eksaktong dalawang linggo na ang nagdaan mula nang sumuko si Napoles kay Pangulong Aquino ay walang kahit isang naisasampang kaso ang Department of Justice at Philippine National Police laban sa kanya na may kaugnayan sa mahigit sampung bilyong pisong pork barrel scam”. 

Nangako ang mga organisasyon na ipagpapatuloy nila na itaas ang antas ng mga protesta na siyang magpapalakas sa loob ng taumbayan na sumanib sa nabubuong kilusang masa hangga’t hindi nawawakasan ang sistemang pork barrel sa bansa at hindi napaparusahan ang mga mandarambong.###

Walang komento: