World Exploiters Forum sa Makati, niralihan ng Sanlakas, FDC, PMCJ, SENTRO at KPML
Mahigit
isangdaang katao ang nagrali patungo sa pulong ng World Economic Forum -
East Asia (WEP-EA) sa Makati. Ang forum ay tinawag ng mga militante na
World Exploiters Forum, dahil sa adyenda nitong neliberal o patuloy na
pagnenegosyo at pagkamal ng tubo habang hindi naman nireresolba ang
kahirapan at pagbaba ng kalidad ng buhay ng karaniwang mamamayan. Ito'y
forum ng mga kapitalista upang patuloy pang pigain ang lakas-paggawa ng
mga manggagawa, habang niyuyurakan ang karapatan sa seguridad sa trabaho
at pagtataguyod ng salot na kontraktwalisasyon sa hanay ng paggawa.
Ang
rali ay pinangunahan ng grupong Sanlakas, Freedom from Debt Coalition
(FDC), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML),
Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), at APL-Sentro.
Pangunahing tagapagsalita sina Edwin Bustillos ng Sentro, Rasti Delizo
ng Sanlakas, at Khevin Yu ng PMCJ. Tatlo lamang ang tagapagsalita upang
bigyang puwang ang usapang 30-minuto lamang na programang napag-usapan
ng kapulisan at ng mga raliyista. Naroon din si Ka Anthony Barnedo na
secretary general ng KPML-National Capital Region chapter (NCRR).
Ipinagmamalaki
ng WEP-EA na ang Pilipinas ang siyang susunod na tigreng pang-ekonomya
ng Asya. Ngunit sa panayam kay Anthony Barnedo ng KPML, ang Pilipinas ay
hindi magiging tigre pagkat payat at sakiting kuting ito sa kasalukuyan
dahil hindi naman nararamdaman ng masa, lalo na ng mga mahihirap, ang
sinasabing pagtaas ng antas ng ekonomya, dahil hindi naman
natatransporma ang mga numero sa bigas at pagkain ng mga mahihirap.
Tama
si Barnedo. Ekonomya lamang ito ng mayayaman habang hindi tumatagos sa
sikmura ng mga mahihirap. Patunay diyan ang balaking pagsasapribado ng
mga ospital at pagtataas ng matrikula ng maraming paaralan, habang hindi
naman tumataas ang sahod ng manggagawa, at lalong tatamaan ang mga
pamilyang maralitang kaunti na lang ang kinikita.
Dagdag
pa rito ang mapangwasak sa kalikasang adyenda ng WEP-EA - ang dirty
energies - dahil sa planong pagtatayo pa ng 25 coal-fired power plants
at pagtataguyod sa industriya sa pagmimina.
Kaya
ang panawagang "Leveraging Growth for Equitable Progress" ng WEP-EA ay
plano lamang ng mga malalaking kapitalista't pulitiko, na habang
pinalalago ang negosyo ay lalong magpapababa sa kalidad ng buhay ng
maralita't manggagawa, dahil hindi sila isinasama sa plano ng pag-unlad.
Bago
magtapos ang programa ay sinunog ng mga militante ang effigee ng salot
na liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon, at kontraktwalisasyon na
pawang iskemang mapagsamantala ng mga kapitalista, elitista at mga
makapangyarihang pulitiko ng iba't ibang bansa sa mundo.
Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.