Sabado, Mayo 24, 2014

World Exploiters Forum sa Makati, niralihan ng Sanlakas, FDC, PMCJ, SENTRO at KPML

World Exploiters Forum sa Makati, niralihan ng Sanlakas, FDC, PMCJ, SENTRO at KPML

Mahigit isangdaang katao ang nagrali patungo sa pulong ng World Economic Forum - East Asia (WEP-EA) sa Makati. Ang forum ay tinawag ng mga militante na World Exploiters Forum, dahil sa adyenda nitong neliberal o patuloy na pagnenegosyo at pagkamal ng tubo habang hindi naman nireresolba ang kahirapan at pagbaba ng kalidad ng buhay ng karaniwang mamamayan. Ito'y forum ng mga kapitalista upang patuloy pang pigain ang lakas-paggawa ng mga manggagawa, habang niyuyurakan ang karapatan sa seguridad sa trabaho at pagtataguyod ng salot na kontraktwalisasyon sa hanay ng paggawa.

Ang rali ay pinangunahan ng grupong Sanlakas, Freedom from Debt Coalition (FDC), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), at APL-Sentro. Pangunahing tagapagsalita sina Edwin Bustillos ng Sentro, Rasti Delizo ng Sanlakas, at Khevin Yu ng PMCJ. Tatlo lamang ang tagapagsalita upang bigyang puwang ang usapang 30-minuto lamang na programang napag-usapan ng kapulisan at ng mga raliyista. Naroon din si Ka Anthony Barnedo na secretary general ng KPML-National Capital Region chapter (NCRR).

Ipinagmamalaki ng WEP-EA na ang Pilipinas ang siyang susunod na tigreng pang-ekonomya ng Asya. Ngunit sa panayam kay Anthony Barnedo ng KPML, ang Pilipinas ay hindi magiging tigre pagkat payat at sakiting kuting ito sa kasalukuyan dahil hindi naman nararamdaman ng masa, lalo na ng mga mahihirap, ang sinasabing pagtaas ng antas ng ekonomya, dahil hindi naman natatransporma ang mga numero sa bigas at pagkain ng mga mahihirap. 

Tama si Barnedo. Ekonomya lamang ito ng mayayaman habang hindi tumatagos sa sikmura ng mga mahihirap. Patunay diyan ang balaking pagsasapribado ng mga ospital at pagtataas ng matrikula ng maraming paaralan, habang hindi naman tumataas ang sahod ng manggagawa, at lalong tatamaan ang mga pamilyang maralitang kaunti na lang ang kinikita.

Dagdag pa rito ang mapangwasak sa kalikasang adyenda ng WEP-EA - ang dirty energies - dahil sa planong pagtatayo pa ng 25 coal-fired power plants at pagtataguyod sa industriya sa pagmimina. 

Kaya ang panawagang "Leveraging Growth for Equitable Progress" ng WEP-EA ay plano lamang ng mga malalaking kapitalista't pulitiko, na habang pinalalago ang negosyo ay lalong magpapababa sa kalidad ng buhay ng maralita't manggagawa, dahil hindi sila isinasama sa plano ng pag-unlad.

Bago magtapos ang programa ay sinunog ng mga militante ang effigee ng salot na liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon, at kontraktwalisasyon na pawang iskemang mapagsamantala ng mga kapitalista, elitista at mga makapangyarihang pulitiko ng iba't ibang bansa sa mundo.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Walang komento: