KPML-NCRR, SUMAMA SA PAGKILOS LABAN SA KUMPANYANG GLENCORE
"Gllencore: World-Class Human Rights Abuser!" Ito ang sigaw ng mga manggagawa, maralita at CSOs sa naganap na rali sa harap ng tanggapan ng Glencore sa Ortigas. Ito'y bilang paggunita sa naganap na masaker ng 34 na minero noong Agosto 16, 2012 sa Lonmin Mining Property sa Marikana, South Africa. Hinihiling ng mga minero na itaas ang kanilang sahod ngunit ang natanggap nila'y punglo, kamatayan.
Ang Lonmin Mining Property ng South Africa ay pag-aari ng kumpanyang Glencore, na siya rin umanong may-ari ng Sagittarius Mines sa Tampakan, South Cotabato dito sa bansa. May masaker ding nangyari sa Tampakan dahil sa mariing pagtutol ng mga katutubo sa pagmiminsa sa kanilang lugar. Ang nangyaring iyon sa Marikana ay naging isang dokumentaryong pinamagatang "Miners Shot Down" na ipinalabas na sa maraming bansa, at ipinalabas din dito sa Pilipinas noong Agosto 13, 2014. Iniugnay rin ang nangyaring iyon sa naganap na masaker sa Tampakan sa South Cotabato noong Oktubre 2012, kung saan pinaslang ang pamilyang Kapeon na tutol sa pagmimina sa kanilang lugar.
Pinangunahan ang nasabing pagkilos ng mga grupong Alyansa Tigil Mina (ATM), Philippine Miserior Partnership Inc (PMPI), SENTRO, Task Force Detainees of the Philippines (TFDP), Lilak, Focus on the Global South, Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), at Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).
Ang tagapagpadaloy ng programa ay si Primo Murillo ng PMPI, at ang mga naging tagapagsalita ay sina Jaybee Garganera ng ATM, Fr. Oli Castro ng PMPI, Jun Santos ng SENTRO, Anthony Barnedo ng KPML, at Egay Cabalitan ng TFDP. Nang matapos ang programa, dinala ng mga tagapagsalita ang kanilang award sa ika-22 palapag, kung saan nag-oopisina ang Glencore dito sa Pilipinas.
Ang Agosto 16 ng bawat taon ay idineklarang Global Day of Remembrance (Pandaigdigang Araw ng Paggunita) sa mga pinaslang na manggagawa sa Marikana. Maglulunsad din ng film showing at pagkilos sa Tampakan, South Cotabato sa araw na ito, na pangungunahan ng Social Action Center (SAC) ng Diocese of Marbel.
Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento