Biyernes, Agosto 1, 2014

Ang salitang "maralitang lungsod" sa KPML

ANG SALITANG "MARALITANG LUNGSOD" SA KPML
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mali daw ang salitang "maralitang lungsod", sabi ng isang kakilala. Syntax error daw ito. Pinupuna niya ang pangalan ng KPML, o Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, o sa Ingles ay Congress of Unity of the Urban Poor, na kadalasang nababasa nila sa mga polyeto, pahayag, press statements, at press releases. Ito ang orihinal na pangalan ng KPML na makikita sa mga lumang dokumento nito. Ngunit minsan ay pinaghihiwalay pa namin ang salitang "maralitang lungsod" upang maging Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralita ng Lungsod, dahil hindi pa ito maipaliwanag noon ng maayos. Kailangang magsaliksik, kailangang maghanap ng angkop na paliwanag. Mali nga ba ang nagpasimula ng KPML sa kanilang inaprubahang pangalan nang itatag ito noong 1986?

Ayon sa aking kakilala, pag sinabing "maralitang lungsod", ito'y hindi tumutukoy sa tao, kundi sa uri ng lungsod. Sa ibang salita, ang "maralitang lungsod" ay katumbas ng salitang "mahirap na lungsod". Sa kanya, ang salitang "lungsod" ang pangngalan (noun) at ang salitang "maralita" ay pang-uri (adjective) na naglalarawan lamang sa lungsod. Kaya ang tama raw na salita ay "maralitang tagalungsod". Tagalungsod na walang gitling (-), na siyang tamang gamit, at hindi taga-lungsod. [Ginagamitan lang ng gitling ang "taga" pagkasunod ng pangngalang pantangi (proper noun), tulad ng pangalan ng lugar, halimbawa, taga-Maynila, taga-Antipolo, at hindi sa mga pangngalang pambalana (common noun), tulad ng tagalaba, tagaluto, tagapunas, tagabundok, taganayon, tagalungsod.] Ibig pa niyang sabihin, ang tamang salin sa wikang Filipino ng salitang "urban poor" ay "maralitang tagalungsod".

Ito marahil ang dahilan kung bakit maraming hindi taga-KPML ang isinusulat ito na Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Tagalungsod. KPMT ito, at hindi KPML. Ang iba naman, para lumapat lang sa KPML ay isinusulat itong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang taga-Lungsod. Parehong mali. Hindi na sila nag-abala pang magtanong pa o magsaliksik. Mahilig sila sa akala.

Gayunman, kung sasang-ayunan natin ang aking kakilala na mali ang salitang "maralitang lungsod", mali na rin ang mga salitang "manggagawang bukid", "dalagang bukid", "taong bundok", "taong gubat" at "batang lansangan". Gayon din ang mga salitang "paruparong bukid", "pusang bundok" at "asong kalye". 

Mali nga ba ang "maralitang lungsod"? Suriin natin.

Ang salitang "maralitang lungsod" ay binubuo ng dalawang salita. Ang una ay tungkol sa tao, at ang ikalawa ay tungkol sa lugar. Ang una'y pangngalan, at ang ikalawa’y pang-uri, na salungat sa pagtingin ng aking kakilala. Tulad din ng mga salitang "manggagawang bukid", "dalagang bukid", "taong bundok", "taong gubat", "batang lansangan", "paruparong bukid", "pusang bundok" at "asong kalye", ang una'y pangngalan, at ang ikalawa’y pang-uri. 

Ang maralita ay tao, na singkahulugan din ng salitang "mahirap". Ang mahirap ay maaaring tao o kalagayan. Mahirap ako, at mahirap ang buhay ko. Gayundin ang maralita. Nagdaralita ang maralita. Depende sa pagkakagamit.

Kung ang tama ay "maralitang tagalungsod", dapat ang "manggagawang bukid" ay "manggagawang tagabukid", ang "dalagang bukid" ay "dalagang tagabukid", ang "taong bundok" ay "taong tagabundok", ang "taong gubat" ay "taong tagagubat", ang "batang lansangan" ay "batang tagalansangan". Gayon din ang mga salitang "paruparong bukid" na dapat ay "paruparong tagabukid", "pusang bundok" na dapat ay "pusang tagabundok", at "asong kalye" na dapat ay "asong tagakalye". 

At kung mangyayari ito, mababago na ang sadyang kahulugan ng mga nasabing salita. Ang manggagawang bukid ay mga trabahador sa bukid, na maaring hindi naman tagaroon, habang ang manggagawang tagabukid ay manggagawang doon na sa bukid nakatira. Ang dalagang bukid ay karaniwang tumutukoy sa magandang dalagang mahinhin at hindi makabasag pinggan, lalo na't sa lalawigan lumaki, na siya ring tinutukoy ng batikang manunulat na si Jun Cruz Reyes sa kanyang aklat-nobelang "Ang Huling Dalagang Bukid". Ang dalagang tagabukid ay tumutukoy lamang sa dalagang tagaroon sa bukid at hindi dahil sa kanyang kagandahan at kahinhinan. Iba naman ang isdang pinangalanang dalagangbukid na magkadikit ang dalawang salita.

Ang taong bundok ay tumutukoy sa mga maiilap na katutubong marahil ay nakabahag pa at may hawak na pana at sibat, at hindi simpleng tumutukoy lamang sa taong nakatira sa bundok. Ang mga rebelde ay nakatira sa bundok ngunit hindi naman sila tinatawag na taong bundok. Si Tarzan o ang katutubong si Og at si Barok ay taong gubat, at si Ka Berting ay taong tagagubat dahil doon na siya nakatira sa maliit niyang tahanan sa gubat. Bukod pa roon, hindi mo na gagamitin ang mga salitang "taong tagabundok" o "taong tagagubat", kundi simpleng "tagabundok" o "tagagubat", dahil tumutukoy na ito sa tao.

Ang batang lansangan ay tumutukoy sa mga batang gala, na kadalasan ay perwisyo sa komunidad, na maaaring nakatira sa isang barungbarong, at umuuwi lamang sa gabi, habang pag sinabing batang tagalansangan, ito'y tumutukoy sa batang nakatira sa lansangan. Dagdag pa, mali ang salitang "tagalansangan" dahil hindi naman tirahan ang lansangan.

May popular na katutubong awiting "Paruparong Bukid", na mahihirapan nang palitan ng "Paruparong Tagabukid" dahil klasiko na ang awiting ito. Bukod pa roon, bagamat nakikita ang paruparo sa bukid, hindi naman natin sinasabing ito'y tagabukid, dahil kadalasang tumutukoy lamang ang salitang "tagabukid" sa tao. 

Ang "pusang bundok" ay tumutukoy sa mga maiilap na uri ng pusa na kadalasang matatagpuan lamang sa bundok, tulad ng musang at alamid, na kaiba sa mga pusang nakikita sa karaniwang bahay, habang ang pusang tagabundok naman ay maaaring tumutukoy sa mga karaniwang pusa sa bahay na nakatira sa isang bahay sa bundok. 

Ang "asong kalye" ay tumutukoy sa asong gala at walang nag-aalaga, kaya palaboy-laboy sa kalsada, at ang asong tagakalye naman ay tumutukoy sa asong nakatira sa kalye. Gayunpaman, mali ang salitang "tagakalye", dahil hindi naman tirahan ang kalye. Sa lungsod ay nakapagtatayo ng bahay, ganoon din sa bukid, bundok, at gubat. Ngunit hindi naglalagay ng bahay sa lansangan o kalye kaya hindi ginagamit ang mga salitang tagalansangan at tagakalye, kahit sa mga dukhang nakatira pa sa kariton.

Ang "maralitang lungsod" ay tumutukoy sa mga maralitang hindi naman talaga tagalunsod, kundi mula sa pinanggalingang probinsya na kaya nagpunta ng lungsod ay dahil sa kahirapan ng buhay nila sa probinsya. Sa lungsod na nakipagsapalaran upang matamo ang kanilang pangarap na ginhawa. Nagkataon lamang na naroon na sila napatira sa lungsod, kaya tinawag na tagalungsod, na sa mas popular ay maralitang lungsod.

Ang mga salitang "maralitang lungsod", "manggagawang bukid", "dalagang bukid", "taong bundok", "taong gubat", "batang lansangan", "paruparong bukid", "pusang bundok", "asong kalye" at kapareho nito ay palasak na sa ating kamalayan bilang Pilipino, at nakaukit na sa ating kultura, pati na sa ating mga aklat at nakasulat na panitikan. Kaya nga palasak itong ginagamit ng mga Pilipino sa pang-araw-araw na buhay.

Umuunlad din ang mga salita, ngunit ang mahalaga’y nauunawaan natin kung paano ito ginagamit ng mga panahong iyon, na angkop pa rin at nagagamit pa natin sa ngayon. Tulad ng mga salita sa panahon nina Balagtas, ng Katipunan, panahon ng pananakop ng mga Kastila, Amerikano at Hapon, panahon ng batas-militar, hanggang sa kasalukuyan.

Mali nga ba ang salitang "maralitang lungsod"? Hindi. Tulad din ng hindi mali ang mga salitang "manggagawang bukid", "dalagang bukid", "taong bundok", "taong gubat", "batang lansangan", "paruparong bukid", "pusang bundok" at "asong kalye". Hindi rin naman mali ang salitang "maralitang tagalungsod" dahil may mga maralita naman talagang nakatira na sa lungsod. Kaya depende sa gamit. Parehong tama at magagamit ang "maralitang lungsod" at "maralitang tagalungsod". May sariling syntax na kaiba sa Ingles ang wikang Filipino, at tila nagagamit ng aking kakilala ay ang gramatikong Ingles, at hindi ang balarilang Filipino sa pagsasabi niyang syntax error ang "maralitang lungsod". Kung alam lang sana niya ang balarilang Filipino ay mauunawaan niya kung bakit may salitang "maralitang lungsod".

Kaya hindi mali ang mga tagapagtatag ng KPML noong Disyembre 18, 1986, nang aprubahan nila ang pangalang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod. At dahil walang mali sa salitang "maralitang lungsod", hindi rin mali kung patuloy nating ginagamit ang orihinal na pangalan ng KPML, kung saan tayo nakilala. Kung sakali man, ang ilulunsad na Kongreso ng KPML pa rin ang magbabago nito, bagamat nakilala na ang KPML sa orihinal nitong pangalan, at siyang ginagamit pa rin natin sa mga polyeto, at iba pang babasahin.

Walang komento: