Huwebes, Oktubre 17, 2019

Pahayag ng KPML sa International Day for the Eradication of Poverty

PAHAYAG  NG KPML SA INTERNATIONAL DAY FOR THE ERADICATION OF POVERTY
Oktubre 17, 2019

Dapat nga bang ipagdiwang ang International Day for the Eradication of Poverty, gayong marami pa rin ang naghihirap sa mundo? O ginugunita natin ito bilang paalala na dapat tayong may gawin upang mapawi ang kahirapan?

Ang Internasyonal Day for the Eradication of Poverty ay ginugunita bawat taon tuwing Oktubre 17 sa buong mundo. Ayon sa pananaliksik, ang araw na ito;y nagsimula noong Oktubre 17, 1987. Sa araw na iyon, higit sa isang daang libong mga tao ang nagtipon sa Trocadéro sa Paris, kung saan ang Universal Declaration of Human Rights ay nilagdaan noong 1948, upang parangalan ang mga biktima ng matinding kahirapan, karahasan at kagutuman. Ipinahayag nila na ang kahirapan ay paglabag sa mga karapatang pantao at kinumpirma ang pangangailangang matiyak na iginagalang ang mga karapatang ito. Sa pamamagitan ng resolusyon 47/196 na pinagtibay noong ika-22 ng Disyembre 1992, idineklara ng United Nations General Assembly noong 17 Oktubre bilang International Day for the Eradication of Poverty o Pandaigdigang Araw upang Mapawi ang Kahirapan.

Sa maraming maralita, tulad ng mga kasapi ng KPML, na karamihan ay mga isang kahig, isang tuka, ay nagsisikap baguhin ang kanilang kalagayan, hindi paisa-isa, hindi pami-pamilya, kundi sama-samang kumikilos upang baguhin ang lipunan. Pagtingin ng KPML, ang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon ang dahilan ng ating lalo’t lalong kahirapan. At upang mapawi ang kahirapan, tulad ng nabanggit na layunin ng pandaigdigang araw, dapat pawiin ang dahilan ng karukhaan. Pawiin ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon upang ito’y maging pag-aari ng buong lipunan. Ito’y magdudulot ng pagkakapantay sa lipunan, at maibabahagi ng maayos para sa lahat ang mga likasyaman at anumang yaman ng lipunan. 

Ang pangarap na ito para sa isang sosyalistang adhikain at pagtatayo ng lipunang sosyalismo ang titiyak na maisasakatuparan ang pagpawi sa kahirapan na dapat layunin ng International Day for the Eradication of Poverty, at hindi para ipagdiwang na may ginagawa lamang na parang nagtatapal ng band aid sa nakabukang malaking sugat ng kahirapan.

Miyerkules, Oktubre 16, 2019

Pahayag ng KPML hinggil sa Proyektong Kaliwa Dam

PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA PROYEKTONG KALIWA DAM
Oktubre 16, 2019

Kasama kami mula sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa isinagawang rali ng Stop Kaliwa Dam Network (SKDN) bilang kasapi nito sa harapan ng tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong umaga ng Oktubre 16, 2019. At nagulat kami sa naging resulta ng usapan ng mga lider ng SKDN at ng mga opisyal ng DENR, bagamat di nila nakausap si Secretary Cimatu ng DENR.

Inamin mismo ng mga lider ng DENR na napirmahan na ang environmental compliance certificate (ECC) upang matuloy na ang pagtatayo ng P18.7 Bilyong proyektong Kaliwa Dam na popondohan diumano ng bansang Tsina. Subalit tutol sa nasabing proyekto ang mga katutubong Agta - Remontado at mga lokal na pamahalaan dahil sa pangamba nilang lulubog ang maraming barangay at komunidad kapag natuloy ang proyekto. Tiyak na taumbayan ang magbabayad ng gastos nito. 

Kapos daw sa suplay ng tubig ang Metro Manila, kaya dapat daw itayo ang Kaliwa Dam. Kapos ang suplay ng tubig para sa mga golf course, sa mga condo ng mayayaman, sa mga hotel, at iba pa. Pag natuloy ang Kaliwa Dam, may nakaamba pang itatayo, ang Kanan Dam, subalit matagal pa ito. Nagsasagawa na ng rotational water interruption upang makumbinsi ang mga tao ng pangangailangang itayo ang Kaliwa Dam.

Dama naman ang laban ng mga katutubo ng Sierra Madre, tulad din ng kapwa namin maralitang tinatanggalan ng bahay na masisilungan. Dama namin ang kawalang katarungan sa kanila, lalo na't wala silang ipinahihintulot na FPIC (free, prior and informed consent) na dapat malinaw, nauunawan at malayang sumasang-ayon dapat ang mga katutubo sa gagawing proyekto. Binabantaan pa ng pangulo ang mga katutubo na gagamitin ang emergency power ng pangulo upang matuloy lang ang proyekto.

Tulad ng mga kapatid nating katutubo sa Sierra Madre, tutol din kaming mga maralita sa pagtatayo ng Kaliwa Dam. Igalang ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno! Huwag ituloy ang Kaliwa Dam! Tutulan ang Proyektong Kaliwa Dam! Protektahan ang kalikasan at ang Sierra Madre! Karapatang pantao, ipaglaban!













Pahayag ng KPML sa World Food Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD FOOD DAY (Pandaigdigang Araw ng Pagkain)
Oktubre  16, 2019

Pandaigdigang Araw ng Pagkain. Bakit may ganitong pagdiriwang at ano ang layunin nito? Para ba ito makatulong sa mga maralitang isang kahig, isang tuka? Para ba ito sa mga bata at mamamayang Aprika-nong nagugutom, namamayat, dahil walang makain?

Ayon sa pananaliksik, ang Pandaigdigang Araw ng Pagkain ay isang pang-internasyonal na araw na ipinagdiriwang kada taon sa buong mundo tuwing Oktubre 16, bilang pagpupugay at pag-alala sa petsa ng pagkaka-tatag ng Food and Agriculture Organization ng United Nations noong 1945. Ang World Food Day (WFD) ay itinatag ng mga kasaping bansa ng FAO sa Ika-20ng Pangkalahatang Kumpe-rensya ng Samahan noong Nobyembre 1979.

Kaya hindi pa talaga ito para sa pagkain ng dukha,  kundi  para lang mas alalahanin pa ang pagkatatag ng FAO. Subalit mas dapat pahala-gahan ng mas maraming tao ang araw na ito na ang mismong karapatan ng mamamayan sa pagkain ay natatamasa.  

Sa ating bansa, dahil sa Rice Tarrification Law, hindi na natutulungan ang mga magsasaka ng bansa, dahil maaari na tayong makabili ng mas murang bigas mula sa ibang bansa. 

Ang mga vendor sa kalsada na nagtitinda ng gulay, isda at iba pang pagkain ay itinataboy ng pamahalaan upang bigyan ng pagkakataon ang mga negosyo sa mga mall. Mga maling pata-karang nagdudulot ng kagutu-man sa ating mga kababayang marangal na naghahanapbuhay.

Nawa’y totoong para sa mga nagugutom at nawawalan ng marangal na trabahong nagha-napbuhay ang Pandaigdigang Araw na ito, at hindi para sa mga tuso’t ganid na negosyanteng tuwang-tuwa’t ngingisi-ngisi lang habang nililipol ng pamahalaan ang mga maralita.

Martes, Oktubre 8, 2019

Pahayag ng KPML sa Pagpanaw ni Ka Pedring Fadrigon

PAHAYAG NG KPML SA PAGPANAW NI KA PEDRING FADRIGON
Oktubre 8, 2019
http://kpml-org.blogspot.com/, email: kpml.nec2018@gmail.com/

Sinulat ni Greg Bituin Jr.
Sekretaryo Heneral, KPML

Lubos na nagdadalamhati ang buong pamunuan at kasapian ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagpanaw ng aming pangulong si Ka Pedring Fadrigon (Mayo 18, 1945 - Oktubre 6, 2019).

Hindi lang siya aming pangulo sa KPML, kundi aming tatay, mabuting kasama, matatag na aktibista, kasanggang sosyalista, at matalik na kaibigan. Si Kaka ay iginagalang bilang isang magaling na lider-maralita. Saksi si Ka Pedring nang itinatag ang KPML mahigit tatlong dekada na ang nakararaan. Kasama rin siya nang itinatag noong 1984 ang SAMANA-FA o Samahan ng Maralitang Nagtitinda sa Fabella sa Brgy. Addition Hills sa Mandaluyong, kung saan talipapa lang ito noong una, at dahil sa kahusayan niyang mamuno bilang pangulo nito, ay naging ganap itong palengkeng may tatlong palapag. At hanggang ngayon ay aktibong kasapi ng KPML ang SAMANA-FA.

Si Ka Pedring ay isang batikang guro ng mga maralita. Isang mahusay na edukador na nagtatalakay ng Oryentasyon ng KPML, Karapatan ng Maralita, Karapatan sa Pabahay, at mga pagsusuri sa lipunan, lalo na sa kalagayan ng maralita.

Si Ka Pedring ay isa nang moog sa pakikibaka at usaping maralita. Bukod sa pagiging pangulo ng SAMANA-FA, at pangulo ng KPML mula noong 2004, siya rin ay kasapi ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) bilang kinatawan ng sektor ng maralita. Bahagi rin siya ng National Urban Poor Sectoral Council (NUPSC). Itinatag din niya ang Welfareville People's Assembly (WPA) upang itaguyod ang katiyakan sa paninirahan ng mga taga-Welfareville sa Mandaluyong. At isa siya sa nagtatag ng Koalisyon ng mga Samahan at Mamamayan sa Welfareville Property, Inc. (KSMWP) sa Mandaluyong, at isa rin sa nagtatag ng KASAMA Federation doon din sa Mandaluyong.

Nilibot din niya ang mga rehiyon at tsapter ng KPML sa iba't ibang panig ng bansa, tulad ng National Capital Region - Rizal (NCRR), Negros, Cebu, Bulacan, Cavite, Mindanao, at iba pa, upang kausapin ang iba’t ibang grupong maralita at itaguyod ang kapakanan ng maralita at pagbabago ng lipunan. Naroon din siya sa laban ng Malipay sa usapin ng karapatan sa paninirahan.

Si Ka Pedring ay para sa pampublikong pabahay. Itinataguyod niya ang isang sistema ng pabahay na hindi inaari ninuman, subalit pinangangasiwaan ng pamahalaan, na kung hindi man libre ay abot kaya at batay sa kakayahan ng maralita, at hindi nakabatay sa market value.

Si Ka Pedring ay magaling na manunulat. Bukod sa pagsusulat ng memo, siya'y kolumnista rin sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng KPML. Mapanuri niyang tinalakay sa kanyang kolum ang samutsaring isyung panlipunan. At kung titipunin ang marami niyang sulatin ay maaaring maging ganap na aklat.

Si Ka Pedring ay naging kagawad ng barangay ng Addition Hills sa Mandaluyong noong kalagitnaan ng 2000s. Dito'y mahusay niyang ipinakita ang kanyang liderato sa pamamagitan ng pagpasa ng mga resolusyong makatutulong sa maralita, at sa mga isyung pambayang nakakaapekto sa higit na nakararami.

Si Ka Pedring ang unang pangulo ng Metro Manila Vendors Alliance (MMVA) mula nang itatag ito noong Agosto 30, 2002 bilang tugon sa pananalasa ni Bayani Fernando at ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na estilo'y sapilitang kumpiskahin at sunugin ang paninda ng mga vendor sa Metro Manila.

Si Ka Pedring ay makamanggagawa at kumilos para sa interes ng uring manggagawa. Siya'y ilang beses nang naging kasapi ng Sentral na Konseho ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Ipinaglaban din niya ang usaping manggagawa laban sa salot na kontraktwalisasyon. Itinaguyod din niya ang living wage o nakabubuhay na sahod, na nakasaad sa Saligang Batas ng bansa, at ang anim-na-oras na paggawa kada araw na siyang tindig din ng BMP.

Si Ka Pedring ay makakalikasan. Isa siyang magiting na boses para sa hustisyang pangklima upang matiyak na magkaroon ng agarang paglikas, adaptasyon at mitigasyon, ang mga maaapektuhan ng kalamidad. Itinaguyod din niya ang mga isyung tangan ng kinasasapian ng KPML na mga grupong Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), EcoWaste Coalition, No Burn Pilipinas, at Power for People (P4P) COalition.

Si Ka Pedring ay para sa karapatang pantao. Isa siyang tinig upang ang karapatan ng maralita para sa panlipunang hustisya ay marinig. Naniniwala siyang dapat may tamang proseso at makatarungang paglilitis kung may kasalanan at hindi dapat basta pinapaslang ang isang tao. Laban siya sa "War on Drugs" na sa pagtingin ay "War on the Poor".

Si Ka Pedring ay isang ganap na sosyalista. Naniniwala siyang ang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng pabrika, makina, at lupain, ay hindi dapat inaari ng iilang indibidwal, bagkus ay dapat ariin ng buong lipunan at pangasiwaan ng isang lipunang sosyalista. Nais niyang magtagumpay ang kilusang manggagawa at sambayanan upang palitan ang bulok na sistemang kapitalismo, at maitayo ang lipunang sosyalismo.

Isa ring malakas na pwersa si Ka Pedring sa kampanyahan noon ng Sanlakas partylist (mula pa noong 1998, 2001, 2004, 2007, 2013, 2016), ang PLM partylist (2019) at ang kandidatura sa pagkasenador ni Ka Leody De Guzman (2019).

Ang kamatayan ni Ka Pedring ay simbigat ng isang bundok, habang ang kamatayan ng sinumang kilalang mayamang sakim sa tubo ay singgaan lang ng balahibo. Nawala man ang katawan ni Ka Pedring, ngunit ang kanyang diwa at mga aral na pamana ay hindi mawawala sa puso't isipan ng kanyang mga nakasalamuha at nakasama sa pakikibaka. Tulad ng kanyang laging sinasabi, “Tuloy ang laban!”

Sa pamilya ni Ka Pedring, taospusong pakikiramay at pagdadalamhati. Bagamat siya'y kumilos ng buong buhay niya para sa maralita, ay hindi niya kayo pinabayaan.

Maraming, maraming salamat, Ka Pedring, sa buhay at panahong inialay mo para sa uri at sa bayan. Sinasaluduhan namin ang iyong kasigasigan sa isyu, usapin at kilusang maralita, at pagtataguyod ng kapakanan at kagalingan ng maralita.

Taas-kamaong pagpupugay sa iyo, Ka Pedring Fadrigon!

Lunes, Oktubre 7, 2019

Pahayag ng SUPER Federation sa pagpanaw ni Ka Pedring Fadrigon

Nagpupugay at nagpapasalamat ang SUPER Federation kay Ka Pedring Fadrigon, ang pambansang pangulo ng Kongreso ng Maralitang Lungsod (KPML). Iginugol niya ang kanyang mahabang buhay para ipaglaban ang dignidad ng mga maralitang taga-lungsod--mga kapatid natin sa uring manggagawa na napagkakaitan ng disenteng trabaho at maayos na pabahay, mga kauri nating winawalanghiya ng mga mayayaman bilang marurumi o kriminal, tinataboy sa komunidad at lansangan, at hindi binibigyan ng pagkakataong maiahon ang kani-kanilang pamilya mula sa lusak.

Dignidad ng pagiging mahirap ang ipinagpunyagi ni Ka Pedring, na ang pagiging mahirap ay hindi dulot ng kapalaran, parusa mula sa Maykapal, ng katamaran, o ng kawalan ng edukasyon, kundi dulot ito ng isang sistemang nagnanaknak ng inekwalidad, kung saan iilan lamang ang pribadong nagmamay-ari ng lupa at kapital samantalang ang nakararami ay inaalipin sa mabigat na pagtatrabaho kapalit lamang ng kapiranggot na sahod.

Ang sistemang ito ng inekwalidad--kapitalismo--ang gustong baguhin ni Ka Pedring. Ang kanyang isinusulong ay sistema ng pagkapantay-pantay, kung saan makalalaya ang milyon-milyon mula sa hirap, kung saan garantisado ang karapatan ng lahat, at ang tao ay nabubuhay nang may dignidad. Ang sistemang ito ay sosyalismo.

Hindi man kinaya ng katawan ni Ka Pedring na ipagpatuloy pa ang labang ito, nag-iwan naman siya ng inspirasyon sa lahat ng maralita at manggagawa na mangahas itayo ang kanyang sariling gobyerno, ang kanyang sariling sistema.

Paalam, Ka Pedring. Kagaya mo, sama-sama kaming makikibaka para sa pangarap mo--isang lipunang makatao.#

Nakaburol ang kanyang labi sa Rm. Basement 105, Santuario Divino, Molino Blvd., Bacoor, Cavite.
Apat na araw lang ang burol, ayon sa pamilya.
Luksang Parangal - Miyerkules ng gabi
Libing - Huwebes

Pahayag ng PMCJ sa pagpanaw ni Ka Pedring Fadrigon


Ang Philippine Movement for Climate Justice ay taos pusong nakikiramay sa mga naulila ni Ka Pedring. Sa kanyang pamilya, sa kanyang mga kasama sa KPML, sa mga maralitang komunidad na kanyang pinagsilbihan at pinag-alayan ng kanyang panahon, lakas, at buhay, at sa buong kilusan ng Hustisyang Pangklima. Sapagkat siya ay nagsilbing isang masigasig na tagapagsulong ng laban, hindi lamang ng isyu sa usapin ng kalikasan at klima, kung hindi kanya pa itong itinaas sa mas konkreto at matalas na pagdadala ng laban -- ang laban upang baguhin ang kasalukuyang umiiral na sistemg panlipunan. Naniniwala siya na sa ganitong paraan lamang ng pagbabago magkakaroon ng tunay at makabuluhang katuparan ang laban para sa hustisyang pangklima.

Ka Pedring, maraming salamat at asahan ninyo na ipagpapatuloy at tatanganan namin ang iyong laban!!

Pagpupugay ka Ka Pedring Fadrigon

Miyerkules, Oktubre 2, 2019

Reoryentasyon ng KPML

REORYENTASYON NG KPML

A. ANO ANG KPML?

Ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay isang kumpederasyon ng iba’t ibang samahan ng mamamayan sa komunidad na naglalayong buklurin ang mga maralitang lungsod sa isang pananaw, paninindigan at layunin upang maging epektibong pampulitikang pwersa sa pagbabago ng kalagayan ng maralita sa lipunan.

Ang KPML ay isang kumpederasyong may pambansang katangian, kung saan ang mga samahang maralita mula sa iba’t ibang rehiyon, lalawigan, lungsod at bayan, ay maaring maging kasapi. Ito ay nagpapairal ng demokratikong sistema sa loob ng organisasyon kung saan ang mga opisyales ay halal at ang Saligang Batas, Alituntunin (By-Laws), mga resolusyon, mga programa at patakaran ay pinagtibay ng buong kasapian.

Mula sa pambansang punong rehiyon kung saan unang itinayo ng maralita ang KPML, sa kasalukuyan ay may mga balangay at kasaping mga pederasyon at mga lokal na samahan sa Panay-Guimaras, Bacolod, Cebu, Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna, Davao, sa kahabaan ng riles, at masigla ang mga ugnayan sa mga samahang maralita sa iba’t ibang probinsya sa Luzon, Mindanao, at Visayas.

B. BILANG PAMPULITIKANG KUMPEDERASYON

Noong panahon ng diktadurang Marcos, ang pakikibaka ng mga maralita ay kalat-kalat at kanya-kanya. Walang sentralisadong pagkilos kung kaya’t mula sa ganitong kalagayan, itinayo ang KPML bilang isang sentrong organisasyong pampulitika ng maralita, upang pagkaisahin at organisahin ang pakikibaka ng maralita sa isang sentralisadong pagkilos, di lamang sa usapin ng pabahay, kabuhayan, serbisyo at mga karapatan, bagkus hanggang sa pakikibaka laban sa kahirapan. 

Tumungo ang pakikibakang ito sa pagkakaroon ng pampulitikang kapangyarihan sa hangaring makamit ang isang ganap na pagbabago tungo sa lipunang may pagkakapantay-pantay.

C. KASAYSAYAN NG KPML

Halos kasabay na itinayo ng KPML ang mga samahang Balay Rehabilitation Center (Setyembre 27, 1985) at Families of Victims of Involuntary Disapperance (FIND) noong malagim na panahon ng batas-militar. At nang sumapit ang pag-aalsa ng mamamayan laban sa rehimeng Marcos noong Pebrero 22-25, 1986, nakiisa rito ang mga kasapian ng KPML, kasama ang maraming manggagawa't maralita.

Dalawang buwan matapos ang unang Pag-aalsang Edsa, nakipag-diyalogo noong Abril 10, 1986 ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, sa pangunguna ng pangulo nitong si Ka Eddie Guazon, kay Pangulong Corazon C. Aquino at humiling ng moratoruym sa demolisyon, at upang magtatag ng isang Presidential Arm on Urban Poor Affairs (PAUPA), na isang ahensya ng pamahalaang tututok sa mga isyu ng maralitang lungsod. 

Noong Mayo 30 hanggang Hunyo 2, 1986, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan, sa pamamagitan ng EO82, ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) bilang ahenya ng pamahalaan na gagabay sa pagpapatupad ng mga patakaran at implementasyon ng mga programa para sa maralitang lungsod.

Nilagdaan ni Pangulong Aquino noong Disyembre 8, 1986 ang Executive Order Blg. 82 na lumikha sa PCUP bilang ahensyang may mandatong magsilbi bilang direktang ugnayan ng mga maralitang lungsod sa gobyerno sa pagbabalangkas ng patakaran at pagpapatupad ng programang tutugon sa pangangailangan ng mga maralita. 

Sampung araw matapos malagdaan ang batas na lumikha ng PCUP, naglunsad ng kongreso ang KPML noong Disyembre 18, 1986, kasama ang iba’t ibang samahang maralita na pinangunahan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Coalition of Urban Poor Against Poverty (CUPAP) at ng Pagkakaisa ng Mamamayan ng Navotas (PAMANA) at ng iba pang samahang maralita. Lumawak ang KPML bilang sentrong pampulitikang organisasyon ng maralita.

Isinusulong ng KPML ang pakikibaka ng maralita para sa isang lipunang malaya at may pagkakapantay-pantay kasama ng iba pang samahang pangkomunidad. Binibigyang-diin nito ang pakikipaglaban ng maralita sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan.

Bagamat nakapagpatayo ng ganitong ahensya para sa maralita, wala ni isa man sa nilalaman ng People’s Proposal ang nakamit, tulad ng ang dapat mamuno rito ay mismong galing sa hanay ng maralita. Walang habas na ipinapatupad ng pamahalaan ang marahas na demolisyon at ebiksyon ng mga maralita. Pagkaraan ng isang taon, nabuwag ang NACUPO at muling pinamunuan ng KPML ang pakikibaka ng maralita.

D. ANG KPML BILANG SOSYALISTANG SENTRO NG MARALITA

Sa kasagsagan ng pakikibaka sa loob ng kilusang masa, kung saan nagkaroon ng debate sa pagitan ng reaffirmist (RA) at rejectionist (RJ), pumanig ang KPML sa mga RJ. Kaya nang muling naglunsad ng ikalawang kongreso ang KPML noong Nobyembre 27, 1994 sa basketball court ng Stella Maris College sa Lungsod Quezon, niyakap na nila at pinagtibay ang sosyalistang oryentasyon ng KPML at ang KPML bilang sosyalistang sentro ng maralita.

Patunay dito'y inilagay mismo ng KPML sa kanilang Konstitusyon sa Artikulo II, Seksyon 4 na: "Bilang sosyalistang organisasyon, itinatakwil ng KPML ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, dahil ito ang pinag-uugatan ng malaganap na kaapihan, kahirapan at pagsasamantala ng tao sa kapwa tao."


PILOSOPIYA NG ORGANISASYON

1. Ang gawain para sa panlipunang pagbabago ay nagsisimula sa sarili

2. Ang paghahanap sa karunungan, indibidwal at panlipunang pagbabago ay isang tuloy-tuloy na proseso

3. Ang maglingkod para sa pagsasakapangyarihan ng mamamayan at ang pakikibaka para sa karapatan ng mga maralita at mga serbisyong kailangan ipagkaloob. Mas gugustuhing makipaglaban para sa pagkakamit ng karapatan kaysa ang tumanggap ng limos.

4. Ang isang responsableng lider ay naglilingkod ng tapat sa organisasyon.

5. Ang pagbibigay-halaga sa gawain ng organisasyon at tungkulin sa pamilya ay hindi magkahiwalay.

6. Ang katotohanan at katarungan ang siyang kakatawan sa organisasyon

7. Ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga maralita ang siyang magtutulak sa organisasyon upang magpatuloy at magtagumpay.

8. Ang banta at panganib ay bahagi ng buhay ng mga maralitang lungsod


BISYON SA LIPUNAN

Pangarap ng KPML ang isang lipunang may kaunlaran, na ang mamamayan ay may pampulitika at pang-ekonomiyang kapangyarihan, may katarungan at tunay na demokrasya, pagkapantay-pantay sa karapatan at kasarian, malusog na kalikasan, at maayos na kapaligiran


BISYON SA ORGANISASYON

Isang pambansang organisasyon ng mga maralita na kinikilalang nangunguna at tumitindig sa kapakanan ng mamamayan na may malakas na impluwensyang pampulitika at may programang pangkabuhayan na nagtataguyod ng maayos na serbisyong panlipunan.


MISYON

Maging isang pampulitika at pang-ekonomiyang sentro na namumuno para sa karapatan at kaunlaran ng mga maralita sa pamamagitan ng mga programang magbibigay at magtitiyak ng mga serbisyong panlipunan sa kanyang sektor.


MGA HANGARIN

HANGARING PAMPULITIKA

Pagbubuo ng isang malakas na kilusang maralita para sa pag-establisa ng kapangyarihang pampulitika

HANGARING PANGSOSYO-EKONOMIKO

Kamtin ang pagtindig sa sariling lakas at pagsusulong ng pag-angat ng kabuhayan, pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan, at pagkkaroon ng pang-ekonomiyang kaunlaran na may pagsasaalang-alang, at pagkapantay-pantay ng kasarian.

HANGARING PANG-ORGANISASYON

Mapagana, mapalakas at mapakilos ang sariling dinamismo ng sentrong nasyonal, mga rehiyon, pederasyon, tsapter at lokal na samahan bilang pampulitika at pang-ekonomiyang organisasyon ng mga maralita.