Martes, Oktubre 8, 2019

Pahayag ng KPML sa Pagpanaw ni Ka Pedring Fadrigon

PAHAYAG NG KPML SA PAGPANAW NI KA PEDRING FADRIGON
Oktubre 8, 2019
http://kpml-org.blogspot.com/, email: kpml.nec2018@gmail.com/

Sinulat ni Greg Bituin Jr.
Sekretaryo Heneral, KPML

Lubos na nagdadalamhati ang buong pamunuan at kasapian ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagpanaw ng aming pangulong si Ka Pedring Fadrigon (Mayo 18, 1945 - Oktubre 6, 2019).

Hindi lang siya aming pangulo sa KPML, kundi aming tatay, mabuting kasama, matatag na aktibista, kasanggang sosyalista, at matalik na kaibigan. Si Kaka ay iginagalang bilang isang magaling na lider-maralita. Saksi si Ka Pedring nang itinatag ang KPML mahigit tatlong dekada na ang nakararaan. Kasama rin siya nang itinatag noong 1984 ang SAMANA-FA o Samahan ng Maralitang Nagtitinda sa Fabella sa Brgy. Addition Hills sa Mandaluyong, kung saan talipapa lang ito noong una, at dahil sa kahusayan niyang mamuno bilang pangulo nito, ay naging ganap itong palengkeng may tatlong palapag. At hanggang ngayon ay aktibong kasapi ng KPML ang SAMANA-FA.

Si Ka Pedring ay isang batikang guro ng mga maralita. Isang mahusay na edukador na nagtatalakay ng Oryentasyon ng KPML, Karapatan ng Maralita, Karapatan sa Pabahay, at mga pagsusuri sa lipunan, lalo na sa kalagayan ng maralita.

Si Ka Pedring ay isa nang moog sa pakikibaka at usaping maralita. Bukod sa pagiging pangulo ng SAMANA-FA, at pangulo ng KPML mula noong 2004, siya rin ay kasapi ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) bilang kinatawan ng sektor ng maralita. Bahagi rin siya ng National Urban Poor Sectoral Council (NUPSC). Itinatag din niya ang Welfareville People's Assembly (WPA) upang itaguyod ang katiyakan sa paninirahan ng mga taga-Welfareville sa Mandaluyong. At isa siya sa nagtatag ng Koalisyon ng mga Samahan at Mamamayan sa Welfareville Property, Inc. (KSMWP) sa Mandaluyong, at isa rin sa nagtatag ng KASAMA Federation doon din sa Mandaluyong.

Nilibot din niya ang mga rehiyon at tsapter ng KPML sa iba't ibang panig ng bansa, tulad ng National Capital Region - Rizal (NCRR), Negros, Cebu, Bulacan, Cavite, Mindanao, at iba pa, upang kausapin ang iba’t ibang grupong maralita at itaguyod ang kapakanan ng maralita at pagbabago ng lipunan. Naroon din siya sa laban ng Malipay sa usapin ng karapatan sa paninirahan.

Si Ka Pedring ay para sa pampublikong pabahay. Itinataguyod niya ang isang sistema ng pabahay na hindi inaari ninuman, subalit pinangangasiwaan ng pamahalaan, na kung hindi man libre ay abot kaya at batay sa kakayahan ng maralita, at hindi nakabatay sa market value.

Si Ka Pedring ay magaling na manunulat. Bukod sa pagsusulat ng memo, siya'y kolumnista rin sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng KPML. Mapanuri niyang tinalakay sa kanyang kolum ang samutsaring isyung panlipunan. At kung titipunin ang marami niyang sulatin ay maaaring maging ganap na aklat.

Si Ka Pedring ay naging kagawad ng barangay ng Addition Hills sa Mandaluyong noong kalagitnaan ng 2000s. Dito'y mahusay niyang ipinakita ang kanyang liderato sa pamamagitan ng pagpasa ng mga resolusyong makatutulong sa maralita, at sa mga isyung pambayang nakakaapekto sa higit na nakararami.

Si Ka Pedring ang unang pangulo ng Metro Manila Vendors Alliance (MMVA) mula nang itatag ito noong Agosto 30, 2002 bilang tugon sa pananalasa ni Bayani Fernando at ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na estilo'y sapilitang kumpiskahin at sunugin ang paninda ng mga vendor sa Metro Manila.

Si Ka Pedring ay makamanggagawa at kumilos para sa interes ng uring manggagawa. Siya'y ilang beses nang naging kasapi ng Sentral na Konseho ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Ipinaglaban din niya ang usaping manggagawa laban sa salot na kontraktwalisasyon. Itinaguyod din niya ang living wage o nakabubuhay na sahod, na nakasaad sa Saligang Batas ng bansa, at ang anim-na-oras na paggawa kada araw na siyang tindig din ng BMP.

Si Ka Pedring ay makakalikasan. Isa siyang magiting na boses para sa hustisyang pangklima upang matiyak na magkaroon ng agarang paglikas, adaptasyon at mitigasyon, ang mga maaapektuhan ng kalamidad. Itinaguyod din niya ang mga isyung tangan ng kinasasapian ng KPML na mga grupong Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), EcoWaste Coalition, No Burn Pilipinas, at Power for People (P4P) COalition.

Si Ka Pedring ay para sa karapatang pantao. Isa siyang tinig upang ang karapatan ng maralita para sa panlipunang hustisya ay marinig. Naniniwala siyang dapat may tamang proseso at makatarungang paglilitis kung may kasalanan at hindi dapat basta pinapaslang ang isang tao. Laban siya sa "War on Drugs" na sa pagtingin ay "War on the Poor".

Si Ka Pedring ay isang ganap na sosyalista. Naniniwala siyang ang pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon, tulad ng pabrika, makina, at lupain, ay hindi dapat inaari ng iilang indibidwal, bagkus ay dapat ariin ng buong lipunan at pangasiwaan ng isang lipunang sosyalista. Nais niyang magtagumpay ang kilusang manggagawa at sambayanan upang palitan ang bulok na sistemang kapitalismo, at maitayo ang lipunang sosyalismo.

Isa ring malakas na pwersa si Ka Pedring sa kampanyahan noon ng Sanlakas partylist (mula pa noong 1998, 2001, 2004, 2007, 2013, 2016), ang PLM partylist (2019) at ang kandidatura sa pagkasenador ni Ka Leody De Guzman (2019).

Ang kamatayan ni Ka Pedring ay simbigat ng isang bundok, habang ang kamatayan ng sinumang kilalang mayamang sakim sa tubo ay singgaan lang ng balahibo. Nawala man ang katawan ni Ka Pedring, ngunit ang kanyang diwa at mga aral na pamana ay hindi mawawala sa puso't isipan ng kanyang mga nakasalamuha at nakasama sa pakikibaka. Tulad ng kanyang laging sinasabi, “Tuloy ang laban!”

Sa pamilya ni Ka Pedring, taospusong pakikiramay at pagdadalamhati. Bagamat siya'y kumilos ng buong buhay niya para sa maralita, ay hindi niya kayo pinabayaan.

Maraming, maraming salamat, Ka Pedring, sa buhay at panahong inialay mo para sa uri at sa bayan. Sinasaluduhan namin ang iyong kasigasigan sa isyu, usapin at kilusang maralita, at pagtataguyod ng kapakanan at kagalingan ng maralita.

Taas-kamaong pagpupugay sa iyo, Ka Pedring Fadrigon!

Walang komento: