Martes, Oktubre 20, 2020

Pahayag ng KPML sa ika-50 anibersaryo ng ZOTO

PAHAYAG NG KPML SA IKA-50 ANIBERSARYO NG ZOTO
Oktubre 20, 2020

Taas-kamaong pagpupugay sa ikalimampung anibersaryo ng Zone One Tondo Organization (ZOTO)! Mabuhay kayo, mga kasama! Dumatal na kayo sa inyong kalahating siglong pag-iral.

Ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taospusong nakikiisa sa inyong pagdiriwang, kasabay ng taas-noong pakikibaka para sa ating mga karapatan para sa paninirahan at makataong pamumuhay.

Isa kayo sa mga pundadores o tagapagtatag ng ating KPML. 

Tulad kayo ng isang tala sa kalangitan na biglang sumulpot sa kasagsagan ng kahirapan at pagsasamantalang nagluwal ng batas militar upang tulungang lumaban ang mga maralitang nakikibaka para sa kanilang kagalingan.

Tulad kayo ng bakal na hindi masira-sira ng kalawang pagkat hanggang ngayon ay nakatindig pa rin at naglilingkod sa mga dukha.

Tulad kayo ng kalabaw na patuloy ang kayod upang matiyak na nalilinang ang mga bukiring pinagtatamnan at pinagkukunan ng pagkain.

Kami'y malugod na bumabati! Mabuhay kayo, mga kasama!

Sabado, Oktubre 17, 2020

Pahayag ng KPML sa International Day for the Eradication of Poverty

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY FOR THE ERADICATION OF POVERTY
Oktubre 17, 2020

Bakit may kahirapan? Dahil ginawang sagrado ng estado ang pribadong pag-aari ng iilan sa mga kagamitan sa produksyon, tulad ng makina, pabrika at mga lupain. Ito ang pagtingin ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). 

Halimbawa na lang, isang asendero ang nagmamay-ari ng isang libong ektarya ng lupain. Aanhin niya iyon kundi gamitin sa negosyo’t magpayaman para sa pamilya, habang libu-libong magsasaka ang walang lupa dahil wala silang titulo sa lupang sinasaka. Ayon sa datos ng United Nations, 736 milyong tao ang nabubuhay sa “below the poverty line” at kumikita ng US $ 1.90 sa isang araw noong 2015. Noong 2018, halos 8 porsyento ng manggagawa sa buong mundo at kanilang pamilya ang nanirahan sa mas mababa sa US $ 1.90 bawat tao kada araw.

Tuwing Oktubre 17 ay International Day for the Eradication of Poverty o Pandaigdigang Araw Upang Pawiin ang Kahirapan, na idineklara ng United Nations noong 1992. Subalit pawang pantapal lang ang ginagawang solusyon ng maraming pamahalaan sa kahirapan. Magbibigay ng limos sa mga mahihirap. 

Ano naman ang aasahan natin sa lipunang kapitalismo na hindi kayang buwagin ang pribilehiyo ng pribadong pag-aari upang wala nang magdanas ng kahirapan?

* Nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2020, pahina 9.

Biyernes, Oktubre 16, 2020

Pahayag ng KPML sa World Food Day 2020

PAHAYAG NG KPML SA WORLD FOOD DAY (PANDAIGDIGANG ARAW NG PAGKAIN)
Oktubre 16, 2020

Sa panahon ng pandemya, mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa mga nawalan ng trabahong manggagawa na nagdulot ng kakapusan at kawalan ng sahod, na hindi na sila makabili ng pagkain, na umaasa na rin lang sa ayuda. Milyun-milyong Pilipino ang nawalan ng hanapbuhay, dahilan ng pagkagutom ng marami. Ang iba'y pinalayas na sa kanilang mga inuupahan dahil wala nang pambayad sa upa, kaya nakatira na lamang sila sa lansangan.

Sa panahong ganito natin naiisip ang kahalagahan ng mga magsasakang lumilikha ng ating pagkain. Ika nga nila, hindi natin laging kailangan ng abugado at manggagamot subalit tatlong beses isang araw ay kailangan natin ang mga magsasaka.

Ngayong taon 2020 ay ipinagdiriwang natin ang World Food Day kasabay ng ika-75 Anibersaryo ng pagkakatatag ng Food and Agriculture Organization (FAO) ng United Nations, na may hangaring tumingin sa hinaharap na kailangan nating buuin nang magkasama at may temang “Grow, nourish, sustain. Together. Our actions are our future.” (Lumago, alagaan, panatilihin. Sama-sama. Ang ating mga ginagawa ang ating kinabukasan.) Sa petsang Oktubre 16 na pagkakatatag ng FAO itinalaga ng UN ang World Food Day.

Ang pandaigdigang krisis sa kalusugan dahil sa COVID-19  ay naging panahon upang pagnilayan ang mga bagay na dapat nating  pinahahalagahan. Ang pagkain ang ating buhay at ang batayan ng ating mga kultura at pamayanan. Ang pagpapanatili ng pagkakaroon ng ligtas at masustansyang pagkain ay nagpapatuloy na isang mahalagang bahagi ng tugon sa pandemyang dulot ng COVID-19, lalo na para sa mga mahihirap at bulnerableng pamayanan.

Hindi sapat ang ayudang ibinibigay ng pamahalaan, na kung minsan ay wala pa. Kaya sa mga maralitang lungsod upang mabuhay sa gitna ng pandemya ay dapat gumawa ng paraan upang makakain, upang mabigyan ng masustansyang pagkain ang mga anak, na hindi na dapat noodles at tuyo, kundi mga gulay na pampalakas. Isa sa pamamaraan ang urban farming o pagtatanim ng gulay sa mga paso upang kahit paano ay maibsan ang kagutuman habang ipinaglalaban na maitayo ang isang maunlad at pantay-pantay na lipunang makatao para sa lahat.

Sabado, Oktubre 10, 2020

Pahayag ng KPML sa World Day Against Death Penalty


Pahayag ng KPML sa World Day Against Death Penalty
Oktubre 10, 2020

Sa paggunita ngayong araw ng ikalabingwalong anibersaryo ng World Day Against Death Penalty, mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagpigil sa anumang banta ng pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa, at saanmang panig ng daigdig. 

Ayon sa datos ng grupong World Coalition Against Death Penalty, na nasa kawing na:
http://www.worldcoalition.org/worldday.html
The Death Penalty in Practice
• 106 countries abolished the death penalty for all crimes
• 8 countries abolished the death penalty for ordinary crimes only
• 28 countries are abolitionist in practice
• 56 countries are retentionist
• In 2019, the 5 countries that carried out most executions were China, Iran, Saudi Arabia, Iraq, and Egypt.

Marami nang bansa ang nagtanggal na ng parusang bitay. Subalit sa ating bansa, nahaharap na naman tayo sa panibagong banta nang binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na dapat muling isabatas ang death penalty o parusang kamatayan sa pama-magitan ng lethal injection.

Subalit pawang mahihirap lang naman ang tiyak na tatamaan ng death penalty. Parang inilagay lang sa batas ang nakamumuhing tokhang na pumaslang ng libu-libong mahihirap, kabilang ang napabalitang umano'y 122 bata. Hindi na iginalang ang due process of law. Maraming ina ang lumuha at naghihimagsik ang kalooban.

Suriin natin ang parehong kasong panggagahasa ng menor-de-edad ang isang mahirap at isang mayaman - sina Leo Echegaray at dating Congressman Romeo Jalosjos. Nabitay ang mahirap na si Echegaray. Hindi nabitay ang mayamang si Jalosjos, at nang makalaya ay muling naging kongresista. Noong panahon ni dating pangulong GMA nang ibinasura ang death penalty, na isang tagumpay ng taumbayan. Subalit nais ibalik ng pangulong ang nasa utak lagi ay pagpaslang. Imbes na tutukan ang usapin ng pagresolba sa pandemya ay inuna pa ang ganitong balak.

Kung patuloy na walang akses ang mga mahihirap sa mabisang ligal na representasyon sa panahon ng pag-aresto, pagpigil, paglilitis at post-trial, hindi matitiyak ang due process, lalo na't kalaban ng maralita ay mga maypera o mayayaamn. Nasa pagitan ng buhay at kamatayan pag ang nagkaroon ng kaso'y ang maralita sa isang mabigat na kaso.

Tinanggal na noon ang parusang kamatayan. Bakit nais nilang muling ibalik ang death penalty? Ang kailangan natin ay katarungang panlipunan, ang magkaroon ng restorative justice, kung saan naniniwala tayong maaari pang magbago at makalaya ng sinumang nagkasala.

Mga maralita, patuloy tayong magkaisa laban sa panibagong banta sa buhay at karapatan ng mga mamamayan! Harangin ang anumang balaking ibalik ang parusang kamatayan. 

Restorative justice, hindi punitive!

#NoToDeathPenalty

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 1-15, 2020, pahina 7-8.

Pahayag ng KPML sa World Homeless Day

Pahayag ng KPML sa World Homeless Day
Oktubre 10, 2020

Karapatan ang pabahay. Subalit kayrami nang nawalan ng tahanan dulot ng maraming kadahilanan. Ang mas matindi pa, nagkaroon ng demolisyon sa gitna ng pandemya. Naganap iyon sa Lungsod ng Ozamis sa Mindanao. May banta pang demolisyon sa Barangay 463 sa Intramuros, Maynila. Sa mga lungsod, maraming manggagawa ang napalayas sa kanilang tinutuluyang bahay dahil wala nang pang-upa pagkat nawalan na rin ng trabaho dahil sa pandemya. 

Idagdag pa natin ang mga nawalan ng tahanan dulot ng pagbabago sa klima, kaya dapat silipin din kung kumusta na ba ang paninirahan ng mga kababayan nating nasira ang kanilang tahanan nang manalasa ang bagyong Yolanda sa kanilang lugar. Nariyan din ang mga dukhang nakatira lang sa kariton.

Isang paalala sa atin ang awiting Bahay ni Gary Granada kung ano ba talaga ang bahay. Pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato? Mga tabla't karton ang dingding? May mga nakatira pa sa ilalim ng tulay, na pag malakas ang ulan ay maaari silang tangayin lalo't lumaki ang tubig.

Marami sa maralitang dinemolis at dinala sa relokasyon ang hindi naman talaga nabibigyan ng sapat na pabahay, ayon sa negosasyon sa kanila bago sila idemolis, bagamat marami talaga sa kanila ang sapilitang tinanggalan ng bahay. Bahala na ang maralita sa erya ng relokasyon pagdating sa pabahay. Ang matindi pa ay ang pagiging negosyo ng pabahay, imbes na serbisyo. Patunay dito ang tinatawag na escalating scheme of payment na kasunduan para sa pabahay, na hindi naman kaya ng mga maralita. Ngunit ano ba ang batayan natin para masabi nating sapat na ang pabahay?

May batayan para sa maayos at sapat na pabahay na binabanggit sa dokumento mismo ng UN Committee on Economic, Social and Cultural Rights (ESCR). Ito'y nakasaad mismo sa General Comment No. 4 (1991) at General Comment No. 7 (1997) ng nasabing komite. Tinalakay din ito sa Fact Sheet 21 na may pamagat na "The Human Right to Adequate Housing" bilang bahagi ng World Campaign for Human Rights. Ayon sa Universal Declaration of Human Rights (1948) - Artikulo 25.1 "- Sinuman ay may karapatan sa isang pamantayan ng pamumuhay na sapat para sa kalusugan at kagalingan ng tao at ng kanyang pamilya, kasama ang pagkain, pananamit, tirahan at pangangalagang medikal at kinakailangang serbisyong panlipunan, at ng karapatan sa seguridad kung mangyari ang pagkawala ng trabaho, pagkakasakit, kawalang-kakayahan, pagkabalo, pagtanda o iba pang kakulangan sa kabuhayan sa isang pagkakataong di niya matanganan."

Kaya ngayong ikasampung anibersaryo ng World Homelessness Day ay taas-kamao at taospusong nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng mga walang tahanan at nawalan ng tahanan. Dapat nating patuloy na ipaglaban ang karapatan ng mamamayan sa sapat na pabahay, at ang polisiya ng pampublikong pabahay ay dapat maisabatas.

Ang pabahay ay batayang karapatang pantao ng bawat isa. Dapat malutas ng pamahalaan, bilang siyang pangunahing sandigan ng bayan kaya sila ibinoboto tuwing ikaanim na taon, ang problemang ito ng kawalan ng tahanan.

Sa ngayong nananalasa ang pandemya, dapat hindi "business-as-usual" na basta na lang aalisin ang mga tao sa kanilang mga tahanan dahil sinabi ng korte, o basta sila idemolis nang walang maayos na relokasyong may serbisyong panlipunan.

Sa ganitong kalagayan, aming ipinapanawagan: 
Karapatan sa Pabahay, Ipaglaban! 
Walang Demolisyon Kung Walang Maayos na Relokasyon!
Walang Demolisyon Hangga't May Pandemya!

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 1-15, 2020, pahina 5-6.

Martes, Oktubre 6, 2020

Sa unang anibersaryo ng kamatayan ni Ka Pedring Fadrigon

nabigla kami sa biglaan mong pagpanaw noon
dahil ama ka ng maralita't ng asosasyon
unang anibersaryo ng kamatayan mo ngayon
at ginugunita ka, pangulong Pedring Fadrigon

sa mga lider-maralita, pangalan mo'y sambit
mga tulong sa kapwa dukha'y di ipinagkait
lider na kaysipag hanggang kamataya'y sumapit
ang batikang Ka Kokoy Gan ang sa iyo'y pumalit

kayhusay sa pagkilos at tunay kang nagpapagal
pagkat ipinaglaban ang maralita't ang dangal
ang pagiging lider mo'y ipinakita sa asal
kaya dapat isulat yaong naiwan mong aral

buhay na buhay nga ang kolum mong Tinig ng Dukha
sa ating pahayagang Taliba ng Maralita
na sadyang pumukaw sa puso't diwa ng dalita
habang iyong tangan ang ating prinsipyo't adhika

sa aming paggunita sa unang anibersaryo
ng iyong pagkamatay, K.P.M.L. ay narito
O, Ka Pedring Fadrigon, kami sa iyo'y saludo
maraming salamat sa mga payo't pangaral mo

- gregoriovbituinjr.
10.06.2020