Sabado, Oktubre 17, 2020

Pahayag ng KPML sa International Day for the Eradication of Poverty

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY FOR THE ERADICATION OF POVERTY
Oktubre 17, 2020

Bakit may kahirapan? Dahil ginawang sagrado ng estado ang pribadong pag-aari ng iilan sa mga kagamitan sa produksyon, tulad ng makina, pabrika at mga lupain. Ito ang pagtingin ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). 

Halimbawa na lang, isang asendero ang nagmamay-ari ng isang libong ektarya ng lupain. Aanhin niya iyon kundi gamitin sa negosyo’t magpayaman para sa pamilya, habang libu-libong magsasaka ang walang lupa dahil wala silang titulo sa lupang sinasaka. Ayon sa datos ng United Nations, 736 milyong tao ang nabubuhay sa “below the poverty line” at kumikita ng US $ 1.90 sa isang araw noong 2015. Noong 2018, halos 8 porsyento ng manggagawa sa buong mundo at kanilang pamilya ang nanirahan sa mas mababa sa US $ 1.90 bawat tao kada araw.

Tuwing Oktubre 17 ay International Day for the Eradication of Poverty o Pandaigdigang Araw Upang Pawiin ang Kahirapan, na idineklara ng United Nations noong 1992. Subalit pawang pantapal lang ang ginagawang solusyon ng maraming pamahalaan sa kahirapan. Magbibigay ng limos sa mga mahihirap. 

Ano naman ang aasahan natin sa lipunang kapitalismo na hindi kayang buwagin ang pribilehiyo ng pribadong pag-aari upang wala nang magdanas ng kahirapan?

* Nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2020, pahina 9.

Walang komento: