Biyernes, Oktubre 16, 2020

Pahayag ng KPML sa World Food Day 2020

PAHAYAG NG KPML SA WORLD FOOD DAY (PANDAIGDIGANG ARAW NG PAGKAIN)
Oktubre 16, 2020

Sa panahon ng pandemya, mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa mga nawalan ng trabahong manggagawa na nagdulot ng kakapusan at kawalan ng sahod, na hindi na sila makabili ng pagkain, na umaasa na rin lang sa ayuda. Milyun-milyong Pilipino ang nawalan ng hanapbuhay, dahilan ng pagkagutom ng marami. Ang iba'y pinalayas na sa kanilang mga inuupahan dahil wala nang pambayad sa upa, kaya nakatira na lamang sila sa lansangan.

Sa panahong ganito natin naiisip ang kahalagahan ng mga magsasakang lumilikha ng ating pagkain. Ika nga nila, hindi natin laging kailangan ng abugado at manggagamot subalit tatlong beses isang araw ay kailangan natin ang mga magsasaka.

Ngayong taon 2020 ay ipinagdiriwang natin ang World Food Day kasabay ng ika-75 Anibersaryo ng pagkakatatag ng Food and Agriculture Organization (FAO) ng United Nations, na may hangaring tumingin sa hinaharap na kailangan nating buuin nang magkasama at may temang “Grow, nourish, sustain. Together. Our actions are our future.” (Lumago, alagaan, panatilihin. Sama-sama. Ang ating mga ginagawa ang ating kinabukasan.) Sa petsang Oktubre 16 na pagkakatatag ng FAO itinalaga ng UN ang World Food Day.

Ang pandaigdigang krisis sa kalusugan dahil sa COVID-19  ay naging panahon upang pagnilayan ang mga bagay na dapat nating  pinahahalagahan. Ang pagkain ang ating buhay at ang batayan ng ating mga kultura at pamayanan. Ang pagpapanatili ng pagkakaroon ng ligtas at masustansyang pagkain ay nagpapatuloy na isang mahalagang bahagi ng tugon sa pandemyang dulot ng COVID-19, lalo na para sa mga mahihirap at bulnerableng pamayanan.

Hindi sapat ang ayudang ibinibigay ng pamahalaan, na kung minsan ay wala pa. Kaya sa mga maralitang lungsod upang mabuhay sa gitna ng pandemya ay dapat gumawa ng paraan upang makakain, upang mabigyan ng masustansyang pagkain ang mga anak, na hindi na dapat noodles at tuyo, kundi mga gulay na pampalakas. Isa sa pamamaraan ang urban farming o pagtatanim ng gulay sa mga paso upang kahit paano ay maibsan ang kagutuman habang ipinaglalaban na maitayo ang isang maunlad at pantay-pantay na lipunang makatao para sa lahat.

Walang komento: