Miyerkules, Abril 28, 2021

Pahayag ng KPML sa World Day for Safety and Health at Work

PAHAYAG NG KPML
Abril 28, 2021

SA WORLD DAY FOR SAFETY AND HEALTH AT WORK, SIGAW NG MARALITA:
KABUHAYAN, KALUSUGAN, KARAPATAN, KALIGTASAN, IPAGLABAN!

Umabot na ng isang milyong katao ang naapektuhan ng COVID-19 sa bansa. Sa Timog-Silangang Asya, pumapangalawa na tayo sa Indonesia na may 1,6 milyong kataong apektado ng naturang sakit. Bakit nangyari na biglang lumobo ang bilang na ito? Ano ang ginagawa ng pamahalaan sa problemang ito, o palpak mismo ang rehimeng Duterte sa pagresolba sa krisis?

Tumitinding lalo ang mga nagaganap. Kahit na sa mga pagawaan at opisina ay nauuso ang tanggalan dahil isinasara ang mga pabrika dahil sa pandemya. O kaya naman ay nakita itong pagkakataon ng mga kapitalista upang tanggalin ang mga regular na manggagawa upang mapalitan ng mga kontraktwal, na walang security of tenure, walang sapat na benepisyo, at hindi pinapayagan sa kanilang karapatang mag-unyon at organisahin ang mga sarili.

Karapatan ng mamamayan na humingi ng ayuda at obligasyon naman ng pamahalaan ang ibigay ito dahil sa pinatutupad nilang mga patakaran ukol sa pandemya na naging isang malaking sagka sa kakayahang kumita ng masa. Marami ang nawalan ng trabaho at naging resulta nito ay ang kakarampot na pagkain sa hapag kainan na kasalukuyang pinagsasaluhan ng bawat pamilya.

Nag-inisyatiba ang mga mamamayan, sa pangunguna ng Maginhawa community pantry upang kahit papaano'y makatulong kahit bahagya upang maibsan ang kagutuman ng ilang mga nagugutom na kababayan. Hanggang sa ito'y dumami at nagsulputan ito sa iba't ibang bahagi ng bansa. Ipinakita ang pagdadamayan, pagbibigayan, pag-aambagan, at pagbabayanihan ng mga tao. Manipestasyon na palpak ang pamahalaan kaya mamamayan na mismo ang gumawa ng paraan. Subalit ni-redtag pa ito ng mga ulupong at itinuring na kagagawan umano ng mga komunista. Ang dinig yata ng NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict) sa community pantry ay communist party.

Pansamantalang katugunan lang ang community pantry. Dapat ay maglunsad ng national pantry ang pamahalaan, subalit sa pagbibigay nga lang ng ayuda ay nagkukulang na sila. Paano pa pag national pantry? Di sapat ang community pantry dahil repleksyon lang ito ng kainutilan ng pamahalaang dapat siyang nagtitiyak ng maayos na ayuda. Paano pag patuloy na gipitin ang mga comunity pantry tulad ng ginawa ng NTF-ELCAC? Subalit patuloy ang bayanihan, bagamat hindi tayo tiyak sa seguridad sa pagkain kung hindi natin susuportahan ang mga magsasaka at mangingisda.

Dapat tiyakin ang pangkalahatang kalusugan ng mamamayan. Hindi sapat ang bakuna lang para sa lahat. Isama sa ayuda ang mga bitaminang kinakailangan ng katawan. Tiyakin ding kumakain ng sapat na pagkaing masustansya ang mamamayan upang hindi magkasakit. Dapat matulungan ang mga magsasaka upang mas umunlad pa ang kanilang paraan ng pagsasaka, matulungan din ang ating mga mangingisda bagamat nag-iingat na silang pumunta sa West Philippine Sea upang mangisda. Ito'y upang matiyak na laging may makakain ang ating mamamayan, o kaya'y maglunsad tayo ng urban farming upang may mapipitas balang araw.

Karapatan ng mamamayan na humingi ng ayuda sa panahong nawalan sila ng pinagkakakitaan dahil hindi na sila pinayagang makalabas ng bahay dahil sa community quarantine na ipinatutupad. Hiling ng maralita na ang pondo ng NTF-ELCAC na nasa higit 19 Bilyong piso ay tanggalin na at gamitin sa ayuda sa mamamayan. Sayang lang ang pondong ginagamit nila sa kawalanghiyaan at pangre-redtag sa bayanihan ng mamamayan. Kaya kung sinasabi ng pamahalaan na said na ang ayuda, aba'y ang P19B ng NTF-ELCAC ay gamitin na sa ayuda at malaking tulong na ito sa mamamayan.

Milyon na ang apektado ng COVID. Nais ng mamamayan na tiyaking ligtas sila at ang kanilang mga mahal sa buhay mula sa sakit na ito. Kung nahihirapan ang pamahalaan, sa pangunguna ni Duterte, na tugunan ang krisis na ito, dapat lang siyang mag-resign na sa pwesto. O kung kapit tuko pa rin siya ay nararapat lamang siyang patalsikin ng taumbayan. At magkaroon ng bagong pamunuang binubuo ng mga magagaling at matitino, na siyang magtitiyak ng kaligtasan ng sambayanan.

Ngayong Abril 28, sa okasyon ng World Day For Safety and Health at Work (Pandaigdigang Araw para sa Kaligtasan at Kalusugan sa Trabaho), sigaw ng maralita, KABUHAYAN, KALUSUGAN, KARAPATAN, KALIGTASAN, IPAGLABAN!

Martes, Abril 27, 2021

Pahayag ng KPML sa ika-500 taon ng Tagumpay sa Mactan

PAHAYAG NG KPML
Abril 27, 2021

PAGPUPUGAY SA IKA-500 TAON NG TAGUMPAY NG LABANAN SA MACTAN
INURONG NI LAPULAPU NG 44 TAON PA ANG PANANAKOP NG MGA KASTILA
Ang Tagumpay Laban sa Mananakop, at ang bantang pananakop sa West Philippine Sea sa kasalukuyan

Mahigpit na nakikiisa ang pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng tagumpay ng Labanan sa Mactan na naganap noong ika-27 ng Abril 1521. Natalo ng hukbo ni Lapulapu, ang datu ng Mactan, ang mga kawal na Kastila sa pamumuno ng Portuges na kapitan at eksplorador na si Ferdinand Magellan, na napatay naman sa labanang iyon.

Ayon sa kasaysayan, dumating sa ating kapuluan sina Ferdinand Magellan sakay ng kanilang mga barko noong Marso 16, 1521. Nakipagkaibigan siya sa maraming pinuno sa Cebu, pangunahin na si Raha Humabon, at sa isla ng Mactan, kay Datu Zula. Bininyagan bilang Kristyano si Raha Humabon at kanyang mga tauhan. Gayunpaman, tumanggi si Datu Lapulapu na makipag-ugnayan kina Magellan. Dahil dito'y nais ni Magellan na ipakita ang kanilang superyor na armas at hukbo laban sa hukbo ni Lapulapu.

At noong Abril 27, 1521, naging madugo ang labanan sa Mactan nang sumugod doon sina Magellan. Nanaig naman ang mga mandirigma ni Lapulapu sa hukbo ni Magellan, na ayon sa mananalaysay na si Pigafetta, si Magellan ay napatay. Nakatakas naman sina Pigafetta at iba pa nilang kasama. Ayon pa kay Pigafetta, ilan sa mga tauhan ni Magellan ay napatay sa labanan at ang ilang katutubong naging Kristiyano na tumulong sa kanila ay napatay din ng mga mandirigma ni Lapulapu.

Si Lapulapu ay bayani ng ating lahi at sumisimbolo ng kalayaan sa buong Asya. Hindi siya gawa-gawa lang kundi tunay na taong nakibaka para sa kalayaan ng kanyang mga kababayan laban sa mga mananakop na dayuhan.

Sa ngayon ay may panibagong banta sa bansa, ang nagbabantang pananakop ng mga Tsino sa ating bansa. Kung nagawa noon nina Lapulapu na patalsikin ang dayuhan at iurong pa ng apatnapu't apat na taon ang pananakop ng mga Kastila, magagawa rin nating itaboy ang mga Intsik na nais manakop ng ating bayan. Subalit...

Halos pinamimigay na ni Duterte ang ating bansa sa mga Tsino dahil kaibigan siyang matalik ni Pangulong Xi ng Tsina. Mag-alburuto man tayo sa pang-aagaw ng teritoryo ng Tsina sa ating bansa ay tila wala tayong magawa dahil sa kainutilan ni Duterte na ipagtanggol ang ating bansa laban sa bagong mananakop. 

Nariyan pa ang pagsakmal ng dayuhan sa kasarinlan ng bansa dahil sa kasunduan sa pagitan ng Amerika at Pilipinas, tulad ng EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement), ng 1951 Mutual Defense Treaty (MDT) at ang MLSA (Mutual Logistics Support Agreement, na maaari rin namang Muling Lumuhod Sa Amerika). Dahil dito'y hindi ganap ang kasarinlan ng bansa habang ang mga Tsino naman ay nagbabanta.

Bilang mga maralita, nauunawaan namin ang kahulugan ng kalayaan, hindi lamang kalayaan laban sa bagong mananakop, kundi kalayaan din mula sa kagutuman; kalayaan mula sa pagsasamantala ng tao sa tao; kalayaang hindi nayuyurakan ang dignidad ng mamamayan; kalayaan mula sa paninikis ng estado, tulad ng rehimeng Duterte, na pumaslang ng libu-libong tao nang walang wastong proseso ng batas, o hindi dumaan sa due process of law.

Bilang KPML, inspirasyon sa atin ang Tagumpay sa Mactan upang maipakita ang tradisyon ng pakikibaka laban sa lahat ng mapagsamantala at nagsasamantala sa sinumang malayang tao o naghahangad ng kalayaan. Lalo na't nakikibaka rin ang KPML para sa makataong pabahay, paglaban sa demolisyon, at magkaroon ng maayos na paninirahan ang mga maralitang ginigipit, kundi man ng pamahalaan, ay ng mga pribadong tao, tulad sa Malipay sa Cavite, sa Cebu, at sa iba pang lupang tinitirhan ng mga abang dukha. Inspirasyon ang Tagumpay sa Mactan upang patuloy tayong makibaka para sa ating karapatan, kinabukasan, at dignidad. Ngayong Abril 27, 2021 ay mahalagang pagkakataon upang ipahayag ang mga naturan.

Tayo ay bansa ng mga bayani. Kung may panibagong banta sa ating kalayaan, pambansa man o bilang mga maralita, tulad ng nangyayari ngayon sa West Philippine Sea, ang ginawa nina Lapulapu noon ay inspirasyon upang gawin din natin ang nararapat upang mapalayas ang mga dayuhan at mga mapagsamantalang nais yumurak sa ating kalayaan at karapatan bilang tao.

Mabuhay ang ika-500 taon ng tagumpay nina Lapulapu! Paalisin ang mga Intsik sa West Philippine Sea! Mabuhay ang kalayaan!

Huwebes, Abril 22, 2021

Pahayag ng KPML sa Earth Day 2021

PAHAYAG NG KPML SA EARTH DAY 2021
Abril 22, 2021

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng mamamayan ng mundo sa paggunita sa Earth Day o Araw ng Daigdig. 

Kaming mga maralita ay taospusong nagpupugay, nakikiisa, nakikipagkapitbisig at kumikilos kasama ng iba't ibang organisasyong pangkalikasan. Dahil alam naming para sa kinabukasan ng ating kapaligiran at daigdig ang kanilang ginagawa. Ayaw namin sa pagmimina dahil ito'y nakakasira ng kalikasan habang winawasak ang mga lupaing ninuno para lang sa tubo ng mga gahamang kapitalista.

Nagbabago ang klima o climate change. Ang dating buwang malamig ay napakainit, at ang panahon ng tag-init ay ulan ng ulan. Nasira na ng mga usok ng coal fired power plants at ng pagsusunog ng mga fossil fuel ang ating atmospera na siya dapat sanang sasangga laban sa papatinding init ng sinag ng araw. Maaari tayong magkasakit dahil sa mga ultraviolet rays.

Napakaraming basurang nagkalat. Naglutangan ang mga plastik sa dagat na inaakala ng mga isda na dikya o jelly fish na kanilang kinakain, subalit basurang plastik pala. Ang mga upos ng sigarilyo, na isa sa pinakamalaking bulto ng basura sa mundo bukod sa plastik, ay lulutang-lutang din sa laot. Hindi sapat na tayo'y magbukod lang ng basura mula sa nabubulok at hindi nabubulok sa ating mga tahanan, kundi saan ito dinadala, at bakit napupunta sa mga karagatan. Dapat ihiwalay din natin ang mga electronic waste, lalo na ang mga medical waste, tulad ng heringgilya at facemask, sa ating karaniwang basura. Bawal nang magsunog ng basura subalit kayrami pa ring nagsusunog.

Naniniwala ang mga maralita na dapat tayong magtulungan upang mapangalagaan ang kalikasan dahil iisa lang ang ating daigdig. Walang Planet B at hindi tayo nangangarap na pumunta ng Mars upang palitan ang ating daigdig.

Ngayong Earth Day ay umpisahan na natin ang pagbabago ng bulok na sistemang naging dahilan ng pagsasamantala ng tao sa tao at pagsasamantala sa kalikasan bunsod ng tubo sa ilalim ng bulok na sistemang kapitalismo. Baguhin ang sistema! Alagaan ang kalikasan! Iisa lang ang ating daigdig!

Miyerkules, Abril 7, 2021

Pahayag ng KPML sa World Health Day (Pandaigdigang Araw ng Kalusugan)

PAHAYAG NG KPML
Abril 7, 2021

PAHAYAG SA WORLD HEALTH DAY
(PANDAIGDIGANG ARAW NG KALUSUGAN)

Mula sa pambansang samahan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), ay mahigpit na nakikiisa sa lahat ng gumugunita sa World Health Day o Pandaigdigang Araw ng Kalusugan.

Nakikita namin sa KPML ang patuloy na kapalpakan ng rehimeng Digong sa usapin ng maayos na patakarang pangkalusugan hinggil sa COVID 19 at sa mga maralita. Tingin namin ay HINDI SOLUSYON SA COVID-19 ANG LOCKDOWN. Kundi ang marapat na solusyon, sa palagay namin, ay ang lakihan ang badyet sa kalusugan at paunlarin ng pamahalaan ang buong health care system, tulad ng pagbibigay ng malawakan at libreng mass testing, pagpapaigting ng contact tracing, at bakunang ligtas at epektibo para sa lahat.

Libreng mass testing, ngayon na! Panawagan itong sana'y matugunan ng pamahalaan. Napakamahal ng swab test na kung indibidwal kang kukuha ay baka hindi kaya ng bulsa ng maralita. Pang-almusal nga ay gipit na, pang-swab test pa kaya.

Solusyong medikal, hindi militar. Imbes na medical frontliner ay pawang pulis at sundalo ang nangunguna. Sa isang balita kahapon sa telebisyon, namatay diumano ang isang lalaking lumabag sa curfew at pinag-push up ng tatlong beses ng mga nakahuli. Coronavirus ang kalaban, hindi ang mamamayan.

Trabaho at ayuda, hindi tanggalan. Palpak ang pagbibigay ng ayuda noong nakaraang taon at marami pa rin ang hindi nabigyan ng ayuda, tulad ng SAP. Maraming manggagawa ang nawalan ng trabaho nang masarahan ang maraming pagawaan dahil sa community quarantine. Ang iba'y pinalayas na sa tinutuluyan nila dahil walang pambayad ng upa, kaya nakatira na lang sa kalsada.

Libre, ligtas at epektibong bakuna para sa lahat! Gaano nga ba kamahal ang naririyang bakuna? Kundi man libre'y abotkaya ba iyan ng masa? Paano natin matitiyak na hindi iyan tulad ng dengvaxia na ayon sa mga ulat, kayraming namatay nang maturukan ng nasabing bakuna? Dapat na mahusay itong maipaliwanag sa pamamagitan ng syensya sa ating mga kababayan upang hindi katakutan ang bakunang ito.

Ayusin ang Philippine Health Care System. Ayon sa mga balita, sa Pilipinas pa lang, labingtatlong libong higit na ang namatay sa COVID-19. Grabe. Sabi ng marami, wala kasing komprehensibong plano ang pamahalaan hinggil sa kalusugan, kundi ang tanging solusyon lagi ay lockdown o community quarantine. Dapat tutukan ng pamahalaan ang pag-aayos sa sistemang pangkalusugan ng bayan. Tingnan ang mga halimbawa ng sistemang pangkalusugan sa ibang bansa, tulad sa Vietnam at Cuba. Kung maaayos ng mabuti ang ating health care system, at hindi pulos lockdown ang alam gawin, bakasakaling mas mapababa pa ang kaso ng mga nahahawa ng COVID-19.

Iyan ang aming panawagan sa okasyon ng paggunita sa World Health Day. Iyan ang paninindigan ng KPML. Iyan ang dapat nating pag-usapan. Iyan ang pag-usapan ng mamamayan, at tutukan ng pamahalaan.

Linggo, Abril 4, 2021

Pakikiramay sa mga naulila ni Ka Jess Panis, dating pangulo ng KPML

PAHAYAG NG KPML
Abril 4, 2021

PAKIKIRAMAY SA MGA NAULILA NI KA JESS PANIS, DATING PANGULO NG KPML

Taospusong nagpapaabot ng pakikiramay ang pamunuan at kasapian ng ating pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pamilya ni Ka Jess Panis, dating pangulo ng KPML.

Si Ka Jess Panis ay nahalal na pangulo ng KPML sa ikatlong kongreso nito na naganap sa Tomana Covered Court noong 1997. Muli siyang nahalal bilang pambansang pangulo ng KPML sa ikaapat na kongresong naging unang pambansang kongreso nito noong 2001. At napalitan lamang siya ni Ka Pedring Fadrigon noong 2004.

Bilang lider-maralita, natatangi si Ka Jess Panis sa kanyang liderato kung saan mas kinilala ang KPML sa larangan ng pakikibaka laban sa demolisyon, at paglaban para sa karapatan sa pabahay ng maralitang lungsod.

Muli, kami'y taas-noong nagpupugay sa mga naging ambag ni Ka Jess Panis sa pakikibaka ng maralita, at taos-pusong pasasalamat dahil naging bahagi siya ng buhay at pakikibaka ng KPML sa pangarap nitong maitayo ang isang lipunang makatao kung saan walang pagsasamantala ng tao sa tao, pakikibaka laban sa pribadong pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon, at pagsusulong ng sosyalismo.