PAHAYAG NG KPML
Abril 7, 2021
PAHAYAG SA WORLD HEALTH DAY
(PANDAIGDIGANG ARAW NG KALUSUGAN)
Mula sa pambansang samahan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), ay mahigpit na nakikiisa sa lahat ng gumugunita sa World Health Day o Pandaigdigang Araw ng Kalusugan.
Nakikita namin sa KPML ang patuloy na kapalpakan ng rehimeng Digong sa usapin ng maayos na patakarang pangkalusugan hinggil sa COVID 19 at sa mga maralita. Tingin namin ay HINDI SOLUSYON SA COVID-19 ANG LOCKDOWN. Kundi ang marapat na solusyon, sa palagay namin, ay ang lakihan ang badyet sa kalusugan at paunlarin ng pamahalaan ang buong health care system, tulad ng pagbibigay ng malawakan at libreng mass testing, pagpapaigting ng contact tracing, at bakunang ligtas at epektibo para sa lahat.
Libreng mass testing, ngayon na! Panawagan itong sana'y matugunan ng pamahalaan. Napakamahal ng swab test na kung indibidwal kang kukuha ay baka hindi kaya ng bulsa ng maralita. Pang-almusal nga ay gipit na, pang-swab test pa kaya.
Solusyong medikal, hindi militar. Imbes na medical frontliner ay pawang pulis at sundalo ang nangunguna. Sa isang balita kahapon sa telebisyon, namatay diumano ang isang lalaking lumabag sa curfew at pinag-push up ng tatlong beses ng mga nakahuli. Coronavirus ang kalaban, hindi ang mamamayan.
Trabaho at ayuda, hindi tanggalan. Palpak ang pagbibigay ng ayuda noong nakaraang taon at marami pa rin ang hindi nabigyan ng ayuda, tulad ng SAP. Maraming manggagawa ang nawalan ng trabaho nang masarahan ang maraming pagawaan dahil sa community quarantine. Ang iba'y pinalayas na sa tinutuluyan nila dahil walang pambayad ng upa, kaya nakatira na lang sa kalsada.
Libre, ligtas at epektibong bakuna para sa lahat! Gaano nga ba kamahal ang naririyang bakuna? Kundi man libre'y abotkaya ba iyan ng masa? Paano natin matitiyak na hindi iyan tulad ng dengvaxia na ayon sa mga ulat, kayraming namatay nang maturukan ng nasabing bakuna? Dapat na mahusay itong maipaliwanag sa pamamagitan ng syensya sa ating mga kababayan upang hindi katakutan ang bakunang ito.
Ayusin ang Philippine Health Care System. Ayon sa mga balita, sa Pilipinas pa lang, labingtatlong libong higit na ang namatay sa COVID-19. Grabe. Sabi ng marami, wala kasing komprehensibong plano ang pamahalaan hinggil sa kalusugan, kundi ang tanging solusyon lagi ay lockdown o community quarantine. Dapat tutukan ng pamahalaan ang pag-aayos sa sistemang pangkalusugan ng bayan. Tingnan ang mga halimbawa ng sistemang pangkalusugan sa ibang bansa, tulad sa Vietnam at Cuba. Kung maaayos ng mabuti ang ating health care system, at hindi pulos lockdown ang alam gawin, bakasakaling mas mapababa pa ang kaso ng mga nahahawa ng COVID-19.
Iyan ang aming panawagan sa okasyon ng paggunita sa World Health Day. Iyan ang paninindigan ng KPML. Iyan ang dapat nating pag-usapan. Iyan ang pag-usapan ng mamamayan, at tutukan ng pamahalaan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento