Huwebes, Abril 22, 2021

Pahayag ng KPML sa Earth Day 2021

PAHAYAG NG KPML SA EARTH DAY 2021
Abril 22, 2021

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa lahat ng mamamayan ng mundo sa paggunita sa Earth Day o Araw ng Daigdig. 

Kaming mga maralita ay taospusong nagpupugay, nakikiisa, nakikipagkapitbisig at kumikilos kasama ng iba't ibang organisasyong pangkalikasan. Dahil alam naming para sa kinabukasan ng ating kapaligiran at daigdig ang kanilang ginagawa. Ayaw namin sa pagmimina dahil ito'y nakakasira ng kalikasan habang winawasak ang mga lupaing ninuno para lang sa tubo ng mga gahamang kapitalista.

Nagbabago ang klima o climate change. Ang dating buwang malamig ay napakainit, at ang panahon ng tag-init ay ulan ng ulan. Nasira na ng mga usok ng coal fired power plants at ng pagsusunog ng mga fossil fuel ang ating atmospera na siya dapat sanang sasangga laban sa papatinding init ng sinag ng araw. Maaari tayong magkasakit dahil sa mga ultraviolet rays.

Napakaraming basurang nagkalat. Naglutangan ang mga plastik sa dagat na inaakala ng mga isda na dikya o jelly fish na kanilang kinakain, subalit basurang plastik pala. Ang mga upos ng sigarilyo, na isa sa pinakamalaking bulto ng basura sa mundo bukod sa plastik, ay lulutang-lutang din sa laot. Hindi sapat na tayo'y magbukod lang ng basura mula sa nabubulok at hindi nabubulok sa ating mga tahanan, kundi saan ito dinadala, at bakit napupunta sa mga karagatan. Dapat ihiwalay din natin ang mga electronic waste, lalo na ang mga medical waste, tulad ng heringgilya at facemask, sa ating karaniwang basura. Bawal nang magsunog ng basura subalit kayrami pa ring nagsusunog.

Naniniwala ang mga maralita na dapat tayong magtulungan upang mapangalagaan ang kalikasan dahil iisa lang ang ating daigdig. Walang Planet B at hindi tayo nangangarap na pumunta ng Mars upang palitan ang ating daigdig.

Ngayong Earth Day ay umpisahan na natin ang pagbabago ng bulok na sistemang naging dahilan ng pagsasamantala ng tao sa tao at pagsasamantala sa kalikasan bunsod ng tubo sa ilalim ng bulok na sistemang kapitalismo. Baguhin ang sistema! Alagaan ang kalikasan! Iisa lang ang ating daigdig!

Walang komento: