Martes, Agosto 30, 2022

Pahayag ng KPML sa ikadalawampung anibersaryo ng Metro Manila Vendors Alliance (MMVA)

PAHAYAG NG KPML SA IKA-20 ANIBERSARYO NG METRO MANILA VENDORS ALLIANCE (MMVA)
Agosto 30, 2022

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pag-alala sa ikadalawampung anibersaryo ng Metro Manila Vendors Alliance (MMVA) na nabuo dahil sa matinding pagmamalupit at pagdurog sa maraming manininda sa bangketa (sidewalk vendors) sa pamumuno ni Bayani Fernando, na kilala bilang BF, na noong panahong iyon ay hepe ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Nabuo ang MMVA noong Agosto 30, 2002 sa Delaney Hall ng UP Chapel sa Diliman. Ang unang halal na pangulo nito ay ang namayapang si Ka Pedring Fadrigon, na naging pangulo ng KPML mula 2004 hanggang 2019, at matagal na namuno sa Samahan ng Makabayang Manininda sa Fabella (SAMANA-FA) sa Mandaluyong. 

Sa ngayon, sa patnubay ni Tita Flor Santos, pangulo ng Oriang Women’s Movement, ang MMVA ay naging matatag at patuloy na lumalawak upang ang mga karapatan at kagalingan ng mga vendors ay mapangalagaan at maipaglaban. Ang vendors ay mararangal!

Ang mga vendor o yaong maliliit na manininda sa bangketa na walang pwesto sa palengke ay may karapatang mabuhay ng marangal, tulad ng mga malalaking negosyante at kapitalista. Nabubuhay sila sa pagtitinda upang itaguyod ang kanilang pamilya, makakain ng tatlong beses isang araw, at mapag-aral ang kanilang mga anak. Ang ginawa ni BF ay pagyurak sa kanilang dangal, at paninikluhod sa mga kapitalista at negosyanteng may pwesto sa palengke upang makopo ng mga ito ang pamilihan, habang iniitsapwera ang dukhang pilit pinagkakasya ang karampot na kita sa pagtitinda. Kumbaga, buhay na isang kahig, isang tuka. Karamihan sa vendors ay wala ring maayos na bahay at nakatira sa mga danger zones.

Sa patuloy na pakikibaka ng mga vendor, mula man sa MMVA o hindi, ang KPML ay kasama nila at kapatid sa pakikibaka para sa maayos nilang pagtitinda nang hindi ginagamitan ng dahas. Taas-nooo at taas-kamao kaming nagpupugay sa lahat ng mga manininda, at sa dalawang dekada nang pag-iral ng MMVA! Mabuhay kayo, mga kasama! Tuloy ang laban!

Pahayag ng KPML sa Unang National Press Freedom Day

PAHAYAG NG KPML SA UNANG NATIONAL PRESS FREEDOM DAY
Agosto 30, 2022

PAKIKIISA SA PAMBANSANG ARAW NG KALAYAAN SA PAMAMAHAYAG!
LABANAN ANG FAKE NEWS AT HISTORICAL DISTORTION!
PATULOY NA MAGBALITA AT IHAYAG ANG KATOTOHANAN!

Sa kauna-unahang pagkakataon ay ipagdiriwang sa bansa ang National Press Freedom Day (Pambansang Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag) ngayong Agosto 30, 2022. Kaiba ito sa tuwing Mayo 3 na World Press Freedom Day na idineklara naman ng United Nations. Ang nasabing pagdiriwang ay bunsod ng Batas Republika (RA) Blg. 11699 na nilagdaan ng dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Abril 13, 2022 na nagdedeklara sa Agosto 30 ng bawat taon bilang "National Press Freedom Day." Ang Agosto 30 ng bawat taon ay isang working holiday, ayon sa RA 11699. Ito'y ibinalita ng Philippine News Agency (PNA) nito lang Abril 27, 2022 sa kanilang website. 

Sa ilalim ng batas na nabanggit, ang Agosto 30 ng bawat taon ay idineklarang National Press Freedom Day bilang parangal kay Marcelo H. del Pilar, ang ama ng Pamamahayag sa Pilipinas (Philippine Journalism). Si Del Pilar, na sumulat sa ilalim ng sagisag panulat na “Plaridel,” ay isinilang noong Agosto 30, 1850. Sila nina José Rizal at Graciano López Jaena ang bumubuo sa Kilusang Propaganda sa Espanya. Pinalitan niya si Jaena bilang patnugot ng La Solidaridad.

Dahil dito'y nakikiisa ang patnugutan ng Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), sa pagdiriwang ng National Press Freedom Day tuwing Agosto 30 bilang parangal sa ating bayaning si Gat Marcelo H. Del Pilar, at sa iba pang mga mamamahayag na tumangan ng panulat upang ilantad ang katotohanan.

Kaya ngayong National Press Freedom Day, ipinahahayag nating tayo’y naninindigang dapat magbalita ng tumpak at totoo, lalabanan ang anumang halibyong o fake news, at ang bantang historical distortion o pagbabago ng kasaysayan. Mabuhay ang kalayaan sa pamamahayag at ang pagbabalita ng katotohanan! Labanan ang mga fake news!

Lunes, Agosto 29, 2022

Pahayag ng KPML hinggil sa Matagumpay na Nagsabado sa Pasig

PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA MATAGUMPAY NA NAGSABADO SA PASIG
Agosto 29, 2022

Malugod at taas-kamaong nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita ng matagumpay na Nagsabado sa Pasig. Ang Agosto 1896 ay itinuturing na “Birth of the Nation” (o Pagkasilang ng Bansa) mula nang punitin ng mga rebolusyonaryong pinamunuan ni Gat Andres Bonifacio, ang kanilang sedula. 

Tuwing ika-29 ng Agosto, inaalala ng mga Pasigueño ang Nagsabado sa Pasig. Noong Agosto 29, 1896, halos 2,000 Pasigueño ang nagmartsa papunta sa Plaza (Plaza Rizal ngayon) at napagtagumpayang makuha ang kuta ng mga guardiya sibil. Ayon sa pananaliksik, takipsilim ng Agosto 29, 1896, habang inihahanda ni Bonifacio ang kanyang mga tauhan sa pagsalakay sa Mandaluyong, ang mga anak ng Pasig na pinamumunuan ni Valentin Cruz ay sumalakay naman sa detatsment ng mga Espanyol sa Pasig. Inilarawan ng istoryador ng Pasig na si Dean Carlos Tech ang mga pangyayari tulad ng sumusunod: 

"Gabi ng Agosto 29, ang mamamayan mula sa mga kanayunan ng Pasig na Pineda, Bagong Ilog at Ugong ay tumawid sa Ilog San Mateo hanggang Maybunga, kung saan sila ay nagsanib-puwersa mula sa Santolan, Rosario, Maybunga, Palatiw, Sagad, Poblacion, Pinagbuhatan, Bambang, Kalawaan, Buting at iba pang nayon ng Pasig. Pagkatapos ng ilang huling tagubilin sa labanan, sa determinasyon nilang ipaglaban ang Kalayaan, sa pamumuno ni Heneral Valentin Cruz, ay nagmartsa sa pagsalakay ang magigiting na mga anak ng Pasig, armado ng karit, gulok, sibat, at ilang baril. Ang taong-bayan, na animo’y nasa pista, ay naglipana sa mga lansangan, na pinagbubunyi ang kanilang mga bayani. Nasa 2,000 silang kumakatawan sa bawat pamilya ng Pasig, mula sa lahat ng antas ng lipunan, sa pagpapakita ng pagkakaisa laban sa paniniil. Sinalakay nila ang Tribunal at ang punong-tanggapan ng Guardia Civil, sa ngayon ay tirahan ng Guanio, at nakakumpiska ng 17 ripleng de piston at tatlong Remington. Ang kumander ng Guardia Civil na si Manuel Sityar  ay nagtago sa tore ng simbahan. Ito ay isang mapagpalang gabi para sa Pasig at ang buong bayan ay nagalak sa unang tagumpay ng rebolusyon na naaalala ng matatanda bilang ''Nagsabado.''

Mabuhay ang Matagumpay na Nagsabado sa Pasig noong 1896!

Taas-kamaong nagpupugay ang KPML sa mga rebolusyonaryong Pilipino noong itinatag ang bansa ng Agosto 1896!

Pahayag ng KPML sa National Heroes' Day

PAHAYAG NG KPML SA NATIONAL HEROES’ DAY
Agosto 29, 2022

MABUHAY ANG ATING MGA BAYANI TULAD NINA GAT ANDRES BONIFACIO, MACARIO SAKAY, AT KA EDDIE GUAZON!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng National Heroes’ Day (Pambansang Araw ng mga Bayani) tuwing huling Lunes ng Agosto. 

Ayon sa pananaliksik, Noong 1952, ibinalik ni Pangulong Elpidio Quirino ang petsa ng National Heroes Day pabalik sa huling Linggo ng Agosto. Pinagtibay ito ng Administrative Code ni Pangulong Corazon C. Aquino ng 1987 sa Executive Order No. 292, Book 1, Chapter 7, na naglaan ng listahan ng mga regular holiday at nationwide special days, na nagtatakda ng National Heroes Day bilang isang regular holiday na ipinagdiriwang sa huling Linggo ng Agosto. Noong Hulyo 24, 2007, nilagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang batas ang Batas Republika (RA) Blg. 9492, na nag-amyendahan sa Book 1, Chapter 7 ng Administrative Code. Sa bisa ng R.A. 9492, ang pagdiriwang ng Pambansang Araw ng mga Bayani sa gayon ay pumapatak sa huling Lunes ng Agosto. Ang katwiran sa likod ng hakbang ay ang programang "Holiday Economics" ni Pangulong Arroyo, na naglalayong bawasan ang mga pagkagambala sa trabaho sa pamamagitan ng paglipat ng mga pista opisyal sa pinakamalapit na Lunes o Biyernes ng linggo, upang magbigay-daan para sa mas mahabang bakasyon, paglilibang at turismo.

Sa aming mga maralita, inaalala din namin ang mga bayani ng aming sektor. Isa na rito si Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng KPML, na namatay sa loob ng Senado habang ipinagtatanggol ang mga maralita mula sa demolisyon. Siya'y inatake sa puso habang nakikipagdebate sa loob ng Senado noong Mayo 19, 1989. Si Ka Eddie Guazon, na nagsabing "Ang pabahay ay karapatan ninuman kahit siya pa ay maralita," ay bayani ng mga maralita, kaya nararapat lang gunitain. Ang kanyang buhay at mga aral ay buhay na buhay sa puso't diwa ng mga tulad naming maralita.

Kaya ngayong National Heroes Day, hindi lamang ang mga kilalang bayani sa kasaysayan, tulad nina Gat Jose Rizal, Gat Andres Bonifacio, Gat Emilio Jacinto, at Gat Macario Sakay, ang dapat nating gunitain, kundi ang mga bayaning tulad nina Ka Eddie Guazon, na sa kanilang panahon ay nakipaglaban at kinamatayan ang paglaban para sa kapakanan ng mga maralita.

Lunes, Agosto 22, 2022

Pahayag ng KPML sa ikalimang taon ng pagkapaslang kay Kian Delos Santos

PAHAYAG NG KPML SA IKALIMANG TAON NG PAGPASLANG KAY KIAN DELOS SANTOS
Agosto 22, 2022

ANG PAGHUKAY MULI KAY KIAN AY PAGHAHANAP NG KATOTOHANAN!
KATARUNGAN KAY KIAN DELOS SANTOS!

Sa ikalimang taon ng pagkapaslang kay Kian Delos Santos, muling hinukay ang kanyang mga buto upang malaman ang katotohanan. Ang kanyang labi ay hinukay para sa autopsy nitong Agosto 15, 2022, bisperas ng ikalimang anibersaryo ng kanyang kamatayan, habang sinisikap ng kanyang pamilya na malaman ang higit pa tungkol sa kanyang pagkamatay at panagutin ang iba.

Ang high school student na si Kian Delos Santos ay 17 taong gulang nang barilin siya ng mga pulis sa isang akto na sinabi nilang pagtatanggol sa sarili.
Ngunit ang nakuhang video footage ay sumasalungat sa opisyal na ulat ng pulisya, na nagdulot ng malaking galit ng publiko laban sa madugong kampanyang kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Randy Delos Santos, tiyuhin ng biktima, sa mga mamamahayag sa paghukay sa isang sementeryo sa Maynila noong Lunes na ang bangkay ay ipapa-autopsy sa isang forensic pathologist bilang paghamon ang opisyal na salaysay kung paano napatay ang mga taong tulad ni Delos Santos noong kampanyang War on Drugs. “Nagsasalita pa rin ang mga buto. Pagkatapos ng limang taon, tingnan natin kung makakatuklas pa tayo ng higit pang katotohanan,” (salin ng KPML mula sa Ingles), ang sabi pa ni Mang Randy, at idinagdag na isinusulong ng pamilya na mas maraming tao ang maparusahan sa pagkamatay ng kanyang pamangkin, nang hindi pinangalanan. Na

Ang mga opisyal na rekord ay nagpapakita na ang mga pulis ay pumatay ng 6,252 katao sa panahon ng crackdown kasunod ng halalan ni Duterte noong 2016, lahat ay sa pagtatanggol sa sarili. Sinasabi ng mga grupo ng mga karapatan na pinatay ng pulisya ang mga suspek sa droga sa napakalaking sukat, na itinanggi ng pulisya, at ang libu-libong mahiwagang pagpatay sa kalye ay hindi kasama sa tally.

"Kung talagang gumagana ang sistema ng hustisya, dapat marami ang maparusahan (salin ng KPML mula sa Ingles)," sabi ni Randy Delos Santos, at idinagdag na marami pang ibang kaso na sumasalungat sa mga pahayag ng gobyerno na nanlaban ang mga biktima.

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay mahigpit na nakikiisa sa pamilya Delos Santos sa paghahanap ng katotohanan at mapanagot, di lamang ang mga maysala, kundi ang utak ng ganitong mga karumal-dumal na krimen.

Pinaghalawan ng datos:
https://www.rappler.com/nation/video-kian-delos-santos-digging-for-truth/
https://interaksyon.philstar.com/politics-issues/2022/08/16/225297/kian-delos-santos-body-exhumed-in-fresh-push-for-drug-war-justice/

Pahayag ng KPML sa Buwan ng Wika

PAHAYAG NG KPML SA BUWAN NG WIKA
Agosto 22, 2022

KILALANIN SI ASEDILLO, BUKOD KAY QUEZON, BILANG BAYANI NG WIKANG PAMBANSA

Mahigit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Ang wikang Filipino ang siyang wika, di lamang sa pambansa, kundi ng karaniwang tao, ng manggagawa, ng maralita. Ang paggamit nito sa talastasan at sa mga pahayagan, tulad ng Taliba ng Maralita, na opisyal na publikasyon ng KPML, ay sanhi upang magkaunawaan at magkaisa tayo tungo sa ating pinapangarap na isang lipunang makatao at maunlad na kasama ang lahat.

Nitong nakaraang Agosto 19, na siyang kaarawan ng Ama ng Wikang Pambansa na si dating Pangulong Manuel Luis Quezon, ay ipinagdiwang din sa iba't ibang panig ng bansa, lalo na sa mga paaralan. Subalit bago pa maging tagapagtanggol at maging Ama ng Wikang Pambansa si Manuel L. Quezon, may isa nang kilalang guro sa kasaysayan ang unang nagtanggol sa sariling wika, at siya si Teodoro Asedillo. Ang kanyang buhay ay isinapelikula at ginampanan ng ating Pambansang Alagad ng Sining na si Fernando Poe Jr.

Ayon sa pananaliksik, labing-isang taon naglingkod bilang guro si Maestro Asedillo sa mababang paaralan ng Longos sa lalawigan ng Laguna, mula taong 1910 hanggang 1921. Bilang guro, itinuro niya ang lahat ng aralin sa maghapong pagpasok sa klase ng mga mag-aaral sa elementarya. Siya’y naangat bilang head teacher ngunit nagpatuloy siyang nagturo sa mga batang nasa ikatlo at ikaapat na baytang. Kilala siya sa kahusayan sa pagtuturo. Isang disiplinaryan, ayaw niya sa mga estudyanteng nagbubulakbol, di nagsisikap matuto, at nagsasayang lang ng oras.

Nang panahong iyong sakop ng Amerika ang bansa, ipinagbawal ang paggamit ng sariling wika sa pagtuturo, at yaong gumagamit nito'y pinarurusahan. Isa sa pinagtuunan ng pansin ng mga Amerikanong kolonisador ay ang Department of Public Instruction (DPI) sa kanilang kampanya ng pasipikasyon (pwersahang pagpayapa) at asimilasyon (sapilitang pagpapalunok sa atin ng sarili nilang kultura). Sa pamamagitan ng Philippine Commission Act No. 74 (Enero 1901), iniatas ni Gobernador-Heneral Elwell Otis ang mga sumusunod na polisiya: (1) sentralisadong sistema ng batayang edukasyon; (2) paggamit sa Ingles bilang wikang panturo at komunikasyon; at (3) pagtatatag ng isang kolehiyong normal para sa maramihang pagsasanay ng magiging mga guro.

Ang mga pangyayari at kalagayang ito ang nagtulak sa unang paghihimagsik ni Asedillo. Pinili niyang gamitin ang wikang Pilipino sa halip na wikang Ingles. Iminulat niya ang mga mag-aaral sa kagitingan at aral ng mga bayaning Pilipino, habang tinuruan din niya ang mga mag-aaral ng awiting makabayan. Hindi rin niya ginamit ang mga aklat na sinulat ng mga dayuhang awtor. Dahil dito, siya’y kinasuhan ng insubordinasyon o pagsuway sa kautusan ng kagawaran noong 1923. Ipinagtanggol niya ang sarili at ikinatwirang hindi dapat ipilit sa mga batang Pilipino ang kulturang banyaga sa kanilang karanasan at pang-unawa. Ngunit siya’y natalo at natanggal sa pagtuturo. Ang pamilyang Asedillo ay naghirap ng husto.

Anong saklap na pangyayari! Nang dahil sa pagtatanggol sa sariling wika na dapat gamitin sa pagtuturo, siya pa ang natanggal. Hanggang sa si Asedillo'y mawala sa pagkaguro at naghanap ng ibang trabaho, bilang sakada, bilang pulis, hanggang maging manghihimagsik. 

Sa ganitong punto, kami sa KPML ay nakikiisa sa panawagang dapat kilalaning bayani ng sariling wika si Teodoro Asedillo. Na sana'y may maipasang panukalang batas sa Kongreso at Senado, hanggang maging batas ang pagkilala kay Asedillo bilang tagapagtanggol at Bayani ng Wikang Pambansa.

Pinaghalawan ng datos:
Mula sa https://www.facebook.com/IRESManila/photos/a.498880233873326/519106188517397/?type=3
https://teodoroasedillo.blogspot.com/2016/04/si-teodoro-asedillo-bilang-bayani-ng.html?view=classic

Lunes, Agosto 15, 2022

Pagpupugay sa ika-25 anibersaryo ng Martsa ng Tagumpay ng mga Maralita ng Sitio Mendez

PAHAYAG NG KPML
Agosto 15, 2022

PAGPUPUGAY SA IKA-25 ANIBERSARYO NG MARTSA NG TAGUMPAY NG MGA MARALITA NG SITIO MENDEZ

Taas-kamaong nagpupugay ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa ikadalawampu't limang anibersaryo ng tagumpay ng mga maralita ng Sitio Mendez sa Baesa, Lungsod ng Quezon.

Noong Hulyo 1997, madaling araw ay nademolis ang kabahayan ng may halos 500 pamilya ng maralita sa ASAMBA, (Alyansa ng mga Samahan sa Sitio Mendez, Baesa Homeowners Association). Ang lupain ay pag-aari ng mayamang angkang Araneta. Durog ang mga kabahayan ng maralita sa tinatayang 1.4 ektaryang lupain. Dahil doon, ang mga maralita ay nagmartsa patungo sa Quezon City Hall upang kondenahin ang marahas na demolisyon sa kanilang komunidad. Nagkampo sila ng halos isang buwan sa Quezon City Hall. Maraming tumulong sa laban ng maralita, tulad ng KPML sa pamumuno ni Ka Roger Borromeo, SANLAKAS sa pangunguna ni Tita Flor Santos, Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Zone One Tondo Organization (ZOTO) sa pamumuno ni Ka Lydia Ela, ang artistang Konsehal Anthony Alonzo, at marami pang iba. 

Ang pagkilos na iyon ay tumanggap ng malawakang multi-sektoral at internasyonal na suporta, na nagresulta sa kanilang pagbabalik sa Sitio Mendez at ang pagsasakatuparan ng proyekto ng panlipunang pabahay ng lungsod. Sa pamumuno ni Mayor Ismael Mathay, at mga lider-maralita, ay napagkasunduang bilhin ng pamahalaang lungsod ang lupa para sa kanilang programang socialized housing.

Noong Agosto 15, 1997, matapos ang halos isang buwan, ay inilunsad ng mga maralita ng ASAMBA, sa pamumuno ni Ka Linda Sapiandante, ang halos anim-na-kilometrong makasaysayang "Martsa ng Tagumpay" bilang simbolikong pagbabalik sa kanilang lugar. Muling naitayo ang kanilang mga bahay at pamumuhay sa lugar. Tinulungan din sila ng internasyunal na grupong HABITAT for Humanity sa pagsasaayos ng kanilang mga bagong bahay. Ang pagkilos nila’y patunay na sa pagkakaisa at sama-samang pagkilos ay matatamo ang tagumpay. 

Sa ngayon ay makikita ang KPML street, Sanlakas street, BMP street, at iba pa, sa loob ng komunidad ng ASAMBA. Ang naganap na pagpapaunlad sa lugar ay halimbawa ng on-site, in-city resettlement. Ang aral nito’y aming ginugunita at binibigay na halimbawa sa ibang maralitang walang katiyakan sa paninirahan at may bantang demolisyon.