PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA MATAGUMPAY NA NAGSABADO SA PASIG
Agosto 29, 2022
Malugod at taas-kamaong nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita ng matagumpay na Nagsabado sa Pasig. Ang Agosto 1896 ay itinuturing na “Birth of the Nation” (o Pagkasilang ng Bansa) mula nang punitin ng mga rebolusyonaryong pinamunuan ni Gat Andres Bonifacio, ang kanilang sedula.
Tuwing ika-29 ng Agosto, inaalala ng mga PasigueƱo ang Nagsabado sa Pasig. Noong Agosto 29, 1896, halos 2,000 PasigueƱo ang nagmartsa papunta sa Plaza (Plaza Rizal ngayon) at napagtagumpayang makuha ang kuta ng mga guardiya sibil. Ayon sa pananaliksik, takipsilim ng Agosto 29, 1896, habang inihahanda ni Bonifacio ang kanyang mga tauhan sa pagsalakay sa Mandaluyong, ang mga anak ng Pasig na pinamumunuan ni Valentin Cruz ay sumalakay naman sa detatsment ng mga Espanyol sa Pasig. Inilarawan ng istoryador ng Pasig na si Dean Carlos Tech ang mga pangyayari tulad ng sumusunod:
"Gabi ng Agosto 29, ang mamamayan mula sa mga kanayunan ng Pasig na Pineda, Bagong Ilog at Ugong ay tumawid sa Ilog San Mateo hanggang Maybunga, kung saan sila ay nagsanib-puwersa mula sa Santolan, Rosario, Maybunga, Palatiw, Sagad, Poblacion, Pinagbuhatan, Bambang, Kalawaan, Buting at iba pang nayon ng Pasig. Pagkatapos ng ilang huling tagubilin sa labanan, sa determinasyon nilang ipaglaban ang Kalayaan, sa pamumuno ni Heneral Valentin Cruz, ay nagmartsa sa pagsalakay ang magigiting na mga anak ng Pasig, armado ng karit, gulok, sibat, at ilang baril. Ang taong-bayan, na animo’y nasa pista, ay naglipana sa mga lansangan, na pinagbubunyi ang kanilang mga bayani. Nasa 2,000 silang kumakatawan sa bawat pamilya ng Pasig, mula sa lahat ng antas ng lipunan, sa pagpapakita ng pagkakaisa laban sa paniniil. Sinalakay nila ang Tribunal at ang punong-tanggapan ng Guardia Civil, sa ngayon ay tirahan ng Guanio, at nakakumpiska ng 17 ripleng de piston at tatlong Remington. Ang kumander ng Guardia Civil na si Manuel Sityar ay nagtago sa tore ng simbahan. Ito ay isang mapagpalang gabi para sa Pasig at ang buong bayan ay nagalak sa unang tagumpay ng rebolusyon na naaalala ng matatanda bilang ''Nagsabado.''
Mabuhay ang Matagumpay na Nagsabado sa Pasig noong 1896!
Taas-kamaong nagpupugay ang KPML sa mga rebolusyonaryong Pilipino noong itinatag ang bansa ng Agosto 1896!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento