Biyernes, Setyembre 2, 2011

Demolisyon sa Tikling, Kinondena

PRESS RELEASE
Setyembre 1, 2011

DEMOLISYON SA TIKLING, KINONDENA

Tikling, Brgy. Dolores, Taytay, Rizal - Nabigla ang mga residente sa Tikling sa Brgy. Dolores, Taytay, Rizal sa biglaang demolisyon sa kanilang lugar noong Agosto 31, 2011. Mahigpit na kinondena ng mga residente ang biglaan at marahas na demolisyon na pinangunahan ng DPWH na pawang tauhan ni Engr. Edgardo Peralta, district engineer ng Rizal, kasama ang mga tauhan ng kapitolyo, munisipyo, barangay, SWAT at PNP. Natanggal na ang mga bubong at pader ng mga kabahayan sa lugar na iyon. Walang demolisyon ng sumunod na araw dahil maulan, ngunit nangangamba ang mga residenteng ito'y muling matuloy sa Setyembre 2.

Ayon sa mga residente na kabilang sa bagong tayong Samahang Nagkakaisa ng Tikling (SNT), ilegal ang isinagawang demolisyon dahil: Una, walang aprubadong resolusyon mula sa Local Inter-Agency Committee (LIAC); Ikalawa, walang certificate of compliance (COC); Ikatlo, walang court order; Ikaapat, lokal na ahensya ng gobyerno (DPWH) ang nangunguna sa paggiba ng isang pribadong lugar, na pag-aari ng isang Cecilio Sta. Ana.

Dagdag pa ng mga residente, dapat matigil ang demolisyon hangga't di malinaw ang mga sumusunod: Una, naniniwala silang ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay ay pribadong lupa ayon sa technical description ng titulong nakuha nila na pag-aari ng isang Cecilio Sta. Ana; Ikalawa, wala pang tugon ang Rizal Provincial Government sa kahilingan ng Punong Bayan ng Taytay na magbigay ng certificate of allocation ang kapitolyo para sa allocation sa relocation site; Ikatlo, hindi malinaw at hindi matalakay sa loob ng LIAC ang pagtulong sa mga apektadong pamilya at ang lawak ng lugar na idedemolis; at Ikaapat, walang makatao at disenteng relokasyon na nakalaan para sa mga apektadong pamilya.

Ang lupang kinatitirikan ng kanilang kabahayan ay kasalukuyang pribadong pagmamay-ari ng isang Cecilio Sta. Ana na may Land Registration Authority (LRA) No. Lot 5455-A-Lot 30810, Cad. 688, Cainta-Taytay Cadastre na may kabuuang sukat na five thousand forty six square meters (5,046 sq.m.). Ayon sa Seksyon 28 ng RA 7279 (Urban Development and Housing Act): “Ang ebiksyon at demolisyon na nakagawiang gawin ay hindi na pahihintulutan. Gayunpaman, maaaring pahintulutan ang ebiksyon at demolisyon sa ilalim ng mga sumusunod na sitwasyon: (c) Kapag may utos mula sa korte para sa ebiksyon at demolisyon.” Maliwanag sa batas na hindi dapat paalisin ang mga residente kung walang court order pagkat pribado at hindi pampublikong lupa ang kinatitirikan ng kanilang kabahayan. Tanong nga ng mga residente: Bakit nagkukumahog ang isang Engr. Peralta na isagawa ang demolisyon kahit ito'y labag sa batas? Sadya ngang terorismo ang demolisyon!

Sa 75 pamilyang apektado ng demolisyon, 24 na sa kanila ang natatanggal at ngayon ay nasa basketball court. Ang ilan umano'y dinala na sa Pinugay, sa tulong ng trak ng gobernador at ng mayor ng Taytay. Di pa maliwanag kung ang proyekto ay roadwidening, pag-aayos ng creek, paglilipat ng mga vendor na nakatira doon sa bagong itatayong palengke, atbp. Nagtuturuan umano na iyon ay proyekto ng gobernador, proyekto ng mayor o proyekto ng DPWH, di malinaw sa mga tao. At pinipili lang umano ang bibigyan ng relokasyon. Yung may stall o tindahan ay walang relokasyon. Yung may residente, meron. Ngunit yung mga residente na may tindahan ay wala ring relokasyon.

Payag naman ang mga tao na mapunta sa relokasyon, basta't may maayos na paglilipatan at walang marahas na demolisyon. Karamihan ng mga residente'y mahigit nang tatlumpung taon nang nakatira sa lugar na iyon.

Nagpunta ang ilang residente sa tanggapan ng PCUP (Presidential Commission for the Urban Poor) nitong Setyembre 1, at gumawa ng liham ang PCUP para kay Taytay Mayor Gacula na matigil ang demolisyon hangga't walang kalinawan hinggil dito, at binigyan din ng kopya ang CHR, DPWH, DILG, at iba pang ahensya ng pamahalaang may kinalaman sa isyu ng demolisyon sa Tikling.

Nananawagan ang mga residente sa mga samahang maralita sa iba’t ibang lugar na suportahan ang kanilang laban at sama-samang tutulan ang demolisyon sa kanilang lugar. (KPML News Online)

Walang komento: