LABANAN ANG KAHIRAPAN!
IBASURA ANG VAT AT OIL DEREGULATION LAW!
Hindi lamang mga tsuper ng mga pampasaherong dyip, taksi at bus ang apektado ng pagtaas ng presyo ng langis. Higit na tinatamaan dito ang mga consumer o ang taumbayan. Sa bawat pagtaas ng presyo ng langis, tataas tiyak ang presyo ng mga pangunahing bilihin, tulad ng bigas, isda, karne, gulay, at iba pa. Alam ito ng mga maralita. Dagdag na naman itong pahirap sa dati nang kalunos-lunos na kalagayan ng mga maralita't manggagawa.
Monopolyado na ng malalaking kumpanya ng langis sa bansa ang pamilihan. Sa bawat pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan, itinataas din ng lokal na mga kumpanya ng langis ang presyo. Ngunit pag bumaba naman sa world market ang presyo ng langis, alam nyo bang napakakaunti lang ang ibababa, kung ibababa, ng mga lokal na higanteng kumpanya ng langis ang presyo. Maliwanag ang mga pagsasamantala ng mga kumpanya ng langis upang lalong magkamal ng limpak-limpak na tubo habang isinasakripisyo ang buhay ng karaniwang mamamayan.
Ngunit ang sabi ng pamahalaan, wala raw silang magagawa. Pagkat itinali na raw ang kamay nila ng oil deregulation law. Aba'y huwag silang magpatali doon. May magagawa sila kung talagang nais nilang maglingkod sa samabayanan. May magagawa sila kung totoo ngang ang sambayanan ang Boss ni P-Noy. May magagawa sila kung talagang walang corrupt upang walang maghirap. May magagawa sila kung talagang ang nilalandas nila'y tuwid na daan. Sabi nga, pag gusto, maraming paraan, pag ayaw, maraming dahilan.
Ang dapat nilang gawin, ibasura ang oil deregulation law upang maibalik sa pamahalaan ang pagdikta ng presyo ng langis, at hindi ang merkado ang bahala sa pagtaas at pagbaba ng presyo nito.
Dapat patunayan ng pamahalaang ito na tunay nga silang naglilingkod sa sambayanang Pilipino, at hindi sa mga dambuhalang kumpanya ng langis na patuloy na nagsasamantala sa ating mga kababayan.
Dapat patunayan ng pamahalaan ni P-Noy na may magagawa sila dahil ang tumatahak nga tayo sa tuwid na landas, o marahil kaya ayaw nilang gawin dahil ang nilalandas natin ay tuwid na daan patungong impyerno.
Mamamayan, magkaisa. Labanan ang kahirapan. Labanan ang mga nagpapahirap sa sambayanan. Sama-sama tayong kumilos upang igiit:
1. Panagutin ang mga manlolokong kuimpanya ng langis sa bansa.
2. Agarang i-rolbak ang presyo ng mga produktong petrolyo higit pa sa P9.00 kundi sa makatarungang presyo nito.
3. Ibasura ang Oil Deregulation Law.
4. Alisin ang Value-Added Tax sa Langis at iba pang kalakal na mahalaga sa buhay ng manggagawa at masang Pilipino.
KONGRESO NG PAGKAKAISA NG MGA MARALITA NG LUNGSOD (KPML)
PAGKAKAISA NG MANGGAGAWA SA TRANSPORTASYON (PMT)
Setyembre 20, 2011
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento