Biyernes, Setyembre 2, 2011

Pahayag Laban sa Demolisyon at PPP-PDP ni P-Noy


PRESS STATEMENT
Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod - National Capital Region-Rizal (KPML-NCRR)
Setyembre 2, 2011


LABANAN ANG DEMOLISYON! 
TUTULAN / LABANAN ANG PPP / PDP NI P-NOY!

Sa gitna ng sala-salabat na krisis ng kahirapan, mararahas na demolisyon ang naganap sa 254 Old Balara, Quezon City at sa Tikling, Brgy. Dolores, Taytay, Rizal. Ito'y sa kabila ng malakas na buhos na ulan at tahasang paglabag sa Republic Act 7279 (UDHA). Kasabwat ang mga pulis sa mga berdugong bayarang demolition team ng Quezon City at Kapitolyo ng Rizal.

Ang mga huling pangyayari ay patunay na si P-Noy ay walang pinag-iba kay Gloria at sa iba pang mga naging pangulo ng Pilipinas na pahirap at kaaway ng maralita.

Pebrero, Marso, Abril, kunwari ay walang demolisyon at ebiksyon ang pahayag ni P-Noy pero higit pa sa demolisyon ang sunud-sunod na panununog sa mga komunidad na tirahan ng mga iskwater sa sariling bayan.

Mayo, pinulbos at patuloy na dudurugin ang mga maralita sa tinaguriang danger zone, na pwersahang itatapon sa mga death zone na relokasyon.

Dalawang buwan (Agosto 27, 2011 hanggang Oktubre 27, 2011) ang taning sa mahigit 3 libong maralitang pamilya sa Sitio San Roque, North Triangle, EDSA, Brgy. Pag-asa, para lubusin ang proyektong QC-CBD na pinagsaluhan ng Ayala at Henry Sy.

Ang nagaganap ay simula ng kabuuang senaryo ng plano ni P-Noy – ang pagpapalayas sa mahigit na 560,000 maralita sa Metro Manila, at iluluwal nito ang pag-aaklas ng maralita laban sa PPP / PDP ni P-Noy.

Tuwid – diretso sa impyerno ang programang PPP (public-private partnership) at PDP (Philippine Development Program) ni P-Noy, pambubusabos sa maralita ang tunay na kahulugan ng "Kayo ang Boss ko! Kayo UBOS ko!"

Kita ito sa mga pahayag ni P-Noy sa mga naganap na pakikipag-usap sa mga maralita mismo sa Malakanyang (Mayo 8, 2011). Sa harapan ng pag-uusap, sabi ni P-Noy na isang "stupid idea" ang moratorium sa demolisyon. Kita ito sa kanyang mga panukalang priority bill sa Kongreso at Senado, ang nakasalang na panukalang DHUD (Department of Housing and Urban Development) at ang pag-amyenda sa UDHA.

Ang una ay para sa pagsasapribado ng serbisyo sa pabahay. Ang kasunod ay ang pagwawakas sa anumang pag-asa ng mga maralita sa pabahay.

Maralita, Magkaisa! Tutulan, Labanan ang PPP / PDP ni P-Noy!

Walang komento: