Martes, Hulyo 29, 2014

SONA 2014: "AQUINO, PATALSIKIN! ITAKWIL ANG ELITISTANG REHIMEN!"

SONA 2014: "AQUINO, PATALSIKIN! ITAKWIL ANG ELITISTANG REHIMEN!"

Lunes, Hulyo 28, 2014 - Nagmartsa patungo sa Batasang Pambansa, ngunit hinarang na agad ang mga raliyistang nananawagan ng pagpapatalsik kay Noynoy Aquino sa pwesto, sa ikalimang SONA (State of the Nation Address) ni Pangulong Noynoy Aquino, dalawang taon bago matapos ang kanyang termino. Mula sa Tandang Sora ay hindi man lang nakarating kahit sa Gotesco ang mga raliyista dahil hinarang na sila ng mga pulis, kaya nagpasya na silang magprograma isang kilometro bago mag-Ever Gotesco, sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.

Dala ang malaking streamer na de-gulong na may panawagang "Aquino, Patalsikin! Itakwil ang Kurap at Elitistang Rehimen! Itayo ang Gobyerno ng Masa!" at malaking dilaw na krus na nakasulat ang "Pasakit sa Manggagawa - BMP" at "Patalsikin!", sama-samang nagmartsa ang mga grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), SANLAKAS, Partido Lakas ng Masa (PLM), Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO), Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA), SUPER-Federation, Piglas Kabataan (PK), Makabayan-Pilipinas, Koalisyon Pabahay Pilipinas (KPP), atbp. Sumama rin sa kanila ang grupong Manggagawang Sosyalista (MASO) at Teachers' Dignity Coalition (TDC).

Kasabay nilang magprograma ang mga grupong nasa ilalim ng Freedom from Debt Coalition (FDC) at Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ).

Ang SONA ay ginaganap tuwing ikaapat na Lunes ng Hulyo.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Walang komento: