Martes, Marso 24, 2020

Pahayag ng KPML sa World Tuberculosis Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD TUBERCULOSIS DAY
Marso 24, 2020

Bawat taon, ginugunita natin ang World Tuberculosis (TB) Day tuwing Marso 24 upang madagdagan ang kamalayan ng publiko tungkol sa TB, at magkaroon ng pagsisikap na wakasan ang pandaigdigang epidemya ng TB. Itinakda ang petsa noong 1882 nang ipinahayag ni Dr. Robert Koch na natuklasan niya ang bakteryang nagdudulot ng TB, na nagbukas ng daan tungo sa paglutas at pagpapagaling ng sakit na ito.

Sa ating bansa, namatay si dating Pangulong Manuel Luis Quezon noong 1944 dahil sa tuberkulosis. Dahil nitong Marso 21 ay World Poetry Day, nais nating sabihing batay sa pananaliksik, marami ring makata ang namatay dahil sa tuberkulosis, tulad ng mga sikat na makatang sina John Keats, Elizabeth Barrett Browning, Robert Burns, Paul Eluard, Saima Harmaja, atbp. Namatay rin sa TB ang mga manunulat na sina Anton Chekhov, Stephen Crane, Maxim Gorky, Dashiell Hammett, Franz Kafka, Jules Laforgue, William Somerset Maugham, Guy de Maupassant, George Orwell, Alexander Pope, Voltaire, at ang mga rebolusyonaryong sina Simon Bolivar at John Reed.

Sa natuklasan ni Dr. Koch hinggil sa TB, nawa'y matuklasan na rin ang bakteryang nagpasulpot sa COVID-19 at malutas na rin ito sa lalong madaling panahon. Nawa'y agaran nang magamot ang mga may TB, lalo na yaong tinamaan ng COVID-19, at malunasan na ang mga karamdamang ito sa lalong madaling panahon.

Pahayag ng KPML sa International Day for the Right to the Truth Concerning Gross Human Rights Violations and for the Dignity of Victims

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY FOR THE RIGHT TO THE TRUTH CONCERNING HUMAN RIGHTS VIOLATIONS AND FOR THE DIGNITY OF VICTIMS
Marso 24, 2020

Ginugunita tuwing Marso 24 taun-taon ang International Day for the Right to the Truth Concerning Gross Human Rights Violations and for the Dignity of Victims. Ang taunang paggunitang ito ay bilang pagbibigay-pugay sa alaala ni Monsignor Óscar Arnulfo Romero, na pinatay noong ika-24 ng Marso 1980. Aktibo si Monsignor Romero sa pagtuligsa sa mga paglabag sa karapatang pantao sa El Salvador. 

Dito rin sa ating bansa ay maraming naging biktimang inosente ang War on Drugs ng pamahalaan. Ilan sa mga biktima nito ay sina Danica Mae Garcia, 5 taong gulang,  Francisco Manosca, 5, at Althea Barbon, 4. 

Kaya kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay nananawagan: Nawa'y magkaroon ng katarungan ang mga inosenteng batang biktima ng walang awang tokhang at War on Drugs. Panagutin lahat ng ngingisi-ngising kriminal! Hustisya sa lahat ng inosenteng biktima!

Linggo, Marso 22, 2020

Pahayag ng KPML wa World Water Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD WATER DAY
Marso 22, 2020

Sa okasyon ng pagdiriwang sa Pandaigdigang Araw ng Tubig o World Water Day, kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay nananawagan sa Maynilad at Manila Water, pati na sa Prime Water na pag-aari ng Villar, na ilibre na ang pagbabayad ng tubig ng mga maralita sa panahong ito ng COVID-19. 

Sobra-sobra na ang kanilang tinutubo sa tubig na ginawa na nilang negosyo, imbes na ito’y serbisyo sa mamamayan. 

Napakasimpleng panawagan ng mga maralitang isang kahig, isang tuka na nga, at may pananalasa pa ng sakit, ay nariyan pa ang mataas na bayaring tubig. 

Nawa ang aming munting kahilingan ay mapakinggan at mapagbigyan ng kinauukulan.

Sabado, Marso 21, 2020

Pahayag ng KPML sa International Day of Forest

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY OF FORESTS
Marso 21, 2020

Mahalaga ang kagubatan sa ating buhay bilang tao, kahit tayo man ay wala sa bundok o lalawigan, kundi pawang nasa kalunsuran, o iskwater sa sariling bayan. Pagkat sinasaklaw ng kagubatan ang maraming mahahalagang likasyaman sa buong mundo. 

Subalit marami nang kagubatan ang nakakalbo dahil sa kapitalismo at pagiging ganid ng tao sa salapi. Gayunpaman, ayon sa United Nations, nasa 1.6 bilyong tao - kabilang ang higit sa 2,000 mga katutubong kultura - ang umaasa sa kagubatan para sa kanilang kabuhayan, gamot, gasolina, pagkain at tirahan. 

Nang dineklara ng United Nations ang Marso 21 bilang International Day of Forest noong 2012, kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay mahigpit na nakikiisa sa pamawagang pangalagaan natin ang ating mga kagubatan.

Pahayag ng KPML sa International Day for the Elimination of Racial Discrimination

PAHAYAG NG KPML SA INTERNATIONAL DAY FOR THE ELIMINATION OF RACIAL DISCRIMINATION (PANDAIGDIGANG ARAW UPANG MAPAWI ANG DIKSRIMINASYON SA LAHI)
Marso 21, 2020

Ang International Day for the Elimination of Racial Discrimination ay ginugunita taun-taon dahil sa nangyaring pag-atake at pagpaslang ng mga pulis sa Sharpeville, South Africa sa 69 katao sa isang mapayapang demonstrasyon laban sa "ipinasang batas" hinggil sa apartheid noong 1960. Tulad din ito ng naganap na Mendiola massacre, na ikinamatay ng mga magsasakang nagmartsa sa Mendiola noong Enero 22, 1987, at Kidapawan massacre kung saan mga magsasakang nagugutom ang nagsagawa ng demonstrasyon sa Kidapawan noong Abril 1, 2016. Hindi lang racial discrimination, kundi class discrimination ang naganap. Mahirap lang kasi ang mga magsasakang pinagsasamantalahan ng mayayaman.

Noong 1979, pinagtibay ng United Nations General Assembly ang Marso 21 taun-taon bilang pagmumulat laban sa rasismo at anumang diskriminasyon. Mahigpit na nakikiisa ang KPML sa paggunita ng araw na ito upang matigil na ang diskriminasyon batay sa balat, kasarian, lahi o anupamang pagkakaiba.

Pahayag ng KPML sa World Poetry Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD POETRY DAY
(PANDAIGDIGANG ARAW NG TULA)
Marso 21, 2020

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taos-pusong nakikiisa sa pagdiriwang ng World Poetry Day tuwing, Marso 21 sa buong daigdig. Kinikilala ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ang natatanging kakayahan ng tula upang maging malikhain ang diwa ng tao. Pinagtibay sa ika-30 sesyon ng UNESCO na ginanap sa Paris noong 1999 ang desisyong ipahayag ang Marso 21 bawat taon bilang World Poetry Day (Pandaigdigang Araw ng Tula).

Bagamat ipinagdiriwang sa ating bansa ang buwan ng Abril bilang Buwan ng Panitikan, kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan ni Francisco Balagtas tuwing Abril 2, ang World Poetry Day tuwing Marso 21 ay isang malaking hakbang upang muli nating balikan ang mga dakilang makata ng ating bayan, tulad nina Francisco Balagtas, Jose Corazon de Jesus, Florentino Collantes, Emilio Mar. Antonio, Benigno Ramos, at marami pang iba. Nais nating balikan ang ating mga katutubong pagtula, tulad ng dalit, tanaga, diona, talindaw, gansal, ambahan, bugtong, at marami pang iba upang ipaalala sa mga susunod pang henerasyon na tayo’y may katutubong pagtulang may sukat at tugma na dapat nilang maunawaan, at kung maaari ay lumikha at kumatha rin sila ng tula.

Ang tulang likha ng maralita, karaniwan, ay ekspresyon ng kanilang pagdurusa sa karukhaan, at tapang na makibaka upang maalpasan ang kahirapan, at pangarap na magkaroon ng pagbabago sa lipunan, at kamtin ang ginhawang ipinaglaban ng mga Katipunero noon pa man. Nawa, ngayong World Poetry Day, patuloy nating isulat sa malikhaing pagtula ang ating pagnanasang pagbabago para sa ikabubuti ng lahat.

Huwebes, Marso 19, 2020

Ang Hasik ng Katipunan, ang Buklod ng BMP, at ang KASAMA ng KPML

ANG HASIK NG KATIPUNAN, ANG BUKLOD NG BMP, AT ANG KASAMA KPML
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

May ninuno pala ang BUKLOD ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at ang dating KASAMA ng grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Ito ang HASIK ng KKK o Katipunan nina Gat Andres Bonifacio.

Sa aklat na "Kartilyang Makabayan: Mga Tanong at Sagot Ukol Kay Andres Bonifacio at sa KKK" na sinulat ni Hermenegildo Cruz, ay nabanggit ang pagbubuo ng Hasik na maihahalintulad sa pagbubuo ng Buklod ng BMP, at dating KASAMA (Kapatiran ng mga Sosyalistang Aktibistang Maralita), ng KPML na binago na't ginawa na ring Buklod na ibinatay sa BMP. Sa pahina 21 ng nasabing aklat ay nasusulat: 

25. - Sa papaanong paraan ginagawa ang pagkuha ng kasapi? - Sa bawa't pook ay nagtatayo ng isang wari'y lupon na kung tawagin ay "Hasik" na binubuo ng tatlo katao na parang tatlong tungko. Ang "Hasik" na ito ang siyang sa inot-inot ay nanghihikayat upang may sumapi sa "Katipunan". Pagdamidami na ng mga kasangayon ay saka pa lamang itinatayo ang "Balangay" na pinamumunuan ng isang lupon na ang mga tungkulin ay tulad din ng sa Kataastaasang Lupon. Ang mga "Hasik" na yaon ay di na ipinagpatuloy ng malapit na ang tangkang panahon sa paghihimagsik, pagka't ang mga taong baya'y halos naguunahan nang sila'y mapabilang sa "Katipunan".

Ang pagbubuo ng Buklod ng BMP ay naisulat ng namayapang Ka Popoy Lagman sa akda niyang PAGKAKAISA na nalathala sa magasing Tambuli ng BMP noong Disyembre 1998. Halina't sipiin natin ang ilang bahagi nito:

"Dapat ay mas madali ang magbuo ng grupo o sirkulong pampulitika ng lima hanggang sampu katao sa bawat kompanya (tawagin natin na mga buklod) kaysa magbuo ng unyon na kinakailangang dumaan sa mga ligal at teknikal na proseso. Upang mapatampok ang pampulitikang tungkulin at katangian ng BMP, mas wasto at mas mahusay na ang magiging ispesyalisasyon nito ay ang pagbubuo ng network ng mga grupo o sirkulong pampulitika sa pinakamaraming kompanyang maaabot nito na mas nakatuon sa pampulitikang pagkamulat, pagkakaisa, pagkakaorganisa at pakikibaka ng masang manggagawa bilang uri."

"Oryentasyon ng mga buklod na ito ang aktibong paglahok sa pang-unyong pakikibaka nang hindi binabago ang prinsipal na diin sa pampulitikang pag-oorganisa. Bawat lider, organisador at aktibista ng BMP ay dapat magkaroon ng mga target na kompanyang tatayuan nila ng mga buklod. Dapat ay walang tigil ang araw-araw na pagbubuo ng mga buklod na ito hanggang sa malatagan natin ang mayorya ng mga kompanya sa buong bansa ng ganitong network ng sosyalistang pagkakaisang makauri bilang preparasyon sa paglubha ng krisis ng globalisasyon at pag-igpaw ng kilusan ng uring manggagawa sa antas ng pampulitikang pakikibaka."

Sa bahagi naman ng KPML, binuo noon ang KASAMA upang maipalaganap ang makauring pagkakaisa ng mga maralita bilang proletaryado at ng uring manggagawa sa kabuuan. Katatampukan ang KASAMA ng pag-oorganisa at pampulitikang pagmumulat. Ayon sa Oryentasyon ng KASAMA: "Ang KASAMA ay isang pampulitikang grupo o sirkulo (mga 5-10 katao) ng mga mulat na maralita sa loob ng isang lokal na organisasyon at komunidad na kinikilusan ng KPML, o kaya'y mga indibidwal na maralitang wala pang organisasyon sa isang komunidad."

"Binuo ang KASAMA bilang katuwang ng KPML sa pagkokonsolidad sa ating mga kinikilusang komunidad. Pagkat sila ang mga mulat (may mataas na pampulitikang kamalayan) na maralita sa loob ng kanilang mga lokal na organisasyon, pangungunahan nila ang kanilang samahan sa mga pagkilos sa loob at labas ng kanilang mga komunidad, at magsasagawa ng pagmumulat sa hanay ng kasapian at maging sa iba pang organisasyon at mga kalapit pang komunidad. Ang mga KASAMA ang siyang magiging gulugod sa pag-oorganisa at pagkokonsolida ng ating organisasyon at mga komunidad na kinikilusan."

Sa ngayon, napagpasyahan na ng KPML na mas mainam na gamitin ang Buklod, at nawala na ang pag-oorganisa ng Kasama bilang pagtalima sa atas ng BMP, kung saan kasaping organisasyon ang KPML, na magtayo ng Buklod sa mga komunidad ng maralita upang palakasin ang sosyalistang kilusan.

Maraming salamat sa Katipunan, at may pinagmanahan pala ang BMP at KPML bilang mga mapagpalayang organisasyon tungo sa pagtatayo ng lipunang walang pang-aapi at pagsasamantala ng tao sa tao.

Mga pinaghalawan:
aklat na "Kartilyang Makabayan: Mga Tanong at Sagot Ukol Kay Andres Bonifacio at sa KKK" na sinulat ni Hermenegildo Cruz, (inilimbag, 1922), pahina 22
http://popoylagman.blogspot.com/2009/07/pagkakaisa-akda-ni-ka-popoy-lagman.html
https://kpml-org.blogspot.com/2008/04/ang-pagbubuo-ng-kasama.html

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2020, pahina 18-19.

Sabado, Marso 14, 2020

Pahayag ng KPML sa International Day of Mathematics


PAHAYAG NG KPML SA PAGDIRIWANG NG KAUNA-UNAHANG INTERNATIONAL DAY OF MATHEMATICS (PANDAIGDIGANG ARAW NG MATEMATIKA) NGAYONG 2020
Marso 14, 2020

Kaakibat na ng mga maralita sa pang-araw-araw nilang pamumuhay. Mula sa pagbibilang ng baryang pamasahe ng mga anak, pagbibilang kung magkano ang badyet ng pagkain sa bahay, mga bayarin sa araw-araw, bayad sa matrikula ng anak, ang matematika’y karugtong na ng buhay. 

Ipinahayag ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ang Marso 14 bilang International Day of Mathematics (IDM).  Ito ay inilunsad ng UNESCO sa ika-40 sesyon ng Pang-kalahatang Kumperensya nito noong Nobyembre 26, 2019. Unang ipinag-diwang ang International Day of Mathematics ngayong Marso 14, 2020.

Layunin nitong ipagdiwang ang kagandahan at kahalagahan ng matematika at ang mahalagang papel nito sa buhay ng lahat. Pinangunahan ng International Mathematical Union (IMU) ang proyekto hanggang sa ipahayag ng UNESCO ang Marso 14 bilang International Day of Mathematics. Ipinagdiriwang din ang Marso 14 sa maraming bansa bilang Pi Day (Araw ng Pi) dahil ang nasabing petsa ay nakasulat bilang 3/14 sa ilang bansa, at dahil ang mathematical constant na Pi ay tinatayang nasa 3.14.

Kaya sa mga susunod pang Marso 14, sa Pandaigdigang Araw ng Matematika, mahigpit na nakikiisa ang KPML sa pagdiriwang nito.

Martes, Marso 10, 2020

Pahayag ng KPML hinggil sa Anti-Terrorism Bill


PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA ANTI-TERRORISM BILL
Marso 10, 2020

IPAGTANGGOL ANG KARAPATAN NG MAMAMAYAN!

Ang KPML, bilang sosyalistang organisasyon, ay naniniwalang dapat baguhin ang sistemang mapang-api at mapagsamantala. At ito’y lagi naming ipinapahayag. Nakasaad mismo ito sa Saligang Batas ng KPML, Deklarasyon ng mga Prinsipyo, Artikulo 2, Seksyon 4. “Bilang sosyalistang organisasyon, itinatakwil ng KPML ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, dahil ito ang pinag-uugatan ng malaganap na kaapihan, kahirapan at pagsasamantala ng tao sa kapwa tao.”

Sa harap ng mga problema sa lipunan, tulad ng kahirapan at pagsasamantala sa aming mga maralita, nangangarap kami ng isang lipunang makakaranas ng ginhawa ang aming mga anak, at walang pang-aapi, pandarahas o pagsasamantala. Subalit sa kalagayang may mga naghaharing uri sa lipunan, na siyang dahilan ng mga pang-aapi, kaming mga maralita ay nangangarap at nagsisikap maitayo ang lipunang walang mapagsamantala. Subalit hinahadlangan ang mga pagsisikap na ito ng bantang pagpasa ng Anti-Terrorism Bill, na inamyendahan ang Human Security Act of 2007.

Kami bang may pangarap na marangal para sa aming maralita, at lumalaban sa mga maling polisiya ng naghaharing uri’t elitista sa lipunan, dahil ba kaiba ang aming paniniwala, ituturing agad kaming terorista? Terorismo na ba ang magnais ng isang lipunang pantay at walang pagsasamantala ng tao sa tao? Nasaan na ang kalayaan at karapatan ng simpleng mamamayan, na ang pinagtatanggol lang ng nasabing panukala ay ang mga elitistang takot maghimagsik ang kanilang mamamayan, at nais manatili ng habambuhay sa kapangyarihan. Dapat ibasura ang Anti-Terrorism Bill dahil proteksyon lang ito sa mayayaman, habang ginigipit nito ang karapatang pantao ng mahihirap na mamamayan!

Martes, Marso 3, 2020

Pahayag ng KPML hinggil sa World Wildlife Day


PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA WORLD WILDLIFE DAY (PANDAIGDIGANG ARAW NG MGA BUHAY NA ILAHAS)
Marso 3, 2020

HUWAG MAGTAPON NG BASURA KUNG SAAN-SAAN

Ngayong World Wildlife Day, ating isipin ang kapakanan ng ating mga kapwa nilalang, ang mga hayop sa lupa, ang mga ibon sa papawirin, at mga isda sa ilog at dagat. Maraming isda ang nakakakain ng mga plastik at upos ng sigarilyo, na nagdudulot ng kanilang kamatayan, gayong hindi sila ang nagkalat ng mga plastik at hindi rin sila nagyoyosi.

Noong ika-20 ng Disyembre 2013, ipinasa ng United Nations General Assembly ang resolusyong 68/205 sa ika-68 na sesyon nito na ipinahayag ang Marso 3, na siyang pandaigdigang araw ng pagpapatibay ng Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES). Iminungkahi ng Thailand na ideklara itong World Wildlife Day upang ipagdiwang at itaas ang kamalayan ng tao hinggil sa mga mga ligaw na fauna at flora sa mundo. At upang mapangalagaan ito, dapat nating baguhin ang ating maling pag-uugali sa kalikasan, na siyang nagiging dahilan upang ito’y masira o mawala.

Linggo, Marso 1, 2020

Pahayag ng KPML hinggil sa Zero Discrimination Day


PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA ZERO DISCRIMINATION DAY (ARAW NG KAWALAN NG DISKRIMINASYON)
Marso 1, 2020

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taospusong nakikiisa sa lahat ng mamamayang nakikibaka upang mawala na ang diskriminasyon. Sa akdang “Liwanag at Dilim” ni Gat Emilio Jacinto ay kanyang sinabi: “Iisa ang pagkatao ng lahat!” Napakalinaw na sinabi na niya sa ating wala dapat diskriminasyon sa sinuman, pagkat iisa lamang tayo, bilang taong may dangal, bilang taong magkakapatid. At di dapat pag-usapan ang uring pinanggalingan, kung mayaman ka ba o mahirap pa sa daga.

Tuwing Marso 1, maraming tao sa mundo ang nagsasama-sama upang ipagdiwang ang Zero Discrimination Day. Unang ipinagdiwang ng United Nations ang Zero Discrimination Day noong Marso 1, 2014, pagkatapos ng UNAIDS, isang programa ng UN sa immunodeficiency virus (HIV) at Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS), nang inilunsad ang Zero Discrimination Campaign,World AIDS Day 2013.

Kaya kami sa KPML ay taas-kamaong nagpupugay sa lahat ng nakikibaka para palitan na ang bulok na sistema ng lipunan at itayo ang isang lipunang pantay-pantay at walang pagsasamantala ng tao sa tao.