Sabado, Marso 21, 2020

Pahayag ng KPML sa World Poetry Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD POETRY DAY
(PANDAIGDIGANG ARAW NG TULA)
Marso 21, 2020

Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taos-pusong nakikiisa sa pagdiriwang ng World Poetry Day tuwing, Marso 21 sa buong daigdig. Kinikilala ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ang natatanging kakayahan ng tula upang maging malikhain ang diwa ng tao. Pinagtibay sa ika-30 sesyon ng UNESCO na ginanap sa Paris noong 1999 ang desisyong ipahayag ang Marso 21 bawat taon bilang World Poetry Day (Pandaigdigang Araw ng Tula).

Bagamat ipinagdiriwang sa ating bansa ang buwan ng Abril bilang Buwan ng Panitikan, kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan ni Francisco Balagtas tuwing Abril 2, ang World Poetry Day tuwing Marso 21 ay isang malaking hakbang upang muli nating balikan ang mga dakilang makata ng ating bayan, tulad nina Francisco Balagtas, Jose Corazon de Jesus, Florentino Collantes, Emilio Mar. Antonio, Benigno Ramos, at marami pang iba. Nais nating balikan ang ating mga katutubong pagtula, tulad ng dalit, tanaga, diona, talindaw, gansal, ambahan, bugtong, at marami pang iba upang ipaalala sa mga susunod pang henerasyon na tayo’y may katutubong pagtulang may sukat at tugma na dapat nilang maunawaan, at kung maaari ay lumikha at kumatha rin sila ng tula.

Ang tulang likha ng maralita, karaniwan, ay ekspresyon ng kanilang pagdurusa sa karukhaan, at tapang na makibaka upang maalpasan ang kahirapan, at pangarap na magkaroon ng pagbabago sa lipunan, at kamtin ang ginhawang ipinaglaban ng mga Katipunero noon pa man. Nawa, ngayong World Poetry Day, patuloy nating isulat sa malikhaing pagtula ang ating pagnanasang pagbabago para sa ikabubuti ng lahat.

Walang komento: