Marso 10, 2020
IPAGTANGGOL ANG KARAPATAN NG MAMAMAYAN!
Ang KPML, bilang sosyalistang organisasyon, ay naniniwalang dapat baguhin ang sistemang mapang-api at mapagsamantala. At ito’y lagi naming ipinapahayag. Nakasaad mismo ito sa Saligang Batas ng KPML, Deklarasyon ng mga Prinsipyo, Artikulo 2, Seksyon 4. “Bilang sosyalistang organisasyon, itinatakwil ng KPML ang pribadong pagmamay-ari ng mga kasangkapan sa produksyon, dahil ito ang pinag-uugatan ng malaganap na kaapihan, kahirapan at pagsasamantala ng tao sa kapwa tao.”
Sa harap ng mga problema sa lipunan, tulad ng kahirapan at pagsasamantala sa aming mga maralita, nangangarap kami ng isang lipunang makakaranas ng ginhawa ang aming mga anak, at walang pang-aapi, pandarahas o pagsasamantala. Subalit sa kalagayang may mga naghaharing uri sa lipunan, na siyang dahilan ng mga pang-aapi, kaming mga maralita ay nangangarap at nagsisikap maitayo ang lipunang walang mapagsamantala. Subalit hinahadlangan ang mga pagsisikap na ito ng bantang pagpasa ng Anti-Terrorism Bill, na inamyendahan ang Human Security Act of 2007.
Kami bang may pangarap na marangal para sa aming maralita, at lumalaban sa mga maling polisiya ng naghaharing uri’t elitista sa lipunan, dahil ba kaiba ang aming paniniwala, ituturing agad kaming terorista? Terorismo na ba ang magnais ng isang lipunang pantay at walang pagsasamantala ng tao sa tao? Nasaan na ang kalayaan at karapatan ng simpleng mamamayan, na ang pinagtatanggol lang ng nasabing panukala ay ang mga elitistang takot maghimagsik ang kanilang mamamayan, at nais manatili ng habambuhay sa kapangyarihan. Dapat ibasura ang Anti-Terrorism Bill dahil proteksyon lang ito sa mayayaman, habang ginigipit nito ang karapatang pantao ng mahihirap na mamamayan!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento