Pahayag ng KPML laban sa Death Penalty
Hulyo 30, 2020
Nahaharap na naman sa panibagong isyu ng karapatang pantao ang sambayanang nakikibaka upang kamtin ang panlipunang hustisya. Nahaharap na naman ang bayan sa panibagong banta.
Pagkat binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na dapat muling isabatas ang death penalty o parusang kamatayan sa pama-magitan ng lethal injection.
Nitong kamakailan lang, ninais ni DU30 na maisabatas agad ang Anti-Terror Bill, at agad-agad ipinasa ito ng Senado at ng Mababang Kapulungan, at nilagdaan agad ni DU30 noong Hulyo 3, 2020. Malamang ay baka ganito rin kabilis maipasa ang nais niyang Death Penalty. Kung anong gusto ng hari ay agad tumatalima ang mga alipin.
Subalit pawang mahihirap lang naman ang tiyak na tatamaan ng death penalty. Parang inilagay lang sa batas ang nakamumuhing tokhang na pumaslang ng libu-libong mahihirap, kabilang ang napabalitang umano'y 122 bata. Hindi na iginalang ang due process of law. Maraming ina ang lumuha at naghihimagsik ang kalooban.
Tulad ng parehong kasong panggagahasa nina Leo Echegaray at dating Congressman Romeo Jalosjos. Nabitay ang mahirap na si Echegaray. Hindi nabitay ang mayamang si Jalosjos, at nang makalaya ay muling naging kongresista. Noong panahon ni dating pangulong GMA nang ibinasura ang death penalty, na isang tagumpay ng taumbayan. Subalit nais ibalik ng pangulong ang nasa utak lagi ay pagpaslang. Imbes na tutukan ang usapin ng pagresolba sa pandemya ay inuna pa ang ganitong balak.
Ang kailangan natin ay katarungang panlipunan, ang magkaroon ng restorative justice, kung saan naniniwala tayong maaari pang magbago at makalaya ng sinumang nagkasala.
Mga maralita, magkaisa laban sa panibagong banta sa buhay at karapatan ng mga mamamayan! Harangin ang anumang balaking ibalik ang parusang kamatayan. Restorative justice dapat, hindi punitive!
#NoToDeathPenalty
* Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2020, pahina 7.