Sabado, Hulyo 4, 2020

Pahayag ng KPML laban sa Anti-Terror Law

Pahayag ng KPML laban sa Anti-Terror Law

Kami sa pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay mahigpit na nakikiisa sa lahat ng mamamayang nakikibaka, nagta-tanggol sa karapatang pantao, at lumalaban para sa hustisyang panlipunan. Dahil dito'y matindi naming tinututulan at aming tinutuligsa ang pagsasabatas ng Anti-Terror Law.

Nitong Hulyo 3, 2020 ay nilagdaan na ni Pangulong Dutete ang Batas Republika Blg. 11479 o Anti-Terrorism Act of 2029, na mas kilala ngayon na Anti-Terror Law.

Nakababahala ang ganitong awtoritaryanismong batas, na sa aming pagtingin, ay balak sikilin ang kalayaan sa pamamahayag at karapatang pantao, ituring na terorista ang sinumang nagpapa-hayag ng pagkadismaya sa mga maling polisiya ng pamahalaan, tulad ng tokhang na nagdulot ng pagpaslang ng walang due process sa libu-libo nating mamamayan, kasama na ang naiulat kamakailan na 122 kabataan, kabilang na sina Danica Mae Garcia, limang taong gulang, at Althea Berbon, apatna taong gulang.

Nang magsimula ang adminis-trasyong Digong, nalikha at luma-ganap na ang kultura ng poot at karahasan. Batay na rin ito sa ulat ng UN Office of the High Commissioner for Human Rights. Saksi rin tayo sa sunud-sunod na balita ng salvaging o pagpaslang, na pawang di na iginalang ang due process of law. Ang pananakop ng bansang Tsina sa mga teritoryo ng Pilipinas ay binabalewala lang ng rehimeng ito, at nais pa ni Pangulong Duterte, pabiro man niyang sinabi o hindi, na maging probinsya lang ng Tsina ang Pilipinas.

Makibaka! Makiisa! Huwag Matakot! Manindigan!

Ligtas daw sa pang-aabuso ang Anti-Terror Act (ATA), subalit ano ang ating garantiya? Ang mga karanasan at karahasan noong martial law, at mga karanasan at karahasan sa panahon ng tokhang hanggang ngayon ay patunay na di hindi tayo dapat manahimik. 

Ang nakaraang apat na taon ng administrasyong Digong ay naglalarawan ang kawalan ng paggalang sa due process of law, pagyurak sa karapatang pantao, at panahon din ng libu-libong pagpaslang.

Ang ATA ay instrumento ng rehimeng Digong upang idepensa ang kanyang sarili laban sa mamamayan, dahil sa kanyang karahasan at kapalpakan sa panahon ng pananalasa ng COVID-19, na imbes unahin ang problema sa coronavirus ay isiningit at isinabatas ang kinamumuhiang Anti-Terror Law.

Ang ATA ay isang desperadong pagtatangka ng rehimeng ito upang isalba ang sarili sakali mang magbunsod ng ala-Edsang pag-aalsa ang sambayanan.

#JunkTerrorLaw
#FightForHumanRightsAndDignity
#DefendDissent

Walang komento: