Martes, Hulyo 14, 2020

Pahayag ng KPML sa isyu ng Freedom of Speech and of the Press

PAHAYAG NG KPML SA ISYU NG FREEDOM OF SPEECH AND OF THE PRESS
Hulyo 14, 2020

DALAWANG MOOG SA PAMAMAHAYAG SA BANSA
ISA’Y KINASUHAN NG CYBERLIBEL, ISA’Y SINARANG SADYA

Sa loob ng wala pang isang buwan, dalawang moog sa masmidya ang pumutok sa balita. Ang nagbabalita ang laman ngayon ng balita. Si Maria Ressa, ang Chief Executive Officer ng Rappler, at naging news editor din sa ABS-CBN, ay kinasuhan ng cyberlibel, habang mahigit labing-isang manggagawa ang nawalan ng trabaho nang hindi bigyan ng Kongreso ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN.

Dalawang entidad sa masmidya na umano’y kritikal o marahil ay kinaiinisan din ng administrasyong Duterte. Dalawang ginagawa nila ang paglilingkod sa bayan sa ngalan ng tuloy-tuloy na pag-uulat ng mga nagaganap sa ating bansa, sa ngalan ng kalayaan sa pamamahayag, sa islogang In Service of the Filipino.

Noong Hunyo 15, 2020, si Maria Ressa ay kinasuhan ng cyberlibel, at hinatulan siyang guilty ng hukom na si Rainelda Estacio-Montesa ng Manila Regional Trial Court Branch 46 noong Hunyo 15, 2020.

Noong Hulyo 10, 2020, sa botong 70 ng mga kongresista ay hindi na muling binigyan ng prangkisa upang muli nating mapanood ang mga balita’t palabas sa ABS-CBN.

Dalawang kasong pawang banta sa kalayaan sa pamamahayag. Dalawang isyung nakakapanginig ng laman para sa mga nagmamahal sa karapatang pantao, lalo na sa karapatang magpahayag. Sino ang susunod sa pagsasara ng ABS-CBN? Ang Rappler na ba?

May pakialam ba ang maralita sa nangyaring ito sa dalawa? Malaki. Dahil sila ang simbolo sa ngayon ng karapatang magsalita at kalayaang magpahayag. Kung sila ay ginigipit ng administrasyon, paano pa tayong mga maralitang walang boses sa lipunan.

Maaring di talaga sila naglilingkod sa masa kundi sa burgesya, subalit ang nangyari sa kanila’y mistulang kamatayan sa kalayaan sa pamama-hayag at senyales ng mas matitindi pang paglabag sa karapatang pantao

Kaya nga ang pakikibaka para sa bagong prangkisa ng ABS-CBN ay pakikibaka laban sa anumang pagtatangkang patahimikin ang malayang pamamahayag at sakalin ang ating karapatang makabatid ng iba’t ibang nangyayari sa lipunan at sa kasuluk-sulukan man ng bansa. Ito'y isang pakikibaka upang biguin ang anumang atake sa malayang pagsasalita at pamamahayag.  Ito'y pakikibaka laban sa anumang paniniil at pag-abuso sa kapangyarihan. Ito'y pakikibaka upang ipagtanggol at patuloy na makapagtrabaho ang mahigit labing-isang libong manggagawang doon umaasa ng ikabubuhay, at ngayon ay pawang nawalan ng trabaho.

Sana, habang sila’y ipinagtatanggol natin ay ipagtanggol din nila ang mga api’t pinagsasamantalahan sa lipunan, lalo na ang mga kabataan at kababaihan, ang mga katutubo, ang mga magsasaka’t mangingisda, ang mga manggagawa, ang mga maralita, at iba pang walang boses sa lipunan. Kung ang nangyari kay Maria Ressa at sa ABS-CBN ang mga panggigipit na ito, silang mga may pangalan, kinikilala, higante sa kanilang propesyon, at may sinasabi, paano pa kaya ang mga maralita’t simpleng mamamayang walang tinig sa ating bansa?

Walang komento: