Pahayag ng KPML sa SONA 2020
Hulyo 27, 2020
Kami, sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), ay taas-kamaong nakikiisa sa lahat ng nakikibaka para sa panlipunang hustisya, karapatang pantao, at isang lipunang malaya mula sa pagsasamantala ng tao sa tao, at kasama sa mga kilos-protesta ngayong araw ng SONA (State of the Nation Address) ng pangulo ng Pilipinas.
Sa kasalukuyan, ang kalagayan ng maralita ay patuloy na kahirapan, at marami ang nabubuhay pa rin sa kalunos-lunos na kalagayan. Mas tumindi pa ito nang manalasa ang coronavirus, kung saan marami ang nawalan ng trabaho, walang kita, walang sahod, gutom ang pamilya, minsanan lang ang ayuda, na kadalasan pa'y wala. Ang mga bayarin ay isa pa sa mga pahirap sa mga manggagawa't maralita. At mas dadami pa ang maghihirap dulot ng patuloy na lockdown at pagkawala ng maraming trabaho.
Gayunman, marapat lang nating batikusin ang kasalukuyang rehimen, lalo na sa mga nagaganap pa ring pagpaslang ng mga pulis, tulad ng extrajudicial killings, ang pagpatay ng mga pulis kina Winston Ragos, sa apat na sundalo sa Sulu, at sa diumano’y ginahasang dalagitang si Fabel Pineda, edad 15, na pinaslang sa Ilocos Sur, ang kulturang tokhang na dahilan ng mga pagpaslang na ito, ang pagsasabatas ng Anti-Terror Law na instrumento ng pamahalaan laban sa kanyang mga kritiko, ang banta sa kalayaang magpahayag, kaytaas na ng mga bayarin sa kuryente’t tubig, kayrami pa ring mga bayarin sa mga relokasyong di abotkaya ng mga maralita, at marami pang ibang isyung dapat tugunan, pangunahin na ang kalusugan ng mamamayan, at ang pagsaliksik sa lunas sa coronavirus.
Subalit inuna pa ng rehimeng ito ang pagsasabatas ng Terror Law, imbes na iprayoridad ang problema laban sa COVID-19. Mas inuna pa ng rehimeng ito ang pagdepensa sa kanyang sarili laban sa kanyang mga kritiko kaya isinabatas ang Terror Law. Hindi lamang ang karapatang magpahayag ang tinitira ng Anti-Terror Law, kundi higit sa lahat ay ang karapatang pantao.
Tingin namin, ang kulturang tokhang, pananakot at karahasan ang pamana ng administrasyong ito sa kasaysayan. Panahon nang i-isolate ang rehimeng ito, lalo na si Pangulong Duterte, upang panagutan niya ang kanyang mga kapalpakan at karahasan ng kanyang administrasyon. Palpak at bigo ang gobyernong Digong na resolbahin ang health crisis at economic crisis dahil sa mga maling patakaran.
Habang patuloy na itinataguyod ng KPML ang isyu at konsepto ng pampublikong pabahay, patuloy na nakikibaka ang KPML para sa hustisyang panlipunan, karapatang pantao, at kagalingan ng sambayanang maralita. Gayundin naman, patuloy na kumikilos ang KPML upang panagutin ang rehimeng ito sa ipinalaganap nitong kuktura ng karahasan, kulturang tokhang, at patuloy na kapalpakan ng rehimeng ito sa pagtataguyod ng kagalingan ng mamamayan. Makibaka! Lumaban! Huwag Matakot! Manindigan!
#TulongHindiKulong! #FreeMassTestingNow! #AntiTerrorLawIbasura!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento