Martes, Hulyo 23, 2013

Militante: Aquino, Sinungaling at Mang-aagaw ng Kredito

22 July 2013

Press Release
Contact Person/s: 
Anthony Barnedo
Secretary-General, KPML-NCRR
0949-7518792

Militante: Aquino, Sinungaling at Mang-aagaw ng Kredito 
Pinuna ang NHA at Palace

Dahil sa walang inaasahang ganansya para sa mga mahihirap kundi ang paulit-ulit na pangakong pinapako at mapanlinlang na estatistika, kabilang si Anthony Barnedo sa mga lider-maralita mula sa Baseco compound sa Maynila na sumama sa mga kapwa niya maralita mula sa iba’t-ibang komunidad sa kahabaan ng mga ilog at estero ng Kamaynilaan na sumama sa protesta sa SONA ngayong taon.

Bago tumungo sa Commonwealth Avenue na lunsaran ng rali, nagtagpo si Barnedo at ang kanyang grupo, ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralita ng Lungsod-National Capital Region at Rizal Chapter (KPML-NCRR) sa harapan ng National Housing Authority (NHA) sa Elliptical Road para maglunsad ng programa at irehistro ang kanilang posisyon sa plano ng gobyerno na gibain ang mga kabahayan sa kahabaan ng mga ilog at estero. 

Palpak na Housing Program

Kinundena ng mga militante ang NHA at binansagan itong National Hǎo-Xiào Authority dahil sa patuloy na panloloko nito sa mga maralitang lungsod na lumipat sa mga malalayong relocation sites nito. Ang Hǎo-Xiào ay ang salitang Intsik para ridikuloso. Ang NHA ay ang pangunahing ahensya ng gobyerno para ilipat ang mahigit animnapung libong maralita sa mga relocation sites. 

“Hindi maaring tirhan ang mga relocation sites, ang karamihan sa mga ito ay minadaling itayo. Walang nakasasapat na supply ng tubig at kuryente at wala rin itong cellphone coverage, walang ring mga drainage at ang pinakamalapit na paaralan, pagamutan, palengke at simbahan ay kilo-kilometro pa ang layo. Ngunit ang pinakaimportante dito ay wala namang hanapbuhay sa mga ito. Kahit Philippine Development Plan (2011-2016) na pinaka-master plan ng gobyernong Aquino ay aminado na ang kabuhayan ay ang kalahati ng programang relokasyon pero wala naman itong nababanggit kung papaano magkakatrabaho ang mga residenteng bagong lipat. Kaya naman pala, ang mga naunang linipat dito’y nagsialisan din at bumalik sa Kamaynilaan. Paano nila aasahan ang mga benipisyaryo ng mga kabahayang ito na bayaran ang gobyerno kung wala namang trabahong naghihintay sa amin dun, imposible kahit sa isangdaang tao,” paglilinaw ni Barnedo.

“Walang debate, ang mga tabing-ilog at mga estero ay mga danger zone at walang tao ang magsasabing desente ang pamumuhay dito pero sa tipo ng mga pang-ekonomikong patakaran at programa ni Aquino, wala kaming magagawa kundi manirahan sa mga tabing-ilog,” sabi ni Barnedo.

Ang tinutukoy ni Barnedo ay ang mga patakaran ng mababang pasahod, kontraktuwalisasyon at mga iskemang pribatisasyon ng mga panlipunang serbisyo, ang lahat ng ito’y pinalalala pa ng mga iligal na panghu-huthot ng mga kumpanya ng tubig, kuryente at langis. “Paano kami magkakaroon ng kakayahang umupa ng bunggalo kung ang mga sahod nami’y ay napakaliit na siyang nagtulak sa libong pamilyang Pilipino sa matinding kahirapan. Walang duda, kung may mapagpipilian lang kami, hindi ko ititira sa tabing-ilog ang aking pamilya basta stable ang aming kabuhayan,” dagdag nito.

Eksklusibong Pag-unlad?

Naniniwala ang KPML na palpak ang mga panlipunan at pang-ekonomikong programa ng gobyerno na ibsan ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga mahihirap habang ang mga dambuhalang korporasyong ay nakapagtala naman ng malalaking tubo. Dahil dito, lalong lumalaki ang agwat ng mayayaman at mahihirap sa bansa.

“Anong ganansya, ang mismong mga estatikta ng mga ahensya ng gobyerno ang nagsasabi na mahigit 2.89 milyong Pilipino ang walang hanapbuhay at patuloy na dumarami, ang underemployment ay kasalukuyang pinakamataas sa kasaysayan natin sa 7.93 milyong manggagawa, at pinakamatindi nito’y, hindi nag-iiba ang poverty incidence mula pa noong 2006. Ang lahat ng ito’y nangangahulugan na ang pang-ekonomikong pag-unlad ay tinatamasa lamang ng mga gaya niyang elitista at mapagsamantala,” pagpapatuloy ni Barnedo.

“Kahit ang 7.8% na itinaas ng Gross Domestic Product na paulit-ulit na pinagmamalaki at inaangkin ni Aquino na naganap sa ilalim ng kanyang pamamahala ngunit ito’y simpleng pang-a-agaw ng kredito sa mga tunay na lumikha ng paglago ng ekonomiya, ang apatnapung milyong lakas-manggagawa na sama-samang pinagpaguran ito. Ang lahat ng matatayog na gusali at proyektong imprastraktura ay gawa naming maralita at manggagawang kontraktwal,” akusa ni Barnedo.

““Kung gusto niyang pagusapan ang kanyang mga nakamit na pag-unlad ng ekonomiya, ang mga programa para sa panlipunang seguridad at pag-angat sa kahirapan, hinahamon ko siyang ulitin ang kanyang talumpati sa multi-purpose hall sa aming komunidad sa Baseco sa martes. Tignan lang natin kung may maririnig siyang palakpak mula sa mga “benepisyaryo” ng kanyang mga programa’t proyekto. Maaring hindi maarok ng maralitang taga-lungsod ang kanyang ingles pero lubos naming nauunawaan ang kanyang mga pang-ekonomikong programa dahil kami ang mga biktima nito,” hamon ni Barnedo.

Ang KPML-NCRR ay bahagi ng Koalisyon Kontra Demolisyon (KKD), isang alyansa ng mahigit na dalawang daang samahang maralita sa Kamaynilaan na naghahangad ng desente, abot-kaya at ligtas na programang pabahay mula sa gobyerno.###


Walang komento: