PMCJ AT KPML, NANAWAGAN SA UNANG PULONG NG MGA EKSPERTO SA CLIMATE FINANCE
Nagsagawa ng pagkilos nitong Hulyo 17, 2013, ang mga kasapi ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), kasama ang mga maralita mula sa Tondo at Caloocan na pawang kasapi ng Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), sa harap ng Dusit Thani Hotel sa Pasay Road, nr. Edsa. Ito ang ikalawang araw ng pagkilos ng PMCJ kaugnay sa unang Meeting of Experts on Climate Finance sa ilalim ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) na ginanap sa Dusit Thani Hotel.
Mas malaki ang unang araw ng pagkilos, Hulyo 16, 2013, kung saan nagsama-sama ang tatlong malalaking organisasyon - ang PMCJ, ang Aksyon Klima at ang Freedom from Debt Coalition (FDC). Bumaba rin sa araw na ito ang ilang delegado sa unang Meeting of Experts on Climate Finance.
Ayon sa pahayag ng PMCJ, nagpapatuloy ang kanilang panawagan sa mga mayayamang bansa na simulan na nilang magbayad ng kanilang utang hinggil sa nagaganap na pagbabago ng klima at dapat nang bawasan ng mga ito ang kanilang GHG emissions. Ang mga greenhouse gas (GHG) emissions ang mga usok sa pabrika't mga langis na lalong nagpapainit sa ating daigdig. Nanggagaling ang mga GHG emissions sa pagsusunog ng mga fossil fuels para sa kuryente, industriya, agrikultura, at transportasyon. Nagreresulta ang matinding GHG emissions sa pagbabago-bago ng klima, kaya naganap ang maraming kalamidad sa Pilipinas, tulad ng bagyong Ondoy, Pedring, Pablo, Sendong, at iba pa.
Ang mga komunidad ng maralita sa KPML, lalo na sa National Capital Region-Rizal, ay nakaranas ng matinding bagyo't pagbaha na nagresulta sa pagkawala ng kanilang mga tahanan. Kaya nakiisa ang KPML sa panawagan upang magbayad ang mga mayayamang bansa sa kanilang mga kagagawan na nagpapahirap sa mga bansang tulad ng Pilipinas.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento