Sabado, Hulyo 20, 2013

Militante naglunsad ng State of the Workers Address (SOWA)

19 July 2013

PRESS RELEASE
Contact Person/s:
Gie Relova 0915-2862555
Anthony Barnedo 0949-7518792


Kaysa hintayin pa ang mga kasinungalinan ng SONA ni PNoy
Militante naglunsad ng State of the Workers Address (SOWA)

Tatlong araw bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Noynoy Aquino, naglunsad ang mga militante grupo ng mga manggagawa sa ilaim ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino at Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod ng kanilang SOWA sa Welcome Rotonda Biernes ng gabi. Intensyon ng mga grupo na ilahad ang tunay na kalagayan ng manggagawang Pilipino bago ito magbuga ng kasinungalingan at inimbentong statistika na nagsasabing bumuti na ang buhay at kabuhayan nila mula ng ito’y maluklok sa pwesto nung 2010.

Ayon kay Gie Relova, Secretary-General ng BMP-National Capital Region at Rizal Chapter, isinalarawan niya ang administrasyong Aqunio na, “Puro bula, walang beer. Ang unang kalahati ng termino ni Aquino ay sapat-sapat na para husgahan ng manggagawa ang kanyang boladas na tuwid na daan, ang kanyang etikang laki-sa-layaw sa trabaho at ang palpak na kontinwasyon ng mga patakarang pang-ekonomiya ni Gloria Macapagal-Arroyo. Sa lahat ng ito, walang napala ang manggagawa’t maralitang Pilipino dito habang matatamis na ngiti at papuri naman ang inani niya mula sa mga malalaking negosyante. Siya mismo ang naglinaw sa maraming okasyon sa nagdaang isang taon na hindi niya babaguhin ang kalakaran ng malawakang pagsasamantala sa mga manggagawa at papaypayan niya pa ito ng pagpapatuloy sa palpak na pang-ekonomikong landas na tinahak ng naunang pangulo sa kanya,” ang tinutukoy ni Relova ay ang patakaran ng murang paggawa sa pamamagitan ng mababang pasahod at kontraktuwalisasyon bilang pangunahing instrumento para makahikayat ng imbestor at mapanatili ang suporta ng malalaking negosyante hanggang sa matapos ang kanyang termino.

“Anong ganansya, ang mismong mga statikta ng mga ahensya ng gobyerno ang nagsasabi na mahigit 2.89 milyong Pilipino ang walang hanapbuhay at patuloy na dumarami, ang underemployment ay kasalukuyang pinakamataas sa kasaysayan natin sa 7.93 milyong manggagawa, at pinakamatindi nito’y, hindi nag-iiba ang poverty incidence mula pa noong 2006. Ang lahat ng ito’y nangangahulugan na ang pang-ekonomikong pag-unlad ay tinatamasa lamang ng mga gaya niyang elitista at mapagsamantala,” pagpapatuloy ni Relova.

Hinulaan na rin ni Relova na, “Sa SONA sa lunes, wala kaming aasahan liban sa mga lumang pangako ng isang milyong trabaho na uli, kinopya ulit sa mga nagdaang SONA ni GMA. Inaasahan din naming na aagawin nanaman niya ang kredito sa yamang bayan na sama-sama linikha at pinag-paguran ng apatnapung milyong lakas-manggagawa”.

Samantalang para kay Anthony Barnedo, Secretary-General ng KPML-National Capital Region at Rizal Chapter tinuligsa nito ang inaasahang paggamit ni Aquino ng mga estatisktika at pang-ekonomikong indikador na gagamitin sa talumpati ni Aquino sa kanyang SONA. 

“Maaring bulagin tayo ni Aquino ng kislap ng kanyang mga numero, grap at estatistika pero ang lahat ng ito’y balewala kung hindi siya marunong ng aritmetika,” ang tinutukoy ni Barnedo ay ang labing-walong libong pisong iipinang-gogoyo the gobyerno sa mga naninirahan sa tabing-ilog ng Kamaynilaan. “Kung pang-renta lang ng kwarto ang kanilang ibinibigay, hindi ito sasapat dahil sa mga panahong ngayon, halaga ng pang-tatlong buwan ang kailangan para makapag-upa ka ng maliit na kwarto. Ngunit ang mas mahalaga pa dito ay ang labing-walong libong piso patibong nila ay pang-upa lamang at hindi nito sakop ang buong pang-ekonomiko at panlipunang danyos na linikha ng kanilang programang dislokasyon at pagkaligalig sa aming mga maralita. Kailiangan nila itong isama at idagdag sa labing-walong libong piso,” paliwanag ni Barnedo.

Hinggil sa talumpati ng Pangulo, galit na hinamon ni Barnedo si Aquino, “Kung gusto niyang pagusapan ang kanyang mga nakamit, ang “pag-unlad” ng ekonomiya, ang mga programa niya para sa panlipunang seguridad, pag-angat sa kahirapan, hinahamon ko siyang ulitin ang kanyang talumpati sa multi-purpose hall sa aming komunidad sa Baseco sa Port Area sa martes. Tignan lang natin kung may maririnig siyang palakpak mula sa mga “benepisyaryo” ng kanyang mga programa’t proyekto. Maaring hindi maarok ng maralitang taga-lungsod ang kanyang ingles pero lubos naming nauunawaan ang kanyang pang-ekonomikong programa dahil kami ang mga biktima nito”.

Parehong plano ng dalawang grupo na makapagpalahok ng libo-libo nilang kasapi, sapat para sagasaan ang barikada ng pulis hanggang sa makarating sa Batasan Pambansa para sa SONA sa lunes. ###








Walang komento: