PAHAYAG NG KPML SA DAIGDIGANG ARAW NG WALANG TABAKO
(World No Tobacco Day)
Mayo 31, 2019
Mula kay Ka Pedring Fadrigon
Pambansang Pangulo, KPML
KALUSUGAN NG LAHAT AY PANGALAGAAN!
Nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng World No Tobacco Day o Daigdigang Araw ng Walang Tabako na inaalala tuwing Mayo 31 bawat taon.
Ang tema ngayong 2019 ng pag-alaala sa taunang World No Tobacco Day tuwing Mayo 31 ay "TOBACCO AND LUNG HEALTH (ANG TABAKO AT ANG KALUSUGAN NG BAGA)". Itinataguyod ang kampanyang ito upang itaas ang kamalayan ng tao sa negatibong epekto ng tabako sa kalusugan ng tao, mula kanser hanggang sa malalang sakit sa paghinga, at ang pangunahing papel ng baga sa kalusugan at kagalingan ng lahat ng tao.
Hindi lamang ito para sa mga nananabako, o naninigarilyo, kundi para sa mga hindi nananabako at hindi naninigarilyo ngunit nakalalanghap ng usok nito o yung tinatawag na second-hand smoke exposure.
Mahalaga ang paggunita sa araw na ito bilang paalala sa ating mga kababayan na bantayan tuwina ang kalusugan ng ating baga, nananabako man o hindi, sapagkat ang kalusugan natin ay kalusugan din ng ating pamilya. Sa kalunsuran nga'y anong tindi na ng polusyon mula sa mga pabrika at tambutso ng sasakyan. Heto't nadaragdagan pa ng usok mula sa tabako at sigarilyo na nalalanghap natin araw-araw. Matindi rin ang epekto sa baga ng mga hindi gumagamit ng tabako't sigarilyo ang paglanghap nito.
Kung babaybayin natin ang kasaysayan, Noong 1987, nagpasa ng Resolusyon WHA40.38 ang asembliya ng World Health Organization (WHO) na gawing Araw ng Walang Tabako ang Abril 7, 1988. Ang layunin nito'y himukin ang mga gumagamit ng tabako sa buong mundo na umiwas sa paggamit ng mga produkto ng tabako. Subalit napalitan ang petsang ito noong 1988, nang ipinasa ng World Health Assembly ng WHO, ang Resolution WHA42.19 at nanawagang ipagdiwang tuwing Mayo 31 bawat taon ang World No Tobacco Day. Nanatili namang ginugunita ang Abril 7 bilang Pandaigdigang Araw ng Kalusugan (World Health Day).
Dagdag pa rito, napakaraming upos ng sigarilyo ang nagkalat sa karagatan. Bukod sa mga single use plastic, ang mga upos ng sigarilyo ang isa sa pinakamalaking pinanggagalingan ng basura ng karagatan. Nakakain ito ng mga isda at iba pang hayop sa karagatan. Kamakailan nga'y may nakitang patay na balyena na may apatnapung (40) kilong basura sa tiyan.
May mga litrato pang tinutuka ng mga ibon ang mga naglipanang sigarilyo. Makakain ba nila ito? Masisira ang kanilang kalusugan pag kinain ang mga upos at sigarilyong ito.
Sa paggunita sa World No Tobacco Day, ating alalahanin ang ating mga baga at kalusugan ng ating kapwa, naninigarilyo at hindi, upang mas maging maginhawa pa ang ating pamumuhay sa kasalukuyan. Alalahanin din natin ang mga iba pang may buhay tulad ng balyena at mga ibong nag-aakalang pagkain ang mga upos. At huwag na nating dagdagan ang polusyon sa hanging dulot ng mga planta at tambutso ng sasakyan. Pangalagaan natin ang kalusugan ng ating pamilya, kapwa mamamayan, at ng iba pang may buhay.