Pahayag ng KPML sa ika-122 anibersaryo ng pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio
Mayo 10, 2019
Mula kay: Ka Pedring Fadrigon
Pangulo, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)
NOON, PINASLANG NG MGA ILUSTRADO
ANG MANGGAGAWANG SI GAT ANDRES BONIFACIO;
NGAYON, ANG PAGPASLANG SA MGA DUKHA SA NGALAN
NG WAR ON DRUGS, SA TOTOO'Y WAR ON THE POOR
Masaklap ang pagkakapaslang kay Gat Andres Bonifacio. Malinaw na inilarawan ni Heneral Artemio Ricarte ang mga pangyayari hinggil sa pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio ng mga tauhan ni Emilio Aguinaldo noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis, sa bayan ng Maragondon, sa Cabite.
“Si Koronel Bonzon ang bumaril ng rebolber kay G. Andres Bonifacio na ipinagkasugat nito sa kaliwang bisig. Dumaluhong din noon si Koronel Pawa kay G. Andres Bonifacio at ito'y sinaksak ng sundang sa gawing kanan ng liig. Nang anyong bibigyan ulit ng isa pang saksak si G. Bonifacio ay siyang pagdaluhong kay Pawa ni G. Alejandro Santiago na nagsabing: 'Ako ang patayin ninyo, huwag iyan!'
Noon din ay inilagay si G. Andres Bonifacio sa isang duyan at dinalang bihag sa Indang, pati ng kapatid na Procopio na nagagapus ng buong higpit; kasama ring bihag sina GG. Francisco Carreon, Arsenio Mauri-cio, isang binatang nag-aaral pa na nagngangalang Leon Novenario, na naging Kapitan Ayudante't Kalihim ni Vibora at iba pang di ko na matatandaan ang mga panga-pangalan.
Ang lahat ng nabihag, matangi kay G. Andres Bonifacio at kapatid nitong si G. Procopio, ay pinagpipiit sa bilangguang madilim at di bini-gyan ng pagkain, kundi makalawa lamang sa loob ng tatlong araw na ikinabilanggo nila. Ang Konsehong inilagay upang magsiyasat, tunkol sa mga pagkakasalang ibinubuhat kay G. Andres Bonifacio at sa kapatid nitong si G. Procopio, ay humatol ng parusang kamatayan sa magka-patid.”
Iyan ang testimonya ni Heneral Artemio Ricarte sa sinapit ni Gat Andres Bonifacio. Matatagpuan iyan sa pahina 71 ng kanyang aklat na Himagsikan ng mga Pilipino Laban sa Kastila, na nalathala noong 1927 sa Yokohama, Japan.
Sa kasalukuyan, sa panahon ni Pangulong Duterte, kapwa Pilipino'y basta na lang pinapaslang sa ngalan ng "War on Drugs" subalit ang nangyayari'y "War on the Poor". Marami nang pinaslang subalit pawang mga maralita ang biktima. Walang proseso, walang paggalang sa karapatang pantao, pulos mga maralitang hindi kayang magdemanda sa korte dahil sa kamahalan ng prosesong ito para sa mga dukha, habang ang mga natukoy ng pamahalaan na mga druglord, na dahil maimplwensya, ay nakalalaya pa rin.
Ayon sa mga ulat ay libu-libo na ang pinapaslang. Paiba-iba ng datos, depende sa kung sino ang nagsasalita, kung kapulisan o mga grupo sa karapatang pantao. Subalit nagkakapareho sila ng datos kung sino ang napapaslang: pawang mga maralita.
Dahil dito, nananawagan ang PLM partylist na igalang ang proseso ng batas, at huwag basta mamaslang dahil iyon ang utos ng pangulo. Kung may nagawang pagkakasala, kasuhan at ikulong. Paano kung maraming inosente ang napatay nang walang proseso ng batas? Hindi na maibabalik ang nawalang buhay.
Kitang-kita sa nangyari sa magkapatid na Bonifacio at ang nangyayari sa kasalukuyan ang tunggalian ng magkalabang uri. Tunggalian ng ilustrado at mga plebyano. Tunggalian ng mayaman at mahihirap. Mabisang inilalarawan ito ng awit na Tatsulok: "At ang hustisya ay para lang sa mayaman."
Panahon na upang tapusin ang ganitong tunggalian. Panahon nang wakasan ang tunggalian ng mga uri, at ipagwagi ng aping uri ang isang bagong lipunan, isang bagong simula para sa lahat, para sa karapatang pantao, at maitayo ang isang lipunang makatao at para sa tao.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento