PAHAYAG NG KPML SA PANDAIGDIGANG ARAW NG SARIBUHAY
Mayo 22, 2019
Mula kay Ka Pedring Fadrigon
Pambansang Pangulo, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)
Mula kay Ka Pedring Fadrigon
Pambansang Pangulo, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)
ANG ATING SARIBUHAY, PAGKAIN AT KALUSUGAN
"Ang ating saribuhay, ang ating pagkain, ang ating kalusugan. (Our diversity, our food, our health.)" Ito ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ng Pandaigdigang Araw ng Saribuhay (International Biodiversity Day) ngayong taon ng 2019. Noong Mayo 22, 1992, ang teksto ng Convention on Biological Diversity ay pinagtibay ng United Nations sa isang kumperensya sa Nairobi, Kenya. Siyam na taon mula noon, sinimulang ipagdiwang noong 2001 ang Pandaigdigang Araw ng Saribuhay tuwing Mayo 22 bawat taon.
Nakatuon ang pagdiriwang ngayon sa saribuhay (biodiversity) bilang pundasyon para sa ating pagkain at kalusugan at isang pangunahing katalista sa pagbabago ng mga sistema ng pagkain at pagpapabuti ng kalusugan ng tao.
Ayon sa isang balita lamang nitong Mayo 2019, nasa 150 mga eksperto mula sa 50 bansa ang nagpalabas ng isang ulat na nagpapakitang lumalala na ang kalagayan ng kalikasan, na may hanggang 1 milyong uri ng hayop ang nanganganib sa pagkalipol (extinction), na higit sa iba pang panahon sa kasaysayan ng tao. Ano ang nagtutulak sa pandaigdigang pagkawala ng saribuhay at paano ito naiiba sa mga naunang pagkalipol ng mga ispesyi na nakaranasan ng daigdig?
Pinapalago ng saribuhay ang pagiging produktibo ng ekosistema kung saan ang bawat ispesyi, gaano man kaliit, ang lahat ay may mahalagang papel na ginagampanan. Halimbawa, ang isang malaking bilang ng mga ispesye ng halaman ay nangangahulugan ng isang mas malawak na iba't ibang mga pananim. Ang mas malawak na pagkakaiba-iba ng ispesyi ay nagtitiyak ng natural na pagpapanatili para sa lahat ng anyong nabubuhay.
Bilang mamamayan, inaalala natin ang araw na ito, hindi lamang dahil sa nagbabantang pagkalipol ng mga ispesyi dulot ng pabagu-bagong klima, kundi mahalaga rin sa atin ang pagtitiyak ng ating abot-kaya at masusustansyang pagkain kung pagbabatayan ang tema ngayong taon, at upang matiyak rin ang kaayusan ng ating kalusugan. Kung pagtutuunan natin ang tema, malaki ang kaugnayan ng saribuhay sa ating pagkain at kalusugan. Kaya ang simpleng paggunita sa araw na ito ay makabuluhan, lalo na sa mga maralita o dukha nating mamamayan. Mahalaga ang mga magsasaka dahil tatlong beses sa isang araw natin sila kailangan, sapagkat kung wala sila, wala tayong makakain sa araw-araw, tulad ng bigas, gulay, at mga karne. Mahalaga rin ang mga mangingisda dahil sila ang pinanggagalingan ng ating mga kinakaing isda.
Mahalaga rin ang pangangalaga ng ating kalikasan, dahil pabagu-bago na rin ang ating klima, na nakakaapekto sa kapaligiran, na nakakaapekto rin sa ating pinagkukunan ng pagkain. Pag sobrang init ng panahon, tiyak na tagtuyot ang aabutin ng mga pananim. Pag may bagyo, baka sirain nito ang mga pananim. Kaya ang pag-alala natin sa araw na ito ng saribuhay ay paalala na rin sa atin upang bigyang halaga ang pinagmumulan ng ating mga pagkain.
Napakaraming naglutangang upos ng sigarilyo at mga single use plastic sa dagat, na nakakain naman ng mga isda. Baka dumating ang panahong mas marami na ang mga basurang plastik sa dagat kaysa mga isda. Hindi ba't nabalita nitong nakaraan lamang na namatay ang isang balyena, at natagpuan sa kanyang tiyan ang 40 kilo ng basurang plastik. Aba'y huwag nating hayaang masira ang karagatan, at huwag pagtapunan ito ng mga plastik. Hindi basurahan ang ating karagatan.
Sa Pandaigdigang Araw ng Saribuhay, halina't alalahanin at pag-usapan natin ang mga nangyayari sa ating daigdig, lalo na ang iba't ibang anyo ng buhay na naririto. Panahon nang magkaisa tayo upang labanan natin ang mga korporasyong pasimuno ng unti-unting pagkasira ng kalikasan dahil sa kanilang patuloy na paggamit ng fossil fuels, coal-fired power plants, na nagpapalala sa klima ng ating daigdig. Panahon nang singilin natin ang mga Annex 1 countries sa idinudulot nilang kaligaligan sa daigdig. Huwag nating hayaang umabot pa sa 2 degrees ang pag-iinit ng ating daigdig.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento