Huwebes, Mayo 30, 2019

Pahayag ng KPML sa International Week of the Disappeared

PAHAYAG NG KPML SA DAIGDIGANG LINGGO NG MGA SAPILITANG IWINALA
(International Week of the Disappeared)

Mula kay Ka Pedring Fadrigon
Pambansang Pangulo, KPML

HUSTISYA SA LAHAT NG MGA IWINALA!

Taos-pusong pakikiisa sa lahat ng mga pamilya ng mga biktima ng sapilitang pagkawala o mga desaparesidos ang ipinaaabot ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa okasyon ng Daigdigang Linggo ng Sapilitang Iwinala.

Tuwing huling linggo ng Mayo ay ginugunita ng maraming organisasyon, tulad ng AFAD (Asian Federation Against Involuntary Disappearance) at FIND (Families of Victims of Involuntary Disappearance) ang Daigdigang  Linggo ng mga Sapilitang Iwinala (International Week of the Disappeared). At nakikiisa ang KPML sa paggunitang ito. Ayon sa kasaysayan, nagsimula ang paggunita sa okasyong ito mahigit tatlong dekada na ang nakararaan bilang protesta ng Latin American Federation of Associations of Relatives of Disappeared-Detainees (FEDEFAM).

Isang kasuklam-suklam na gawain ang walang patumanggang pagdukot sa mga aktibista't karaniwang mamamayang kumikilos para sa karapatang pantao, habang ang iba'y nadadamay lamang. Maraming dinukot at sapilitang iwinala noong panahon ng batas-militar o ng diktadurang Marcos. Marami pa ring nawala makalipas ang panahon ng diktadura at naganap na ang pag-aalsang Edsa.

Tuwing Todos Los Santos ay walang sementeryong mapuntahan ang mga pamilya ng mga desaparesidos pagkat walang mga labi ang kanilang mahal sa buhay. Saan nila ititirik ang kandila para sa mga nawala nilang mahal sa buhay? Buhay pa ba ang mga ito at nasa malalayong piitan? O patay na? Hanggang ngayon, humihingi sila ng katarungan. Nawa'y makita na ang kanilang mga mahal sa buhay!

Sa Hunyo 2, araw ng Linggo, ay idaraos ng iba't ibang grupo sa karapatang pantao, sa pangunguna ng FIND, ang isang kite-flying activity sa Quezon Memorial Circle bilang paggunita sa Daigdigang Linggo ng mga Sapilitang Iwinala, at kami sa KPML ay mahigpit na nakiisa sa aktibidad na ito.

Kaya ngayong International Week of the Disappeared, kami'y nakikiisa sa mga pamilya ng mga iwinala, at nananawagan ng katarungan para sa lahat ng desaparesidos.

Walang komento: