Pahayag ng KPML sa ika-144 kaarawan ni Oriang, ang Lakambini ng Katipunan
Mayo 9, 2019
Mula kay: Ka Pedring Fadrigon
Pambansang Pangulo
GREGORIA DE JESUS, LAKAMBINI NG KATIPUNAN
INSPIRASYON SA KABABAIHAN SA KASALUKUYAN
Isinilang si Gregoria "Oriang" De Jesus sa Kalookan noong Mayo 9, 1875. Siya ang maybahay ng ating bayaning si Gat Andres Bonifacio at tinaguriang Lakambini ng Katipunan.
Isa si Oriang sa mga inspirasyon ng mga kababaihan sa kasalukuyang panahon, kababaihang natutong ipaglaban ang kanilang karapatan, kababaihang nagsisilbi sa bayan, at nalalagay sa pamunuan ng bayan. Sa katunayan, bilang pagpupugay sa kanya, itinatag ang grupong Oriang noong Marso 2016 ng mga kababaihan, at nahalal na pangulo nito ang ikaapat na nominado ng PLM partylist na si Flora Assidao-Santos.
Bilang Katipunero, isinalaysay ni Oriang ang kanyang karanasan sa himagsikan sa isa niyang sanaysay na na "Mga Tala ng Akinsg Buhay": "Nang ako'y kasama ng mga kawal ng naghihimagsik sa parang ng digmaan ay wala akong pangiming sumuong sa anomang kahirapan at sa kamatayan man, sapagka't wala akong nais ng panahong yaon kundi ang mawagayway ang bandila ng kasarinlan ng Pilipinas, at palibhasa'y kasama ako at sumaksi sa maraming laban, kaya't kabilang din akong isa sa mga kawal at upang maging ganap na kawal, ako'y nagsanay ng pagsakay sa kabayo at nag-aral na mamaril at humawak ng ilang uri ng sandata na nagamit ko rin naman sa maraming pagkakataon. Napagdanasan ko rin naman ang matulog sa lupa ng walang kinakain sa boong maghapon, uminom sa mga labok ng maruming tubig o kaya'y katas ng isang uri ng baging sa bundok na tutoong mapakla na nagiging masarap din dahil sa matinding uhaw."
Napakaganda naman ng sinabi ni Oriang hinggil sa mga guro, lalo na't unang nominado ng PLM partylist ay isang guro sa katauhan ni G. Benjo Basas. Ayon kay Oriang sa kanyang sanaysay na "Mga Tala ng Aking Buhay": "Igalang ang mga gurong nagpapamulat ng isip pagka't kung utang sa magulang ang pagiging tao ay utang naman sa nagturo ang pagpapakatao."
Noong kaarawan ni Oriang, edad 22 noong 1897, tiyak na pinaghahanap niya ang kanyang asawang si Gat Andres Bonifacio, na pinaslang isang araw matapos ang kanyang kaarawan. Napakasakit niyon para sa isang asawa. At bilang isang makata, naipadama ni Oriang ang siphayong iyon sa tula niyang alay kay Gat Andres, na pinamagatang "Magmula, Giliw, nang ikaw ay pumanaw", at narito ang una at huling saknong ng mahaba niyang tula:
Magmula, giliw, nang ikaw ay pumanaw,
Katawan at puso ko'y walang paglagyan;
Lakad ng dugo sa ugat ay madalang,
Lalo't magunita ang iyong palayaw.
Masayang sa iyo'y aking isasangla
Ang sutlang pamahid sa mata ng luha,
Kung kapusing palad, buhay ma'y mawala,
Bangkay man ako'y haharap sa 'yong kusa.
Sa pagsapit ng ika-144 na kaarawan ni Gregoria De Jesus, nawa'y muling sariwain ng mga kababaihan ang kanyang natatanging ambag sa himagsikan, at bilang isang inspirasyon sa kasalukuyang panahon.
Kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taas-noong nagpupugay sa Lakambini ng Katipunan, at sa lahat ng kababaihan ngayong lumalaban para sa kanilang karapatan tungo sa isang lipunang pantay-pantay at makatao.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento