Biyernes, Hunyo 26, 2020

Pahayag ng KPMl hinggil sa International Day in support for the victims of torture

PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA INTERNATIONAL DAY
IN SUPPORT FOR THE VICTIMS OF TORTURE
Hunyo 26, 2020

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa paggunita sa International Day in Support for the Victims of Torture. Bilang pambansang organisasyong kumikilala at ipinaglalaban ang karapatang pantao, ang araw na ito’y dapat gunitain bilang paalala na wala dapat ma-torture dahil sa kanilang pagkakasala, kundi magkaroon ng due process at igalang ang kanilang karapatan.

Mula nang maisabatas ang Anti-Torture Act of 2009 (RA 9745), iisa pa lang ang napaparusahan. Ito’y sa kaso ng pag-torture kay Jerryme C. Corre ng Angeles City mula Enero 10-11, 2012, ng pulis na nakilalang si PO2 Jerick Jimenez. Ang desisyon na isinulat ni Judge Irineo Pineda Pangilinan Jr. ng Municipal Trial Court sa Cities Branch 1 ng Angeles City, Pampanga, dahil sa paglabag sa RA 9745.

Nanganganib na marami pa ang ma-torture sakaling maisabatas ang Anti-Terror Bill. Nawa’y maging makatao ang ating mga kapulisan sa pagtrato sa sinuman, at dahil may Anti-Torture Law na tayo, ay mawala nang tuluyan ang torture bilang dagdag parusa sa sinumang nahuli, nagkasala man o napagkamalan lamang.

Lunes, Hunyo 22, 2020

Pahayag ng KPML laban sa Waste-to-Energy

Pahayag ng KPML laban sa Waste-to-Energy
Hunyo 22, 2020

AYAW NAMIN SA MALING SOLUSYON!
HUWAG PAYAGAN ANG WASTE-TO-ENERGY O INCINERATION!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa iba't ibang organisasyon, sa pangunguna ng grupong No Burn Pilipinas, sa pagtutol sa balak na pagtatayo ng mga waste incinerator sa bansa. Nakikiisa ang KPML sa panawagang itigil ang planong pagtatayo ng mga waste incinerator at panindigan ang pagbabawal sa mga ito na nakasaad sa RA 8749 (Philippine Clean Air Act of 1999) at RA 9003 (Ecological Solid Waste Management Act of 2000). Alam naming malaki ang epekto ng waste incineration sa kalusugan ng tao, lalo na sa inilalabas nitong nakalalasong dioxin at furan na nagdudulot ng kanser at iba pang sakit. Kaya hindi wastong solusyon ang waste-to-energy sa basura.

Kundi ang tamang paraan pa rin sa paglutas sa problema sa basura ay ang Zero Waste Management. Mas pinagtutuunan nito ang pag-iwas ng paglikha ng basura, pinoprotektahan ang kalusugan at kabuhayan ng mamamayan sa pamamagitan ng paglikha ng mga trabaho at pagpigil sa polusyon. Napakaraming bayan na sa iba't ibang parte ng mundo ang nagsagawa at nagpatunay ng tamang solusyonng zero Waste. Ito ang dapat suportahan, paunlarin at itaguyod upang mapabilis at maging matagumpay ang paglaganap nito sa ating bansa.

Dagdag pa rito, pararamihin lang ng waste incineration ang basura dahil kinakailangan nito ng basura. Araw-gabinitong kailangan ng daan-daang tonelada ng basura upang umayos ang takbo ng mga plantang ito. Bagamat tone-tonelada rin ang mga nalilikhang basura sa mga lungsod at bayan, di naman lahat ng uri ng basura ay dapat sunugin ng incinerator. Huwag din nating payagan ang mga mambabatas na mag-amyenda at tanggalin ang mga pagbabawal ng pagsusunog ng basura na nakasaad sa Philippine Clean Air Act of 1999, at sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000. Ayon pa sa ilang ulat, may mga panukalang Waste-to-Energy incinerator sa Quezon City, Davao, Cebu, Pampanga, at iba pang mga probinsya sa bansa. 

Ayon sa grupong No Burn Pilipinas, "Napakabigat ng mga pinansiyal na pangangailangan ng mga incinerators at sa mahabang panahon, maaari ring malugi ang gobyerno sa mga proyektong ito. Daang milyon o ilang bilyon ang gastos para sa pagtatayo, pagpapatakbo at pagpapanatili ng mga planta? Dagdag sa gastusin ang mga mahigpit na patakaran at pananagutang kasama sa mga plano para sa waste-to-energy. Halimbawa na rito ang lock-up period sa mga kontrata, kung saan binibigyan ng garantiya sa kita ang mga investors at technology providers sa takdang panahon sa halip na protektahan ang pinansyal na kakayahan at integridad ng mga lokal na pamahalaan."

Bilang mga maralita, ayaw na namin sa mga dagdag-pasanin pa, at dagdag-buwis, sa mga bagay na makakasira na sa ating kalusugan, at makakasira pa sa ating kapaligiran. 

Sobra na! Tama na ang dagdag pahirap sa masa!

Ayaw namin sa maling solusyon! Tutulan ang waste-to-energy o incineration!

Sabado, Hunyo 20, 2020

Pahayag ng KPML hinggil sa buwan ng Hunyo bilang National Safety Month

PAHAYAG NG KPML HINGGIL SA BUWAN NG HUNYO BILANG NATIONAL SAFETY MONTH
Hunyo 20, 2020

Kinikilala sa maraming bansa ang buwan ng Hunyo bilang National Safety Month (Pambansang Buwan ng Kaligtasan). Bagamat di pa ito opisyal na kinikilala sa ating bansa, kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay taas-kamaong nakikiisa sa pagdiriwang nito, lalo na ngayong panahon ng matinding pandemya.

Nawa’y patuloy tayong magsuot ng facemask, mag-social distancing, palaging mag-alkohol, maghinaw lagi ng kamay, dahil sa panahon ngayong dapat panatilihin nating ligtas ang ating pamilya at sarili laban sa pananalasa ng COVID-19. Nawa’y mag-ingat lagi tayo at hindi magkasakit ang sinuman sa ating pamilya. Palagi nating tingnan ang kalusugan ng ating pamilya, kumain ng masustansya, at wala sanang mahawa ng anumang sakit. Magpalakas lagi tayo ng katawan. Ingat!

Martes, Hunyo 16, 2020

Pahayag ng KPML ukol sa taon 2020 bilang International Year of Nurse and Midwife

PAHAYAG NG KPML UKOL SA TAON 2020 BILANG INTERNATIONAL YEAR OF NURSE AND MIDWIFE
Hunyo 16, 2020

Taos-pusong nagpupugay at nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang ng Taon 2020 bilang Inter-national Year of the Nurse and Midwife. Itinalaga ng World Health Organization (WHO) ang Taon 2020 bilang "International Year of the Nurse and Midwife," bilang pagpupugay sa ika-200 kaarawan ng kilalang nars na si Florence Nightingale (Mayo 12, 1820 – Agosto 13, 1910). 

Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga nars at komadrona sa pagbibigay ng mga serbisyong pangkalusugan. Inaalay nila ang kanilang buhay sa pag-aalaga sa mga nanay at mga anak; pagbibigay ng ligtas na bakuna at payo sa kalusugan; pag-aalaga sa mga matatanda at sa pangkalahatan ay nakaka-tugon sa pang-araw-araw na mahahalagang pangangailangan sa kalusugan, lalo na sa panahon ngayon ng pananalasa nitong pandemyang COVID-19.

Maraming salamat sa ating mga nars at komadrona, na pawang mga frontliners sa iba’t ibang bansa sa kanilang mga tulong. Sila’y mga tunay na bayaning dapat nating kilalanin, hindi lang sa pama-magitan ng mga gantimpala at anumang pagkilala, kundi ito’y sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga kagamitan at aparato para maging kumpleto ang kanilang gagamitin sa paggampan sa kanilang mga tungkulin, at tiyakin ang mas makatarungang pasahod para sa kanila. 

Mabuhay ang lahat ng mga nars at komadrona sa ating bansa!

Biyernes, Hunyo 12, 2020

Pahayag ng KPML sa World Day Against Child Labor

PAHAYAG NG KPML SA WORLD DAY AGAINST CHILD LABOR
Hunyo 12, 2020

Imbes na ipagdiwang ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ang sinasabing Araw daw ng Kalayaan, na sa esensya’y paglaya mula sa Kastila upang magpailalim naman sa mga mananakop na Amerikano, mas nais gunitain ng KPML ang pakikibaka laban sa paggamit ng bata sa mabibigat na trabaho, ngayong Hunyo 12, World Day Against Child Labor.

Marami nang bata ang dapat ay nag-aaral sa kanilang murang edad subalit napipilitang tumulong sa kanilang magulang upang sila’y makakain dahil sa hirap ng buhay. Dapat ang bata ay nasa paaralan at hindi nasa basurahan, o yaong mga namumulot ng basura upang ibenta at may maipambili ng makakain ng pamilya.

Lalo sa panahon ngayon ng COVID-19, na nawalan ng trabaho ang ama, at kailangan ng pambili ng laptop o selpon para sa anak na mag-aaral, baka mas tumindi pa ang child labor. Baka mas dumami ang batang maging biktima nito. Ayon sa International Labor Organization (ILO) Convention No. 82, o Convention concerning the Prohibition and Immediate Action for the Elimination of the Worst Forms of Child Labour, o kilala ring Worst Forms of Child Labour Convention, na pinagtibay noong 1999, na dapat pagtuunan ng maagap na pagkilos ang pangmatagalang layunin ng epektibong pag-aalis ng lahat ng uri ng Child Labor.

Ang child labor ay paglabag sa batayang karapatang pantao at hinahadlangan ang pag-unlad ng mga bata na maaaring  humantong sa panghabambuhay na pisikal o sikolohikal na pinsala. Kaya kami sa KPML, ang aming panawagan ay: STOP CHILD LABOR NOW!

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 9.

Lunes, Hunyo 8, 2020

Pahayag ng KPML sa World Oceans' Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD OCEANS' DAY
06.08.2020

Dahil sa COVID-19, marami na tayong nababalitang mas lumala pa ang kalagayan ng ating mga karagatan bunsod ng pagtatapon ng mga basura, particular na ang plastik, at nadagdag pa ang mga facemask.

Nabubulunan na ang dagat sa naglipanang basurang likha ng tao, at nangangamatay ang mga isdang kumakain ng plastik. Kaya ngayong World Oceans Day (Pandaigdigang Araw ng mga Karagatan), kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay mahigpit na nananawagan sa mga pamahalaan sa mahipit na patakaran laban sa pagtatapon ng basura sa dagat, at sa mamamayan na ayusin ang pagtatapon ng kanilang mga basura upang di ito mapunta sa karagatan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 8.

Linggo, Hunyo 7, 2020

Pahayag ng KPML sa World Food Safety Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD FOOD SAFETY DAY
06.07.2020

Sa panahon ng COVID-19, namigay ng ayuda ang pamahalaan, sa pamamagitan ng barangay, mayor, vice mayor, DSWD, DOLE, at iba pa, sa mga tinamaan ng community quarantine. Sa kadahilanang walang trabaho ang mga manggagawa, at panawagang Stay at Home, nagbigay sila ng ayudang pagkain sa mga mahihirap, tulad ng ilang kilong bigas, noodles at sardinas. Subalit nakapagpapalakas ba ng katawan ang mga iyon, tulad ng noodles? O may epekto ito sa ating katawan dahil sa sangkaterbang betsin sa noodles na may epekto sa ating mga buto?

Sa ikalawang taon ng pagdiriwang ng World Food Safety Day, kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay nananawagan sa pamahalaan, na dapat magbigay sila ng ayudang makapagpapalakas pa sa ating mamamayan, hindi ang mga pagkaing pantawid-gutom lang, kundi magbigay sila ng ayudang gulay at bitamina. At hikayatin an gating mamamayan na magtanim ng gulayin, o mag-urban gardening, upang kahit paano’y makatulong upang makaraos sa mga hinaharap.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 8.

Biyernes, Hunyo 5, 2020

Pahayag ng KPML sa World Environment Day

PAHAYAG NG KPML SA WORLD ENVIRONMENT DAY
06.05.2020

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang at paggunita ng mamamayan ng buong daigdig sa ikalimampung anibersaryo ng Pandaigdigang Araw ng Kapaligiran o World Environment Day. 

Sa kabila ng pananalasa ng COVID-19, marami tayong nakitang dapat baguhin, lalo na't nakita natin ang kahalagahan ng kabukiran kaysa mga mall. Dahil sa bukid nanggagaling ang ating mga pagkain; dahil sa lockdown, sarado ang mga mall; dahil sa kabila ng lockdown, mas nakita natin ang kalahalagan ng ating magsasakang pinagmumulan ng ating mga pagkain, at mga mangingisdang naghirap upang madala sa pamilihan ang mga huli nilang isda.

Sa anibersaryo ng World Environment Day o Pandaigdigang Araw ng Kapaligiran, halina't magsimula tayong magtanim-tanim, kahit nasa kalunsuran, sa pamamagitan ng urban gardening. Upang sa panahong tulad ng nararanasan natin ngayon, may mapipitas tayong mga gulayin, tulad ng alugbati, kangkong, kamatis, petsay, malunggay, at iba pa. Alamin natin ang mga gulay na ilang araw o linggo lang ay  malago na at maaari nang kainin. Mahirap kasing umasa lang sa bigay na sardinas at noodles, kundi tulungan din natin ang ating mga sarili. Magtanim tayo.

Hinggil sa iba pang isyung pangkalikasan at pangkapaligiran, tutulan natin ang pagmiminang nakakasira ng kabuhayan ng ating mga katutubo, at nakawawasak ng kapaligiran. Tutulan natin ang pagtatayo ng mga panibagong coal plants. Alamin natin kung bakit nananawagan tayo ng Climate Justice, at bakit dapat huwag nang lumampas pa ng 1.5 degree ang pag-iinit ng ating mundo. Bakit ba may nagsasagawa ng ekobrik? Bakit naging basurahan na ang ating mga karagatan, kung saan namamatay ang mga isdang nakakain ng mga upos ng sigarilyo, at mga plastik. Bakit hindi tayo dapat magsunog ng basura?

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 7.

Huwebes, Hunyo 4, 2020

Pahayag ng KPML laban sa panukalang Anti-Terror Bill

KAMI AY MAHIGPIT na TUMUTUTOL SA NIRATSADANG PANUKALANG BATAS NA TERROR BILL. #Terrorbillibasura!

Bakit may ganitong panlalansi sa gitna ng may pandemya, kahit anung paliwanag ng spoke person ng Malakanyang na si Harry Roque, kahit anung pang aamo ng Senate President na si Tito Sotto iisa lang ang kanilang mga lengguuwahe na huwag daw tayo mangamba o mabahala kasi hindi naman daw ito maka epekto sa ating mga karapatan na magpahayag ng ating mga saluubin. kailangan lang daw ito dahil matagal na raw itong panukala. pero ano ba ang lohika at intensyon nito bakit ngayon lang nila ito pilit na inilulusot, dahil ba sa umiiral ngayon na bayanihan act, dahil ba sa naka-house arrest ang mga tao na o naka-lockdown na ala martial law. 

Kasi pilay ang mga human right defenders, dahil ba ang masang anak Pawis ay gutom na pinawi sa ibinigay na ayudang 8k-5k na galing sa buwis ng taong bayan, na hanggang sa ngayon ang iba ay unaasa pa namaabutan ng tulong o dahil ayaw nilang masayang ang ganiting pagkkataon lalo ng kanyang mga promotor nito na alam nila na sila ang makikinabang, pero ano ang nasa likod nito? Ito ay paninikil, preparation sa nalalapit na election sa taong 2022, panunupil sa mga oposisyon at sa mga kritiko. 

Sa panahon ngayon ay inaasahan ng mga maralita o ng uring masang anakpawis na matugunan ang suliraning pangkalusugan, matugunan ang kagutuman, masolusyunan ang libu-libo, kundi man milyun-milyong nawalan ng trabaho. Huwag kaming lansihin at ipilit ang kanilang maitim na balak. Junk Terror bill now na! 

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 6

Miyerkules, Hunyo 3, 2020

Pahayag ng KPML sa World Bicycle Day sa panahon ng COVID-19

PAHAYAG NG KPML SA WORLD BICYCLE DAY SA PANAHON NG COVID-19
Hunyo 3, 2020

Malaking problema ng manggagawa ang transportasyon ngayong unti-unting tanggalin ang community quarantine. Subalit nang payagan nang makapagtrabaho ang mga manggagawa, dagdag-problema naman nila ang kawalan ng transportasyon patungo sa trabaho, at yaong may motorsiklo’y bawal naman ang angkas. Kaya ang iba’y natuto nang magbisikleta.  Tulad din sa ibang bansa na bisikleta ang sasakyan papunta sa trabaho, dapat maglaan ng kaukulang pondo ang pamahalaan at mga kumpanya, na magbigay ng libreng bisikleta sa ating manggagawa. Gayunpaman, dapat isaalang-alang din ang layo ng panggagalingan dahil nakakapagod din sa manggagawa ang magbisikleta papuntang trabaho, lalo’t pisikal din ang kanyang ginagawa sa pabrika.

Kaya ngayong World Bicycle Day (na batay sa UN General Assembly Resolution (A/RES/72/272), nananawagan ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pamahalaan at mga pinagtatra-bahuhan ng mga manggagawa na maglaan ng pondo para sa bisikleta bilang batayang sasakyan ng kanilang manggagawa patungong trabaho. 

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 5