PAHAYAG NG KPML SA WORLD ENVIRONMENT DAY
06.05.2020
Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa pagdiriwang at paggunita ng mamamayan ng buong daigdig sa ikalimampung anibersaryo ng Pandaigdigang Araw ng Kapaligiran o World Environment Day.
Sa kabila ng pananalasa ng COVID-19, marami tayong nakitang dapat baguhin, lalo na't nakita natin ang kahalagahan ng kabukiran kaysa mga mall. Dahil sa bukid nanggagaling ang ating mga pagkain; dahil sa lockdown, sarado ang mga mall; dahil sa kabila ng lockdown, mas nakita natin ang kalahalagan ng ating magsasakang pinagmumulan ng ating mga pagkain, at mga mangingisdang naghirap upang madala sa pamilihan ang mga huli nilang isda.
Sa anibersaryo ng World Environment Day o Pandaigdigang Araw ng Kapaligiran, halina't magsimula tayong magtanim-tanim, kahit nasa kalunsuran, sa pamamagitan ng urban gardening. Upang sa panahong tulad ng nararanasan natin ngayon, may mapipitas tayong mga gulayin, tulad ng alugbati, kangkong, kamatis, petsay, malunggay, at iba pa. Alamin natin ang mga gulay na ilang araw o linggo lang ay malago na at maaari nang kainin. Mahirap kasing umasa lang sa bigay na sardinas at noodles, kundi tulungan din natin ang ating mga sarili. Magtanim tayo.
Hinggil sa iba pang isyung pangkalikasan at pangkapaligiran, tutulan natin ang pagmiminang nakakasira ng kabuhayan ng ating mga katutubo, at nakawawasak ng kapaligiran. Tutulan natin ang pagtatayo ng mga panibagong coal plants. Alamin natin kung bakit nananawagan tayo ng Climate Justice, at bakit dapat huwag nang lumampas pa ng 1.5 degree ang pag-iinit ng ating mundo. Bakit ba may nagsasagawa ng ekobrik? Bakit naging basurahan na ang ating mga karagatan, kung saan namamatay ang mga isdang nakakain ng mga upos ng sigarilyo, at mga plastik. Bakit hindi tayo dapat magsunog ng basura?
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 7.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento