PAHAYAG NG KPML SA WORLD DAY AGAINST CHILD LABOR
Hunyo 12, 2020
Imbes na ipagdiwang ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ang sinasabing Araw daw ng Kalayaan, na sa esensya’y paglaya mula sa Kastila upang magpailalim naman sa mga mananakop na Amerikano, mas nais gunitain ng KPML ang pakikibaka laban sa paggamit ng bata sa mabibigat na trabaho, ngayong Hunyo 12, World Day Against Child Labor.
Marami nang bata ang dapat ay nag-aaral sa kanilang murang edad subalit napipilitang tumulong sa kanilang magulang upang sila’y makakain dahil sa hirap ng buhay. Dapat ang bata ay nasa paaralan at hindi nasa basurahan, o yaong mga namumulot ng basura upang ibenta at may maipambili ng makakain ng pamilya.
Lalo sa panahon ngayon ng COVID-19, na nawalan ng trabaho ang ama, at kailangan ng pambili ng laptop o selpon para sa anak na mag-aaral, baka mas tumindi pa ang child labor. Baka mas dumami ang batang maging biktima nito. Ayon sa International Labor Organization (ILO) Convention No. 82, o Convention concerning the Prohibition and Immediate Action for the Elimination of the Worst Forms of Child Labour, o kilala ring Worst Forms of Child Labour Convention, na pinagtibay noong 1999, na dapat pagtuunan ng maagap na pagkilos ang pangmatagalang layunin ng epektibong pag-aalis ng lahat ng uri ng Child Labor.
Ang child labor ay paglabag sa batayang karapatang pantao at hinahadlangan ang pag-unlad ng mga bata na maaaring humantong sa panghabambuhay na pisikal o sikolohikal na pinsala. Kaya kami sa KPML, ang aming panawagan ay: STOP CHILD LABOR NOW!
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2020, pahina 9.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento