Lunes, Hunyo 22, 2020

Pahayag ng KPML laban sa Waste-to-Energy

Pahayag ng KPML laban sa Waste-to-Energy
Hunyo 22, 2020

AYAW NAMIN SA MALING SOLUSYON!
HUWAG PAYAGAN ANG WASTE-TO-ENERGY O INCINERATION!

Mahigpit na nakikiisa ang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa iba't ibang organisasyon, sa pangunguna ng grupong No Burn Pilipinas, sa pagtutol sa balak na pagtatayo ng mga waste incinerator sa bansa. Nakikiisa ang KPML sa panawagang itigil ang planong pagtatayo ng mga waste incinerator at panindigan ang pagbabawal sa mga ito na nakasaad sa RA 8749 (Philippine Clean Air Act of 1999) at RA 9003 (Ecological Solid Waste Management Act of 2000). Alam naming malaki ang epekto ng waste incineration sa kalusugan ng tao, lalo na sa inilalabas nitong nakalalasong dioxin at furan na nagdudulot ng kanser at iba pang sakit. Kaya hindi wastong solusyon ang waste-to-energy sa basura.

Kundi ang tamang paraan pa rin sa paglutas sa problema sa basura ay ang Zero Waste Management. Mas pinagtutuunan nito ang pag-iwas ng paglikha ng basura, pinoprotektahan ang kalusugan at kabuhayan ng mamamayan sa pamamagitan ng paglikha ng mga trabaho at pagpigil sa polusyon. Napakaraming bayan na sa iba't ibang parte ng mundo ang nagsagawa at nagpatunay ng tamang solusyonng zero Waste. Ito ang dapat suportahan, paunlarin at itaguyod upang mapabilis at maging matagumpay ang paglaganap nito sa ating bansa.

Dagdag pa rito, pararamihin lang ng waste incineration ang basura dahil kinakailangan nito ng basura. Araw-gabinitong kailangan ng daan-daang tonelada ng basura upang umayos ang takbo ng mga plantang ito. Bagamat tone-tonelada rin ang mga nalilikhang basura sa mga lungsod at bayan, di naman lahat ng uri ng basura ay dapat sunugin ng incinerator. Huwag din nating payagan ang mga mambabatas na mag-amyenda at tanggalin ang mga pagbabawal ng pagsusunog ng basura na nakasaad sa Philippine Clean Air Act of 1999, at sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000. Ayon pa sa ilang ulat, may mga panukalang Waste-to-Energy incinerator sa Quezon City, Davao, Cebu, Pampanga, at iba pang mga probinsya sa bansa. 

Ayon sa grupong No Burn Pilipinas, "Napakabigat ng mga pinansiyal na pangangailangan ng mga incinerators at sa mahabang panahon, maaari ring malugi ang gobyerno sa mga proyektong ito. Daang milyon o ilang bilyon ang gastos para sa pagtatayo, pagpapatakbo at pagpapanatili ng mga planta? Dagdag sa gastusin ang mga mahigpit na patakaran at pananagutang kasama sa mga plano para sa waste-to-energy. Halimbawa na rito ang lock-up period sa mga kontrata, kung saan binibigyan ng garantiya sa kita ang mga investors at technology providers sa takdang panahon sa halip na protektahan ang pinansyal na kakayahan at integridad ng mga lokal na pamahalaan."

Bilang mga maralita, ayaw na namin sa mga dagdag-pasanin pa, at dagdag-buwis, sa mga bagay na makakasira na sa ating kalusugan, at makakasira pa sa ating kapaligiran. 

Sobra na! Tama na ang dagdag pahirap sa masa!

Ayaw namin sa maling solusyon! Tutulan ang waste-to-energy o incineration!

Walang komento: